Tuesday, February 7, 2012

Ang Alamat ni Jeric Raval

Noong isang araw, nabulabog ang mga angry birds ng cyber space nang sa kauna-unahang pagkakataon ay tumayo ang kilalang miyembro ng Senate Committee on Silence na si Senator Lito Lapid at nagsalita sa impeachment court. At dahil bihira ang pagkakataong iyon, nag-trending worldwide ang Senador sa Twitter. Kasama ang pangalang Leon Guerrero.

E sino nga ba si Leon Guerrero? Siya ang Pinoy version ng Lone Ranger na nakilala sa pinilakang tabing dahil sa pagganap ni Lito Lapid (pero mas naunang gumanap ang kaniyang tiyuhin na si Jess Lapid). Ang pinakanatatandaan ko sa kanya ay kung paano niya pinatay ang dalawang tumatakbong kalaban gamit ang iisang bala - sa pamamagitan nang pagpapaputok ng baril sa harap ng isang punyal (na kahit si MacGyver, hindi maiisip yun).

Gusto ko sanang magsulat tungkol kay Leon Guerrero at sa tahimik na Senador pero napagtanto kong sayang lang ang bandwidth. At neurons. Kaya’y naisipan kong ibaling ang aking atensyon sa aking paboritong action star noong dekada nobenta:

Si Jeric Raval.

[caption id="attachment_424" align="alignnone" width="500" caption="Isa sa mga pamatay na movie posters noong dekada nobenta."][/caption]

Noong isang araw, habang naghahanap ng matinong palabas sa TV, ay napadaan ako sa Kapuso Movie Festival ng GMA-7 kung saan may nakita akong isang pamilyar na mukha na kasama nang noo’y payat pang si Beethoven Del Valle-Bunagan (Michael V.) - si Jeric Raval. Ang pamagat ng pelikula? Biboy Banal: Pagganti ko..Tapos Kayo (halimaw sa title!) na orihinal na ipinalabas noog taong 1994. At sa puntong iyon, bumalik sa aking alaala yung kabataan ko na tuwang-tuwang nanonood ng mga Pinoy action movies sa TV, VHS at sa Pinoy Blockbusters (Tatay ng Cinema One). At isa nga sa mga naging paborito kong bida higit sa ibang action stars ng henerasyong iyon ay si Jeric Raval.

Sino nga ba si Jeric Raval? Ang tunay niyang pangalan ay Jericho Buensuceso at inilarawan siya ng Wikipedia (ang hindi nagsisinungaling na bible ng henerasyon ngayon) bilang isang artista na nakilala sa kanyang leather jacket, leather pants, at shiny hair.

Una siyang nakilala sa pelikula ni Manoy Eddie Garcia na Valentin Zapanta Alyas Ninong: Ang Huling Kilabot ng Tondo kung saan gumanap siya bilang isa sa mga bata ni Ninong at ang kanyang kauna-unahang pelikula in a lead role ay ang Kalabang Mortal ni Baby Ama kasama sina John Regala at Willie Revillame (Oo, si Kuya Wil). Matapos noon ay naging sunod-sunod pa ang pelikula niya sa OctoArts Films katulad ng Boboy Salonga: Batang Tondo,Estribo Gang: The Jinggoy Sese StoryBeloy Montemayor: Tirador ng Cebu,Victor Meneses: Dugong Kriminal, Barkada Walang Atrasan, at ang personal kong paborito dahil sobrang pamatay ng pamagat na Bunso: Isinilang Kang Palaban.

Napilitan si Jeric na tumigil sa paggawa ng pelikula matapos makatanggap ng Temporary Restraining Order matapos ang hindi pagkakaunawaan sa OctoArts Flms na nauwi sa korte. Matapos maayos ang gusot ay nagbalik pelikula si Jeric pero hindi na gaanong naging maningning ang kaniyang kasikatan. Ang kaniyang pinakahuling pelikula ay ang Lapu-Lapu ni Lito Lapid noong 2002 (na sa tingin ko ay kakaunti lamang sa inyo ang nakapanood).

E ano ba ang meron si Jeric Raval na wala ang ibang action stars katulad nina Robin Padilla, Fernando Poe, Jr., George Estregan, Cesar Montano, Monsour Del Rosario, Ronnie Rickets, Bong Revilla, at Rustom Padilla? (Oo, gumanap na astig na sundalo si Rustom sa Mistah kasama ang mga kapatid niyang sina Robin, Royette, at Rommel bago siya naging BB Gandanghari)

Para sa akin, may ibang klase ng karisma si Jeric Raval. Hindi siya yung tipikal na action star noong dekada nobenta na sa unang tingin mo pa lang ay alam mo nang mambabasag ng bote ng San Miguel beer sa ulo ni Bomber Moran o kaya ay makikipaghilahan ng bigote sa magkapatid na Rommy at Paquito Diaz. Siya yung klase ng astig na action star na hindi mo aakalaing makikipagpatayan sa mga bata ng kurap na Congressman, pulis, at negosyante. Maamo ang mukha kaya may elemento ng surpresa at gulat kapag nakikipagbakbakan sa loob ng bandonadong gusali o warehouse.

