Monday, January 24, 2011

Finding My Way Back Home

24 January 2011

Bisperas kahapon ng Kapistahan ng Patron ng Seminaryo namin, si San Francisco de Sales, Patron Saing of Writers and Journalists. Sumama ako sa mga Magulang ko sa Seminaryo sa Marawoy, Lipa City para dalawain ang kapatid ko at para na rin bumisita sa lugar na itinuring kong tahanan sa loob ng walong (8) taon.

Nakakatuwang isipin na parang nagbalik sa akin ang mga ala-ala ng masasaya, malungkot, nakakatuwa, nakakaaiyak na samahan naming mga seminarista at ang buhay seminaryo. Habang tinitingnan ko ang bawat sulok, ang bawat kuwarto, ang bawat lugar, nagbabalik ang ilang mga pangyayari sa aking buhay na kailanman ay hindi ko makakalimutan at babaunin hanggang sa aking pagtanda.

Nakita ko din ang mga dati kong kasamahan (pero mas madami na ngayon ang mga seminaristang hindi ko na kakilala. Tumatanda na ako at madami na ang bago), nagkaroon ng maikling kuwentuhan, tawanan, at pagbibigay ng payo sa mga graduating na Seminarista ("basta't huwag niyo ng gagawin ang mga kamalian ko na ginawa ko"). Nakasalubong ko din ang mga superior/ formator kong mga Prayle (na masama yata ang tingin sa akin dahil naka-shorts ako kanina. Naka-pantalon kasi dapat ang mga seminarista.)

Nakasalubong ko yung Rector ko na hanga pa (din) daw sa mga isinusulat ko sa aking blog. Ang rector ko na itinuturing kong ninong, tatay, kaibigan. Ang nagtuwid sa baliko kong pananaw at buhay. Ang isa sa mga huling tao na nagtiwala at naniwala pa din sa akin sa kabila ng aking personalidad, mga nagawa, at idealismong salungat sa itinuturung ng marami na tama at angkop.

Pagkatapos ay nanood ako ng palaro ng mga Seminarista. Kasama ang lahat ng mga departamento - mula High School hanggang Theology. Nakakatuwang panoorin na halos walang pinagbago ang saya, tawanan, at balyahan ng mga seminarista sa loob ng basketball court. Nakaka-miss ang ganoong mga pangyayari.

Sa gitna ng aking pagmumuni-muni, tinanong ako ng Nanay ko:

"Na-mi-miss mo na ba ang buhay Seminaryo?, seryoso niyang tanong.

"Hindi! Ang sarap ng buhay ko ngayon eh..", ang sinungaling kong sagot. Sabay ngiti at tumalikod sa Nanay ko.

Nagsisinungaling ako kung sabihin kong hindi ko nami-miss ang buhay seminaryo. Masarap ang buhay sa loob kahit na madami ang hindi nakakaintindi kung paani kaming tumatagal sa ganoong buhay. Walang cellphone, nakakulong, walang babae, at kung anu-ano pang "wala" na meron sa labas ng seminaryo.

Pero kailangan kong mamili. Kailangang timbangin ang mga bagay-bagay. Sa ngayon, ayokong bumalik sa seminaryo ng " hinog sa pilit". Ayokong ma-kompromiso ang aking bokasyon, kasama na ang mga taong aking paglilingkuran, kung pipilitin ko ang sarili ko na mag-pari. May bagay na angkop lamang sa tamang panahon. At sa aking pananaw, hindi pa ngayon ang tamang panahon para doon.

Kaya kahit due ako na bumalik ngayong June 2011, hindi muna ako babalik.

Madami pa akong dapat ayusin sa aking sarili at sa aking buhay dito sa labas ng seminaryo. Mga bagay na hindi maaaring ipilit, mga bagay na hindi maaaring madaliin.

Pero kung sakali mang bumalik ako, alam kong meron pa rin akong babalikan. Dahil sabi nga ni Naruto kay Saske, ang tahanan na iyong babalikan ay iyong lugar kung saan may nagmamahal sa iyo.

Kapistahan ngayon ng Patron natin. Maligayang Pista mga Anakiko! Maligayang kapistahan San Francisco de Sales. Padayon!

Anakiko ang tawag sa mga seminarista ng aming seminaryo. Anakiko - o "Mga Anak ni Kiko" - bilang mga seminarista sa ilalim ng gabay ni San Francisco de Sales.

No comments:

Post a Comment