Kesyo tayo na lang daw ang bansa sa buong mundo na hindi nagpapahintulot ng diborsyo (bukod sa Vatican City siyempre) matapos itong pahintulutan ng mga mababatas ng Malta, napapanahon na daw na pahintulutan ito sa Pilipinas upang "umayon sa makabagong panahon". May mga nagsasabi pa ngang isang malaking ka-ipokritohan ang hindi payagan ang diborsyo sa isang bansang pinapayagan naman ang mas magastos na annulment (Matalino ka. Alam mo naman siguro ang pinagkaiba ng dalawang iyon. Hayaan na lang natin.).
Nagmula ako sa isang liberal-ngunit-konserbatibo-tungkol-sa-mga-turo-ng-Iglesia-Katolika na pamilya. Ang mga magulang ko ay kapwa mga naglilingkod sa aming Parokya. Kaming magkapatid ay parehong nasa Seminaryo at nag-aaral para maging Prayle sa hinaharap. Kaya't ang usapin ng diborsyo ay malayo sa posibilidad na tanggapin ko at ng aking Pamilya.
Pero paano naman daw ang mga hindi Katoliko? Iyan ang madalas na katanungan ng ilan na palagi na lamang parang mga inasnang bulate kapag naglalabas ng pahayag ang mga tinatawag nilang Damaso. Ang usapin ng diborsyo ay hindi lamang usaping Katoliko. Ito ay usaping panlipunan. At may mga epekto ang diborsyo hindi lamang sa kabanalan ng matrimonya ng kasal kundi pati na rin sa usaping pangkalusugan, psychological at psycho-emotional.
Masuwerte ako at hindi sinasadyang nakahanap ako ng materyales para ipaliwanag ng mas maiintindihan ng nakararami ang aking punto tungkol sa aking pagtutol sa diborsyo. Nasa isang pagpupulong ako kahapon sa Seminaryo at hindi sinasadyang nakakita ako ng pahayagan ng Arsidyosesis ng Lipa at aking nabasa ang kolum ng isa sa aking mga iniidolong Pari - si Msgr. Ruben Dimaculangan, isang Pilipinong Pari na dating Ambassador ng Vatican City sa United Nations.
Bakit nga ba hindi mabuti ang diborsyo? Narito ang ilan sa mga puntong kanyang isinulat:
- Kasi, kung merong mga failed marriages, meron ding mga bad divorces.
- Hindi karaka-raka binugbog ang babae ay diborsyo kaagad ang solusyon. Ang gamot sa pambubugbog ay presinto. Pustahan at mas-dadami ang pambubugbog kung bubuksan ang pintuan para sa diborsyo.
- Ibinubukas ng diborsyo ang okasyon sa mga kabataan na maging iresponsable sa pagpili ng mapapangasawa. Lalo nitong ibinubuyo sila na paglaruan ang pag-ibig, lalo na ang kababaihan.
- Ibinababa ng diborsyo ang dignidad ng kasal bilang banal na pagsasama. Para bang ang pagpili ng pangangasawa ay pagpili ng kalakal at hindi isang pakikipagtipan.
- Ang diborsyo ay walang iniwan sa paglalagay lang muna ng iyong “lumang buhay” sa kapahingahan. Tapos, susundan mo naman ito ng paglalalang ng sitwasyon ng bagong problema sa buhay sa muling pag-aasawa.
- Sa diborsyo, ang mga abogado ay pwedeng maging bahagi din ng problema. Merong mga iskwelahan na naghuhubog ng mga abogado upang maging analytical pero hindi naman talaga upang makatulong. Ang inaatupag ay ang pag-atake sa kahinaan ng isa sa mga partner o ng kalabang abogado at sa bandang huli iniiwan ng diborsyo ang naghiwalay na mag-asawa na matabunan ng utang sa abogado o sa problemang emosyonal
- Ang diborsyo ay laging mali dahil pagtalikod ito sa sumpa ng mag-asawa na sila ay magsasama habang buhay. Maraming problema ang malulutas kung ang mag-asawa ay magdedesisyon na ibangon ang kailang kasal nang may determinasyon sa tulong ng Diyos at sa tulong rin ng kanilang kapwa (lalo na ng mga ninong/ninang).
- Ang diborsyo ay magiging suliraning panlipunan dahil inaatake nito at unti-unting winawasak ang pamilya, ang kakayanang magtalaga ng bawat salit-saling lahi hanggang sa marating nila ang puntos na maging okey lang para sa lahat ang maghiwalay kahit saang puntos ng pagsasama sila andoon.
- Mali ang diborsyo dahil sa bawat problema, diborsyo lagi ang nakikitang solusyon. Pinapapaglaho ng diborsyo ang halaga ng sakripisyo, pagsisikap, determinasyon, pagbibigay ng sarili, pagtatalaga at ang tulong ng biyaya ng Diyos.
