Wednesday, January 20, 2010

>Public Display of Affection (Thunder Edition)

>Isinusulat ko ito ilang oras matapos muntik na akong masuka sa loob ng jeepney dahil sa dalawang may edad na para pa ding bagkat sa lagkit at tamis ng paglalampungan at paghahalikan sa pampublikong sasakyan ng mga Juan.

Ang scenario: Dalawang "magkarelasyon" (hindi ko alam kung mag-asawa, magka-live-in, nag-gagamitan lang, o mag-MOMOL) na nasa 40's ang edad at kung makapaglampungan at halikan sa loob ng jeep ay parang December 21, 2012 na at wala ng bukas.

Matamis at malagkit na parang bagkat.

Naghahalikan at naglalampungan.

Sa loob ng kakarag-karag na jeepney.

Kuwarenta anyos.

Mahabaging Cosmos! Kadiri ano?

Hindi naman sa nagsusuplado ako (kahit madaming nagsasabi na "suplado incarnated" ako) pero bukod sa katotohanan na medyo may edad na sila, hindi rin gaanong kaaya-aya sa paningin ang hitsura nila.
Yung lalaki ay mukhang tipikal na "Bata ng Big Boss" at manong na nag-iinom sa kanto sa mga pelikula nina Jeric Raval at Da King FPJ. At yung babae naman ay kamukha ni Marlene Aguilar - ang mapagmahal at kunsintidor na ina ni Jason Ivler. A match made in heaven hindi ba?

Sinubukan kong ibaling sa iba ang atensyon ko kaya naisipan kong mag-soundtrip na lang sa aking music player at tumingin sa malayo. Pero bago pa ako tuluyang mag-soundtrip ay kinausap ni Manong yung katabi ko. Mukhang kakilala niya. At ang sumunod na mga kabanata ay hindi hindi na angkop para sa mga batang mambabasa.

Buong pagmamalaki niyang ikinuwento sa katabi ko kung paano niya "sinorpresa" si Marlene Aguilar kagabi. Nag-inuman daw muna sila ng serbesa at nang malasing ay saka gumawa ng reenactment ng Magnitude 7 na lindol sa Haiti. Wasak!

Detalyadong kuwento.

Sa loob ng kakarag-karag na jeepney.

Mahabaging Cosmos! Doble jackpot sa pagiging kadiri ano?

At katulad ng mga palabas sa dibidi, heto pa ang bonus feature. Director's cut plus the deleted scene. Exposed.

Sa unahan ng jeep ay may nakaupong batang lalaki na naka-Public School uniform at katabi ng sa tingin ko ay tatay niya. Sa tantya ko ay nasa ikalawang baitang ang bata. Sa may estribo naman ng jeep ay may nakaupong isang batang babae na naka-school unform din at katabi ng kaniyang matabang guardian.

Panalo! Napakagandang ehemplo para sa mga kinabukasan ng Bayan ni Juan.

Naaalala ko noong bata pa ako, merong commercial sa TV na palaging ipinapalabas tuwing "Hoy Gising!" ni Ted Failon at "Kuwarta o Kahon" ni Tito Pepe Pimentel. Iyong nagpapalabas ng isang scenario ng kabulastugan ng isang matanda na may kasamang bata. At ang tagline sa huli ay "Sa mata ng bata, nagiging tama ang ginagawa ng matatanda.." (Limot ko na ang eksaktong linya, pero ganyan ang sense).

Hindi na bago sa atin ang ganoong scenario. Halos "normal" na nga kung tutuusin dahil sa dalas nating makakita ng ganoon sa mga pampublikong sasakyan. Lahat tayo ay may iba't-ibang reaksyon. Magtataas ng kilay ang mga konserbatibo at moralista. Magbubulungan ang mga chismosa. Walang pakialam ang mga may sariling mundo. Manggigigil sa inggit ang mga matatadang binata at dalaga. At tatawa at gagawa ng blog ang mga katulad kong naghahanap ng comic relief sa mga karanasan at mga taong nakakasalamuha sa araw-araw.

Kuwarenta anyos. Isipin mo na lang na sa edad nila, parang mga magulang o tiyuhin/tiyahin na ang mga iyon ng ilan sa atin.

Kuwarenta anyos. Anak ng syoktong naman! Di bale kung bata-bata pa kayo ng konti, either maiinggit o kikiligin pa ako sa tamis ng inyong pagmamahalan. Juice ko naman! Ang tatanda niyo na! Nakakarimarim at masakit na sa mata (at tenga).

Mga tumatanda ng paurong. O masyado lang malakas ang pagdaloy ng estrogen at testosterone sa kanilang mga sistema. Kung ano't ano man, may mga bagay na dapat ay ginagawa na lang sa mga sagradong sangktwaryo at pribado. Kahit gumawa pa kayo ng magnitude 8 na lindol at magsisigaw. Walang makikialam. Walang cut. Walang censorship. Walang parental guidance.

Isinusulat ko ito ilang oras matapos muntik na akong masuka sa sobrang umay ng tamis at lagkit ng dalawang naglalampungan. Pero mas nakakasuka ang katotohanan na hindi iyon ang huling pagkakataon na magkakaroon ako ng kasabay na "may edad" na naglalampungan at explicit na nagkukuwentuhan.

Isinusulat ko ito bilang panawagan sa karamihan. Kahit papaano, tumatanda na rin ako. Minsan din akong naging bata katulad ng dalawang estudyanteng kasabay ko. At kailangan kong maging isang mabuting ehemplo.

No comments:

Post a Comment