” ‘Miss, mayroon na ba kayong kopya ng Wag Lang Di Makaraos?’, tanong ko sa isang assistant ng book store. ‘Saglit lang po Sir’, magalang niyang tugon. Sa tabi ko ay may isang matandang babae na malamang ay nasa sisenta anyos, salubong ang kilay at nakatingin sa akin. ‘Ang bastos naman ng librong hinahanap ng batang ‘to’, ang na-imagine kong malamang ay naglalaro sa kanyang isipan noon.”
________
Ika-18 ng Nobyembre ng nakaraang taon, sa tulong ng Facebook, nang una kong malaman na may bagong librong ilalabas ang isa sa pinakamahusay na manunulat ng ating panahon - si Ginoong Eros Atalia.
Halos isang buwan akong nagpabalik-balik sa bookstore sa isang mall sa bayang sinilangan ni Gat Jose Rizal (Clue: Paboritong puno ng may-ari ng mall ang pine tree.) upang maka-iskor ng pinakabagong obra ni Ginoong Atalia. Dumating pa nga sa punto na iniwanan ko na ang aking mobile number sa logbook nila at ite-text na lang daw ako kung may dumating ng libro.
Pero mailap ang libro. Kung hindi sold-out, palagi namang out-of-stock. Pero kailangan kong magkaroon ng libro. Kailangang mairaos ang pagnanasang gahasain muli ang mga letra, pangungusap, at pamatay na mga kuwento ni Ginoong Atalia.
At nakaraos nga. Ika-29 ng Disyembre ng nakaraang taon nang sa wakas ay makabili ako ng libro. Kaisa-isa na lamang kopya sa book store. Suwerte.
Ang Wag Lang Di Makaraos ay naglalaman ng isandaang (100) dagli at nahahati sa sampung (10) kabanata o tema. May tungkol sa kamatayan, mga kababalaghan at mga nakakatakot na nilalang, trahedya, mga kuwentong bata na hindi talaga pambata, at iba pang mga kuwentong ng pang-araw-araw na buhay.
Hindi ito ang unang libro kung saan nagsulat ng mga dagli si Ginoong Atalia. Matatandaang may ilang mga dagli sa kaniyang ikalawang librong Peksman [mamatay ka man] Nagsisinungaling Ako [at iba pang kuwentong kasinungalingang di pa dapat paniwalaan].
Ngunit ano nga ba ang dagli? Ito ay isang anyong pampanitikan na maihahalintulad sa maikling kuwento. Walang nakatitiyak sa angkop na haba ng isang dagli ngunit sinasabing hindi ito aabot sa haba ng maikling kuwento. Tinatawag ito sa wikang Ingles na flash fiction o sudden fiction. Naihahambing din ito sa proto-fiction o micro-fiction.
Sa katunayan, ang mga dagli na nakapaloob sa Wag Lang Di Makaraos ay umaabot lamang ng isang pahina - mahaba na ang dalawa’t kalahati - ngunit nandoon ang kabuuan ng istorya at ang dating at emosyon na iiwanan nito sa mga mambabasa. Dahil magaang basahin ang libro, natapos ko ito sa isang upuan lamang. Ngunit patuloy akong binabagabag ng ilang kuwento matapos ko itong basahin at kahit makailang ulit ko pa ulit itong basahin.
Ika nga ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Ginoong Bienvenido Lumbera sa kanyang blurb, “Magaang basahin, kung matinik ay malalim”. May kaniya-kaniyang sundot, kurot, at kiliti ang bawat dagli.
Simple ang pagkakalahad ng mga kuwento ngunit nandoon ang lakas ng dating na iiwanan nito sa mga mababasa. Ilan sa mga istoryang nakapagbaon sa akin ng ‘tinik’ ay ang mga kuwentong Si Ma’am Kasi, Sabi Ko na nga Ba (at ang wasak na ‘Pokpok Material’ na t-shirt), Superhero, Petition, at Manghuhula.
Isa pa sa mga aspektong hinangaan ko sa libro maliban sa husay ng pagkakalikha ng mga istorya ay ang lawak ng pag-iisip ng may-akda upang makalikha ng isandaang dagli na may iba’t-ibang tema at istorya. Hindi madali ang gumawa ng isandaang istorya na may kaniyang sariling ‘buhay’.
May isa lamang akong puna sa naturang libro. May isang istorya doon - angA, Ganon Pala ‘Yon - ang matagal ko nang naririnig bilang isa sa mga ’kuwentong barbero’ bago pa man ito mailathala sa libro. (Hindi ko lang alam kung si Eros din ang may akda nito. Isa din kasing manunulat sa tabloid si Ginoong Atalia.)
Sa kabuuan, bagamat bitin ang isandaang dagli, nakiliti, nasundot, at nakalikot ni Eros ang aking imahinasyon bilang isang mambabasa. Sa kaniyang mahusay na paglalahad ng mga istoryang may gulat sa huling mga bahagi, masasabi kong ayos na. Nakaraos na. Napagbigyan na ako bilang isang masugid na mambabasa ng mga kuwentong nakatago sa kasuluk-sulukan ng kanyang malikot na utak. Isang pagpaparaos bilang paghahanda sa mga bitin niyang kuwento sa mga una niyang librong nabasa ko.
At napag-uusapan na din lamang, narito ang susunod niyang librong harinawa’y makapagbigay-linaw sa mga bitin na istorya ng mga karakter na nauna nating nakilala sa mga naunang aklat ni Ginoong Atalia - It’s Not that Complicated: Bakit Hindi Pa Sasakupin ng mga Alien ang Daigdig sa 2012.
Pamagat pa lang, pamatay na. Pamatay na sa haba. Ano kayang nilalaman nito? Ayon sa ilang excerpts na nababasa ko (mula sa Facebook account ni Ginoong Atalia at ilang mga posts mula sa mga kapuwa ko tagahanga), malamang ay sequel ito ng drama ni Intoy at ang pangungulila niya kay Jenn. At kritisismo sa mga babaeng nagpapadala ng bag nila sa mga lalake.
Walang katiyakan kung kailan ito lalabas (balita ko ay ngayong Abril daw) pero habang wala pa, halika, samahan mo muna akong magparaos…kasama ang mga naunang obra ni Ginoong Eros Atalia.
Maraming salamat sa mga kuwento. Maraming salamat sa pagpaparaos ni Eros.
Iba pang mga Bagay:
- TEASER - It’s Not that Complicated: Bakit Hindi Pa Sasakupin ng mga Alien ang Daigdig sa 2012.
- IT’S CONFIRMED: “INTOY SYOKOY NG KALYE MARINO” is now an official Cinemalaya 2012 full length film entry (New Breed category), written by Jerry Gracio, based from the Eros Atalia’s Palanca award-winning novel about Kalye Marino… Directed by Lem Lorca, and yes, co-produced by Mr. BOY ABUNDA (2nd time after he co-produced “Astig” in Cinemalaya 2009)… Final Cast: JM DE GUZMAN as Intoy Syokoy, Joross Gamboa, and Ryza Cenon. - Facebook post sa wall/timeline ni Eros Atalia at ng direktor na si Jerry Gracio.
- Ang Paghanga ko kay Eros Atalia (na Mas Pinainit pa ni Mercedes Cabral) - ang kuwento kung paano ko nadiskubre si Ginoong Eros Atalia
No comments:
Post a Comment