- Pagtakas sa problema kaysa pagharap sa suliranin ang kulturang unti-unting itinuturo ng diborsyo.
- Pagkatapos ng mula hanggang 10 taon diborsyo, batay sa 20 taong pagsasaliksik, ito ang nagiging ugat ng kahirapang pinansyal ng asawang babae at ng kanilang mga anak. (Amberl, 1998; Bouchard et al, 1991:6; Ross, Scolt and Kelly, 1995 :67).
- Kaunting-kaunti lang ang ebidensya na nagpapakitang ang diborsyo ay nakakabuti sa mga anak.
- Nagdudulot ang diborsyo ng behavior problems sa mga anak, ng pagdami ng maagang pagbubuntis, pagdami ng gumagamit ng droga, problemang psychological (anxiety, loneliness, low self-esteem at physical (sakit sa puso,diabetes, cancer).
- Ang problemang ganito, na nakasaad sa itaas, ay nakikita na kaagad sa divorce process pa lang kung saan pinagtatalunan ng mga magulang kung sino ang dapat sisihin, kung papaano hahatiin ang ari-arian, kung papaano aalagaan ang mga anak, kung kanino titira ang mga anak at kung papaano magpapanimula muli ng kanilang social network.
- Kahit ang relasyon ng mga anak ay sinisira ng diborsyo. Nababawasan ang pagtitiwala nila sa isa’t-isa habang sila ay tumatanda.
- Kaya nga, sa pagdami ng hindi malusog na populasyon, ay kasunod ang pagbaba ng pangkalahatang standard of living ng lipunan.
O baka sabihin ninyo, bigotry itong ginagawa ko. Ang akin lamang, ibinabahagi ko ang aking natutunan para sa ikabubuti ng nakararami. Tutal, may kalayaan ka naman na gumawa ng sarili mong opinyon at igagalang ko iyon katulad na rin ng sana ay paggalang mo sa aking opinyon.
Maaaring sabihin ng iba na tayo na lamang ang natitirang bansa na walang diborsyo at sa tingin ko, hindi iyon maituturing na sumpa kundi isang biyaya ng Diyos. Marami sa ating kultura at mga tradisyon bilang isang Pilipino ay nakaugat sa pagkaka-ugnay-ugnay at pagkakabuo ng Pamilya at nakapanghihinayang kung may mga pamilyang tuluyag masisira.
Maaari ding tingnan ng iba na walang moral authority ang mga Obispo ang Simbahan dahil sa samu't-saring kontrobersiya na hinaharap nito (Pajero Bishops, mga abusadong Pari, etc.). Ngunit tingnan niyo ito. Masasabi mo bang walanghiya ang isang pamilya kung may iisa o iilang black sheep dito? Masasabi mo bang dysfunctional ang isang angkan kung may isang Pamilya na nasira at nagkahiwalay? Hindi di ba? Ang iilan ay hindi sumasaklaw sa kabuuan. Mas marami diyan ang Obispo at mga Pari na mabubuti, banal, at tumutulong at naglilingkod sa Diyos at sa kapwa ng buong puso at buong pagkatao.
Na-e-exaggerate at nase-sensationalize lamang ng media (telebisyon, radio, print, at internet) ang mga balita tungkol sa iilan.
Sila ang makabagong weapons of mass destruction ng kasalukuyang panahon.
Bumalik tayo sa paksa ng artikulong ito. Tama ba ang diborsyo? Hindi. Sa tingin ko, dapat munang unahin ang pinaka-ugat ng problema bago sugpuin ang problemang lumago na. Kumbaga sa commercial, patayin ang ugat ng fungi.
Hindi basta-basta ang pag-aasawa. Sa pagpili ng mapapangasawa, dapat ay naroon ang tamang pagkakakilanlanan, tiwala, respeto, at pagmamahal sa isa't-isa. Dapat din sigurong ituro ang tamang values formation na siyang ugat ng pagkatao o kung "magiging ano" ang isang tao sa hinaharap.
Edukasyon at tamang values formation. Hindi Divorce revolution. At siyempre, ang patnubay ng Poong Maykapal. Amen?
Ipinapanalangin ko na maging matatag ang mga mag-asawa at ang mga Pamilya lalung-lalo na sa modernong panahon kung saan ang patnubay sa mga anak ay tila napapabayaan na at angvalues ng mga kabataan ay kung saan-saan na nakukuha .
Pag-ibig at kapayapaan sa ating lahat. Padayon!
tama it, hala padayun kita, bakit pa pakasal kung mag didiburs lang naman, kalukuhan iton..
ReplyDelete