Monday, April 4, 2011

Ang Kulturang Pamana ni Willie sa mga Noypi

"Hindi niyo ba alam ginagawa kayong tanga?" - Itchyworms (2006)

Exploiting poor people's stories para tumaas ang ratings, magmukhang bida at mabait ang host (konti na lang Messiah na), at makalikom ng maraming pera at sponsor. Ganyan ang tingin ng ilan sa istilo ng entertainment ng modern-day Messiah Willie Revillame.

Mula Wowowee hanggang sa Willing-Willie. Kunsabagay, halos wala ng namang pinagkaiba ang formula ng dalawang programang iyon. Matatandaang naghabol pa ang ABS-CBN noon sa TV-5 at sa Wil Productions dahil sa diumano'y copyright infringement ng Willing-Willie sa Wowowee.

Sinasabing ang mga nasabing programa ni Revillame ay puno ng exploitation sa masa at paggawa sa mga itong uto-uto at tanga kapalit ng ligaya (ng mga manonood) at pera.

Pero iyon nga ba ay maituturing na exploitation? O isang mababaw lamang na uri ng kaligayahan at entertainment dala na din ng ilang dekadang ganoon-na-lamang-palagi-ang-format na mga programa? Dahil ba nasanay na ang mga gumagawa ng mga programa na ganoon ang aliw na kinagigiliwan ng masa? Ano nga ba ang naghihiwalay sa exploitation at entertainment?

Exploitation o entertainment? Narito ang ilan sa aking mga napansin.

Bakit kailangan pang i-broadcast sa telebisyon kung gaano mo kamahal ang kapamilya mo? Dahil ba nasa TV ka? O mas madrama? O dahil hindi mo kayang sabihin nang harapan at kapag walang mediator? O dahil sa pera? Non sequitur.

Kapag mas kahabag-habag ang istorya ng kalahok, kapag mas makawasak cardiovascular system ang mensahe ng hinilang kamag-anak, kapag mas nakakatuwa ang ipinakitang talento, at kapag sumipsip at mas napasaya ang host, mas malaki ang perang ibibigay sa iyo.

Para bang sinasabing kung gusto ninyong magka-pera at mabago ang buhay, pumila lang kayo dito at ibuhos ang luha ninyo.

Isama mo pa ang mga kasamahan niyang mga mananayaw na tinipid ang tela ng mga damit at co-host na ginagawang katawa-tawa ang sarili para mapaligaya ang mga manonood  (Ito ay napansin ko doon sa nauna niyang programa. Hindi na kasi ako ngayon masyadong nakakapanood ng bago niyang programa). Ganoon ang kanilang depenisyon ng pagpapaligaya at pagbibigay inspirasyon sa milyun-milyong manonood sa buong mundo.

Matanong ko lang, napansin mo ba ang set-up ng kanilang studio? Pabilog na parang arena. Sino ang nasa itaas at sino ang malapit sa “gitna ng arena”? Hindi ba ang madalas makuhanan ng kamera at nasa ibaba ay iyong mga burgis na nangibang bayan, pagkatapos ay bumalik ng bansa, pilipit ang dila, at tinitingala.

Sino ang nasa itaas? Ang madla na araw-araw ay nagtitiyagang pumila at nagbabakasakaling mababago ang kanilang buhay. Ang masa na pinangakuan na sila ang numero uno sa programa. ang masa na ginagamit ang wasak nilang storya at kawalan ng pera para tumaas ang kita ng palabas.

Pero sino ba talaga ang bida?

Ang masa o ang host na ipinangangalandakan ang sandamakmak niyang endorsements, araw-araw kinakanta ang mga kanta na parang opening prayer na ng programa, at ang pagpo-promote ng kaniyang album?

Hindi naman sa pine-personal ko ang naka-salaming host pero mayroon siyang kasaysayan ng pananakit ng babae at nasirang kasal. Ganoon ba ang taong dapat hangaan ng nakararami at araw-araw pinapalakpakan?

Kung inyo ding mapapansin, nanghihiya siya ng co-host, dancer, staff, at mga bongbong na contestant. Kung conscious man o hindi niya iyong ginagawa, wala na akong pakialam.

Hindi ko na gagatungan pa ang gusto nila sa kanilang sistema. At ikaw na nakababasa nito na suki ng programang tinutukoy ko, huwag mo agad akong paniniwalaan. Subukan mong magmasid at ito ay obserbahan para lubusan mo akong maunawaan.

Ilan lamang iyan sa aking mga napansin sa kanyang mga programa.

Kamakailan lamang, muli na namang sumailalim sa kontrobersya si Ginoong Revillame. Ito ay nang sumayaw ng mala-macho dancer ang isang batang nagngangalang JanJan habang umiiyak. Tiningnan ng karamihan ito bilang isang pang-aabuso sa bata. At as usual, pinuntirya na naman ng libo-libong pambabatikos si Willie.



May mga nakisawsaw na mga artista sa issue. May mga dumipensa kay Willie (mga taga-hanga at manunulat kasama na si Tita Cristy Fermin). May mga lumapit sa Pamilya ng bata para umano'y mabigay ng tulong at suhulan ang mga magulang na kalabanin si Willie. May mga advertisers na nag-pullout ng kanilang produkto. May mga opisyal na nagalit at nangako ng imbestigasyon. At kung saan-saan pa sumuot ang isyu.

At as usual, may mga nagsasabing naiinggit lamang ang mga kritiko sa yaman ni Ginoong Revillame. Walang basehang akusasyon pero pabayaan na lang natin.

Nagkaroon nga ba ng exploitation sa parte ni Janjan? Totoo nga bang siya ay inabuso? Katanggap-tanggap ba ang pamamaraan na ginawa niya at ng kanyang pamilya upang magkaroon ng konting salapi? Dadaan pa ito sa mahabang debate. Pero kung tatanungin mo kung ano ang opinyon ko sa isyu na ito, walang nagbago, sapat na ang nabasa mo sa itaas.

Panigurado diyan, may mga magsasabing, "Buti pa nga si Willie, nakakatulong. eh yung iba diyan, o ikaw, ano na ba ang nagawa?

Pero katanggap-tanggap nga ba ang ganitong klaseng entertainment para sa masa? Ano nga ba ang mas matimbang? Yung okay lang na magmukhang katawa-tawa ang contestant kapalit ng pera at ligaya? O iyong araw-araw silang nakikipagsapalaran sa kanilang buhay pero wala namang nangyayari?

Pera o kahihiyan? Karangalan o kaligayahan? Mahaba-habang inuman pa ito.

Naniniwala ako na hangga't nandoon sa "lebel" na iyon ang antas ng entertainment ng masa (na hindi ko naman inaalipusta), magpapatuloy pa din ang ganitong kalakaran.

At hangga't mayroon pa ding milyon-milyong Pilipino na naghihirap, hangga't kakaunti pa din ang pagkakakitaan, hangga't mayroon pa ding mga palabas sa telebisyon na nagbibigay pag-asa at instant na kayamanan, mananatili pa din ang ganitong kalakaran.

Nakakabahala lamang tingnan. Yung dating pinupuna, nagiging katanggap-tanggap at nagiging bahagi na ng ating sistema.

Nagiging isa ng kultura.

Nagsimula ang Wowowee noong 2005. 2011 na ngayon, Willing-Willie na. Anim na taon na ang nakakalipas at mukhang magtatagal pa. Pero ganoon pa din ang nakikita ko.

Walang nagbago.

1 comment:

  1. well i hated the fact that they used "messiah" as one of the things relating to Willie. though i ask forgiveness in advance for this daring statement... GOD BLESS..:D

    ReplyDelete