Isang basong tubig galing sa poso inutang na kanin at malamig na ginamos
kaunting asin sa plastik na platito busog na bay, puwede nang magtrabaho Sa aking balikat ay papasanin tatlong-daang kilo ng asukal limandaang sako ng denorado sanlibong kaha ng delata sampung tonelada ng arinaKalawanging bubong, pader na may butas posteng pilay at sahig na paduyan-duyan ang aking palasyo’y pagkatibay-tibay pero puwede na ‘pre - tuloy ang hanapbuhay Ngayong araw ay tatapusin ko isang subdibisyon, limampung hektarya tatlong dosenang mansyon na magara higanteng gusaling likha sa semento kilo-kilometro ng kalsadaOo, kay tamis ng buhay oo, kay daling umasenso hangarin ko’y makatikim ng kaunting hayahay subalit kailangang ipagpatuloy ang hanapbuhay Pagkat walang ibang makagagawa nito paandarin ang makinarya bigyan ng buhay ang industriya patakbuhin ang ekonomiya padayunon ang pagpangitaPadayon!
Isang awiting obrero, para sa mga obrero, sa araw ng mga obrero.
May isa akong tweet na nabasa noong panahong wala pang masyadong jologs sa Twitter, mula yata kay ginoong Ramon Bautista. Kung gusto mong magkaroon ng inspirasyon sa araw-araw, pagmasdan mo daw ang mga ordinaryong taong pumapasok sa kanilang mga trabaho tuwing umaga.
Oo nga naman. Madalas, puro reklamo tayo sa hassles ng buhay. Puro reklamo sa trabaho at pag-aaral. Puro hinaing sa kung ano ang mga bagay na meron tayo. Gayong marami sa ating mga kababayang obrero, halos mamatay na sa trabaho na magkaroon lamang ng marangal na pagkukunan ng ipangtutustos sa kanilang pamilya. Ganoon ba dapat ‘yun? Kailangangmamatay upang makabuhay? Isang napakalaking kabalintunaan.
Hanga ako sa mga obrero, lalo na yung mga (mababa pa sa) minumum at arawan lamang kung sumuweldo. Tapos, hindi pa mga permanente at puro kontraktwal. Sila yung mga taong pinaghuhugutan ko ng inspirasyon para hindi sumuko sa buhay. Nakakahiya nga sa kanila. Ako na nga itong nakatapos at nasabing mas may pinag-aralan, ako pa itong tatamad-tamad sa trabaho. Paano kaya kung nagbiro ang tadhana at iyong skill at knowledge ko ay nasa kanilang mga masisipag? Napakalayo na siguro ng narating nila.
Kung hindi lang sana kalakaran dito sa atin ang kontraktwalisasyon. Kung ang trabaho ng mga obrero ay permanente at hindi na mamomroblema makalipas ang limang buwan. Siguro nga, metaphysicaly speaking, sa mundo ng negosyo at Kapitalsmo, maituturing na ‘necessary evil’ (o kinakailangan talagang umiral dahil ito ay nasa kaniyang natura gaano man kasama ang epekto) ang kontraktwalisasyon. Pero naniniwala akong hindi dapat iyon ang kalakaran sa tunay na mundo.
Isa sa mga paborito kong kanta ay ang ‘Padayon’ na orihinal na inawit ni Joey Ayala (na muling binigyang buhay ng Rivermaya sa kanilang album na “Isang Ugat, Isang Dugo”). Napakaganda ng mensahe nitong nagbibigay buhay sa manggagawa na huwag susuko at ang kanilang importansya sa lipunan.
Ang ‘Padayon’ ay isang salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay ‘magpatuloy’ o ‘tuloy lang’. Sa katunayan, ginawa ko na ito bilang aking personal na ‘mantra’ at motto sa buhay. At kung hindi ka kabilang sa 85% ng mga tagasubaybay sa blog ko na hindi naman talaga nagbabasa (at may attention span lang ng dalawang talata), malamang ay napansin mong madalas ko itong gamitin sa aking mga naunang akda.
Ngayon ay Kapistahan ni San Jose, ang manggagawa. Siya ang itinuturing ng Simbahang Katolika na Patron ng mga obrero, ng mga manggagagawa. Ngayong araw din ipinagdiriwang sa buong kapuluan ang Araw ng mga Manggagawa o ang Labor Day.
Noong bata ako, itinuturing ko lang ang ika-1 ng Mayo o Labor Day bilang araw ng protesta ng mga aktibista at iba’t-ibang mga unyon ng manggagawa na kung misan, mapapa-“Punyeta!” ka na lang sa kanila dahil nagiging sagabal sa daloy ng trapiko, maingay, at parang mga ngawa lang nang ngawa na wala nang ginawa kung hindi magreklamo.
Pero kahit minsan, naisip mo ba na kung wala ang mga “maiingay” na ito, ang mga raliyista na nagreklamo, ang mga may hawak ng placard sa kalsada na dahilan kung bakit ka naipit sa ga-impyernong trapiko, hindi dapat natin tinatamasa ngayon ang ilan sa mga pribilehiyo bilang mga manggagawa? Kung wala ang mga nakipaglaban na yan, wala tayong weekend, overtime pay, social security, sick leave,health benefits, at iba pa?
Imbes na magreklamo dahil nahuli ka sa pagpunta sa mall para manood ng Iron Man 3 ngayong holiday, magpasalamat ka na lang kahit papaano.
Isa sa mga pangarap ko para sa ating Patria Adorada ay ang dumating ang araw na ang Araw ng Manggagawa ay maging isang araw na punong-puno lamang ng kasiyahan at pagdiriwang. Walang protesta. Walang sinusunog na effigy. Isang araw na pinapangaralan at pinasasalamatan ang lahat ng mga dakilang manggagagawa.
Sana, magkatotoo.
Mabuhay ang mga dakila at masisipag na obrerong Pinoy! Padayon!
Elsewhere:
- NagResignAko.com - Kaunting katatawanan mula sa iba’t-ibang istorya ng mga manggagawang nagbitiw sa kanilang trabaho. Akala mo ay pinaka-impyerno na ang trabaho mo? Bakit hindi mo ikumpara sa kanila?
No comments:
Post a Comment