Katulad na lamang noong pelikulang Biboy Banal: Pagganti ko..Tapos Kayo.Sa unang tingin, lalo na at kasama pa ang henyong si Michael V., ay aakalain mong isa na namang pelikulang comedy ng OctoArts ang palabas. Pero matapos na mapatay na ang kaniyang ama, gahasain at patayin ang kanyang kapatid , magkaroon ng nakakakilig na eksena kasama ang leading lady, ang kaunting pag-aaway sa loob ng beer house, at ang paglabas ng Mitsubishi L-300 na siyang sikat na sasakyan sa mga Pinoy action movies (samakatuwid, kapag lumabas na lahat ng cliche sa mga action films noong dekada nobenta), ay lalabas na ang kaniyang husay sa pag-arte bilang isang dekalibreng action star.

Masasabi kong isa si Jeric Raval sa mga impluwensyal na naghubog ng plikulang Pilipino noong dekada nobenta - ang huling dekada kung saan ang malaking porsyento ng masa ay gumagastos at pumipila sa mga sinehan (Siguro ay dahil mas mura pa ang panonood sa Sinehan noon. At dahil buhay pa ang Seiko Films. Oh yeah!)

Pero lumilipas ang panahon. Namatay ang action genre sa pelikulang Noypi at kasamang namatay nito ay ang karera ng daan-daang movie crew, stuntmen, kontra bida, at mga action stars na hayun, huli kong nakita sa TV ay nasa drama o sa mga pa-cute na youth-oriented shows.

Nasaan na nga ba si Jeric Raval ngayon? Wala akong balita. Huli ko siyang nakita noong isang taon sa radio show ni Cristy Fermin sa Aksyon TV 41 kung saan sinabi niyang sabik na siyang magbalik-pelikula. At ganoon pa rin ang mukha, halos hindi tumanda. Parang si Ely Buendia. At ang namayapang si Francis Magalona.

Sinasabing kinakailangang magkaroon ng ‘kamatayan’ ng action films sa Pilipinas para magkaroon ng ‘muling pagkabuhay’ at para maitaas ang kalidad nito. Sa pagpapalabas ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story ni George Estregan at sa nalalapit na pagpapalabas ng Hitman ni Cesar Montano, masasabi nating unti-unti na ngang nabubuhay ang action genre ng pelikulang Pilipino.

Utang na loob, sawang-sawa na ako sa paulit-ulit na comedy at love story sa pinilakang tabing. Ibalik natin ang Pinoy action Films. At ang titillating movies ng Seiko Films. Biro lamang ang huli pero puwedeng seryosohin.

Hindi ako dalubhasa sa pelikula at ekonomiya pero sa tingin ko, ang magpapabuhay sa naghihingalong industriya ng pelikulang Pilipino ay ang masa. Gumawa tayo ng pelikula na hindi mang-iinsulto sa ating kakayahang mag-isip (katulad noong mga staple movies sa MMFF). Gumawa tayo ng de kalidad na pelikula na ikatutuwa at ipagmamalaki ng mga manonood. Gumawa tayo ng de kalidad na pelikula. Gumawa tayo ng de kalidad na action films - na sa aking opinyon ay ang genre na malapit sa puso ng masa.

Nalalapit na ang muling pagkabuhay ng Pinoy action movies. At iisa lang naman ang hinihiling ko - ang makita ko ulit na nakikipagbarilan at nakikipagbasagan ng bote ang idolo kong si Jeric Raval sa pinilakang tabing.

Isa kang alamat, Jeric Raval. Mabuhay ang pelikulang Pilipino! Respeto.

Elsewhere:

  • Video 48 - Ang mga larawan sa itaas ay dito ko kinuha. Ang blog na ito ay patungkol sa mga classic Pinoy movies. Asteeg!

  • How the metrosexual killed the action star - Kung dati, ang mga iniidolo ay ang mga lalaking may bigote sa action movies, ngayon, mga lalaking kung mag-ayos ay mas komplikado pa sa mga babae.

  • Guns, Goons, and Gore - Lourd de Veyra’s take on the Pinoy action movies.

1 comment:

  1. Saludo ako sa post mo. Totoo nga na wala ang mga dating batikan sa baril, at sana bumalik na rin ang Action Films. Tanggalin na lang nila ang paulit-ulit na muka ng "Panday" at "Enteng" kada taon. Wahehe. Nice blog nga pala.

    ReplyDelete