Monday, June 6, 2011

Ang Paghanga ko kay Eros Atalia (na Mas Pinainit pa ni Mercedes Cabral)



Nagkakilala kami ni Eros Atalia noong nasa Kolehiyo ako. Yung roommate ko, bumili ng libro na may guwapong manong sa cover. Tapos, tawa na siya ng tawang mag-isa kahit dis-oras na ng gabi at nag-aaral ako ng mga kalokohan nina Nietzsche at Marx. Dahil senior ako sa kanya, wala siyang nagawa kundi ipahiram sa akin ang libro.

Ang pamagat ng libro, Peksman (Mamatay Ka Man) Nagsisinungaling Ako (At iba pang mga Kuwentong Hindi Dapat Paniwalaan).

Tapos sinabi ko noon sa sarili ko, “Sa wakas! May bago na naman akong susubaybayang manunulat. Hindi pa pa-misteryoso at hindi nagtatago ng mukha katulad noong idol ng mga kids”. Bob Ong yata ang pangalan noon. (At para sa kabatiran ng lahat, mas nauna kong minahal sina Nick Joaquin, Cristina Pantoja-Hidalgo at Lualhati Bautista kumapara kay Bob Ong. Hindi mo sila kilala? Weh? Magaling yung mga yun.)

Lumipas ang mga buwan, nagtapos ako sa Kolehiyo. Binalak ko noong seryosohin ang pagsusulat. Pero mahirap na karera iyon. Kaya humingi ako ng tulong kay Eros Atalia. Nag-email ako sa kanya ng mga sample kong blog posts. Sinabi kong isa siya sa mga inspirasyon ko. Mabait naman siya at nag-reply. Titingnan daw niya kung magagamit niya ang mga isinulat ko sa klase niya sa UST.

Hindi ko na alam kung nagamit nga ni Sir Eros ang mga materyales ko. Pero katulad ng sinabi niya sa aking payo, hanggang ngayon ay patuloy pa din akong nagusulat, nangangarap, nag-aasam na isang araw ang mga gawa ko’y mailathala’t maging aklat. At friends pa din kami ni Sir Eros hanggang ngayon.

Sa Facebook.

Isang araw, habang nagliliwaliw ako sa Friends for Sale sa Facebook, nakita kong nagpalit ng profile picture si Sir Eros. At yun yung pangatlo niyang libro na Ligo na U. Lapit na Me.

Dali-dali akong pumunta noon sa pinakamalapit na National Book Store para bumili ng kanyang obra. At muli, hindi na naman nasayang ang pera at panahon ko kay Sir Eros. Hindi niya binigo ang aking expectations katulad ng pagkabigo sa akin ni Kapitan Sino.

Kahit medyo hindi pambata ang laman ng ikatlo niyang libro, suwak pa din sa aking panlasa. Ibang magkuwento si Sir Eros. Tila katabi ko lang sina Intoy at Jenn habang sila’y nagmo-MOMOX. Tila kasama ko sila sa kuwarto ng motel. At tila kasama kong sumuka sa loob ng bus si Intoy. Ay oo nga pala, sumuka din ako dati pero sa loob ng jeep na biyaheng UPLB.

Hindi ko lang alam kung natatandaan pa ako ng mga kasabay ko noon. At kung may nasukahan ako. Pilit ko pa rin iyong ibinabaon sa limot.

Lumipas ang mga panahon, medyo madami na din ang naisulat ko, dumami ang mga tagasubaybay ng blog, may iilang mga masugid na nagbabasa (mga less than 40), at patuloy pa ding nangangarap.

Tapos isang araw, nakita ko sa cellphone ng kapatid ko ang isang poster ng pelikula na ginawa niyang wallpaper. Muntik na akong mapa-somersault sa tuwa (Ay de leche! Hindi pala ako marunong noon). Yung paborito kong libro ni Eros, gagawing pelikula na kasama sa Cinemalaya.

Tapos ang gaganap pang Jenn, yung bago kong crush. Hindi si Julia Montes. Hindi pa siya puwede para sa role na ‘to. Si Mercedes Cabral. Ang sinasabing reyna ng Philippine Indie Films. Siya daw ang Babaeng Coco Martin. Langya sa title!

Tapos kasama pa sina Mel Kimura, Simon Ibarra (Astig! Noli Me Tangere-inspired ang pangalan), Shalala, Beverly Salviejo, Joseph Bitangcol at marami pang iba.

Excited na akong panoorin ‘to. Kaso, ang Cinemalaya, nasa Metro. Kaya good luck na lang sa akin sa pag-iskor ng tiket, pagnakaw ng libreng oras, at diskarte sa pamasahe at biyahe para mapanood ito.

Kung hindi man, sana ay maglabas ng DVD. Yung orig ang bibilhin ko. Pramis. Nagbagong buhay na ako. Hindi ko ito-torrent ‘to.

Maglalabas na ng pelikula base sa libro ni Eros Atalia, pero yung una niyang librong Taguan Pung, hindi ko pa rin mahagilap. Nagpunta na ako noon ng UST pero bigo akong maka-iskor ng kopya. Ikaw? Alam mo ba kung saan ako makakabili noon?

At para sa kabatiran ng lahat, hindi ko naman isinusumpa si Bob Ong. Mahabang panahon din ang pinagsamahan namin. Sa katunayan nga, naging manunulat at direktor ako noong isinadula namin sa entablado ang libro niyangMcArthur. Ang punto ko lamang, mga kids, hindi lang siya ang Pilipinong may panulat. Maghalungkat kayo sa mga aklatan at bookstore para sa ilan pa nating mga kababayang may bayag sa pagsulat.

At inaanyayahan ko kayong manood mamayang gabi ng Brigada sa GMA News TV channel 11, ika-8 ng gabi. Meron silang feature para sa mga Pinoy na manunulat. Kasama sina Eros at Bob.

Masuwerte ang mga (naging) estudyante ni Sir Eros sa UST dahil meron silangfirst-hand experience sa taong hinahangaan ko. Pero para sa akin, sa pamamagitan ng kanyang mga libro, para na ring naging estudyante niya ako.

At yun naman ang technique para magtagumpay sa buhay - ang maging estudyante, ang maging tagahanga, ang maging tagasunod at hindi ang pagsasabing “ganap at kumpleto na ako” dahil ika nga, learning is a lifelong process. Nuks. Cliche na cliche!

Sana ay makita ko na sina Intoy at Jenn sa pinilakang tabing. At si Mercedes Cabral.

Mabuhay ang obrang malaya! Mabuhay ang sining nating mga Pinoy. Padayon!

No comments:

Post a Comment