Thursday, April 14, 2011

Si Juan, Ang Doktor, Ang Burgis at si Lolo (Isang Dayalektiko)

"Philosophy graduate ka lang? Anong maitutulong mo sa amin?"

Iyan ang mga katagang sinabi sa akin ng isang propesyonal na nakasama ko noon sa aking trabaho. Isa siyang doktor. Isang inirerespetong Doktor ng Medisina sa kaniyang larangan. Sa pakiramdam ko noon ay parang niyurakan ang aking pagkatao, act and potency. Kasama na ang pakiramdam na para na ring naging biktima ng medical malpractice ang mga comrades ko sa loob ng seminaryo na nagpapagal at nagsusunog ng kilay sa pag-aaral ng Pilosopiya.

Aminin na nating mga alipin at mga minsang naging alipin nina Frederick Copleston, Henri Renard, Paul Glenn, Samuel Enoch Stumpf at Vincent Potter. Nangangagat ang katotohanan. Limitado ang oportunidad para sa ating mga nagtapos ng Pilosopiya. Kung wala kang malakas na backer at hindi ka madiskarte sa paghahanap ng trabaho, kadalasan, teacher ng Pilosopiya at Teolohiya o Kolboy sa BPO Industry ang bagsak mo. Kolboy na babad sa radiation ng computer at nakikipagtalo sa mga foreigner sa telepono gamit ang fake American accent.

Matapos ang carefully-planned at well-executed na mutiny laban sa akin ng mga comrades at superiors ko sa seminaryo, hindi agad ako nakapaghanap ng trabaho. Bukod kasi sa aberya sa transcript of records ng batch namin, hindi agad nag-sink in sa akin ang mga bagay-bagay. Planado na kasi ang pagtuloy ko sa Theology Department ng Arsidiyosesis ng Lipa (Taga Diyoseis ng San Pablo ako). At kasagsagan noon ng global financial crisis, hassle maghanap ng trabaho.

Nagsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi sumama ang loob ko sa mga comrades at superiors ko. Pakiramdam ko noon ay para akong tinraydor ng aking mga kapatid at mga magulang. Na para akong itinakwil ng aking sariling Pamilya. Nilasing ako ng paniniwalang may mga taong traydor at magaling lamang kapag kaharap. Nilunod ako ng kaisipang biktima ako ng isang makabagong inkwisisyon ng simbahan.

Ngunit sa kabila noon, hindi ako nagtanim ng galit. Hindi ko sinubukang maghiganti a la Napoleon Bonapartre French Revolution-style o Ampatuan-flavored mass murder sa mga prayle at seminarista. Hindi nawala ang respeto at paggalang ko sa kanila. Dahil sa kabila ng lahat, nandoon pa din ang katotohanang mayroong pagkukulang at pagkakamali sa akin - na kailangan kong punuan at ayusin sa labas ng seminaryo. Na ginawa lamang nila ang kanilang parte bilang mga magulang at kapatid na nagtutuwid at nagdi-disiplina sa anak.

Respeto. Isang makatao at pang-taong ugali at gawain. Para lamang sa mga rational animals na pinagkalooban ng freedom at intellect. Kaugalian at gawaing ipinagkaloob lamang sa pinakamataas na uri ng nilalang - tao. Tao lang. Hindi kasama ang hayop. Hindi kasama ang mga irrational animals. Kaya't ang mga katagang "Hayop Ka!" na sinasambit ng isang taong walang paggalang at respeto ay akma at may malalim na pakapahulugan.

Respeto. Sinasabing nagkakaroon lamang ng respeto kapag ganap na kilala ang isang tao. Kapag nagkaroon na ng koneksyon o kaya naman common ground sa pagitan ng dalawang indibidwal. Kapag na ng koneksyon at pagkakakilanlan, doon papasok ang tiwala. At kapag nabuo na ang tiwala, mabubuo ang respeto at paggalang. Maaari ding magkaroon ng respeto ang isang indibidwal sa mas nakakataas sa kanya. Ang empleyado sa kanyang bosing. Ang anak sa kanyang mga magulang. Ganyan ang respeto sa kontekstong pinaniniwalaan at tinatanggap ng lipunan. Ngunit hindi iyon ganap.

Sa paglabas ko ng seminaryo, mas namulat ako sa realidad ng buhay sa totoong mundo. Mas nakilala ko ang realidad ng buhay na malayo sa comfort zone ng seminaryo. Madami akong nakilalang mga tao na mula sa iba't-ibang sektor ng lipunan. Naging libangan ko ang pagsusulat at pagba-blog ng mga bagay-bagay na aking nasasalubong sa isang araw. At ang madalas kong maisulat ay ang araw-araw kong karansan sa realidad ng marginalization ng mga burgis at dukha.

At ang isa sa hindi ko matanggap ay ang konsepto ng mga burgis ng "breeding."

Breeding. Iyon daw ang distinction ng mga burgis sa masa. Ng may pinag-aralan sa mangmang. Ng sosyal sa jologs. Ng laking aircon sa mga hampas lupa. Wasak. Kung dati ay ginagamit lang ang salita sa besprend ng tao (read: anong breed ng aso niyo?), ngayon ay ginagamit na din sa tao.

Para bang gustong sabihin ng mga taong “may breeding” na askal ka, may lahi ako. Iyon ang hindi ko matanggap at lubos na maunawaan. Gamitin nating halimbawa ang mga aso. Lahat naman ng aso ay may breed. Ang totoong issue lang ay kung imported o lokal. Nakasanayan lang natin na kapag sinabing ang aso ay “may breed”, ang iniisip natin agad ay ang magagandang lahi na imported.

Hindi ako sumasang-ayon sa pahayag ng mga burgis ng “kulang sa breeding” ang mga tao sa ibaba nila. Lahat ng tao ay may breeding, iba-iba nga lang. Kung paanong inirerespeto at dapat nating respetuhin ang kultura ng iba, gayundin naman ang “upbringing” at kinalakahian ng isang tao. Pantay-pantay tayo mga matapobreng utak aso.

Lahat tayong mga tao ay nilikha ng pantay-pantay at pare-pareho. Pare-pareho tayong mga Homo Sapiens. Pare-parehong binubuo ng mga cells, tissues, at organs para maging isang tao. Pare-parehong may freedom at intellect. Pare-parehong mamamatay. Pare-parehong nasa iisang puwesto sa Tree of Porphyry. Lahat tayo ay pantay-pantay ng mga substantial, corporeal, sentient at rational animals.

Nandiyan ang katotohanan ng hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao dahil sa yaman, pinag-aralan, at social status. Ngunit ang mga iyon ay aksidente lamang - maaaring andiyan, maaaring wala.
Magpasalamat ka kung isinilang ka sa may kayang pamilya. Kung niloob na paglaruan ng Cosmos ang tadhana, puwede kang isilang sa isang dukhang pamilya. O kaya isa sa miyembro ng mga tribo sa Africa. Chumamba ka lang. Tandaan mong isinilang tayong lahat na walang saplot. At kapag namatay ay mabubulok at kakainin din ng lupa.

Kung sa buhay mo ay wala kang respeto at paggalang sa kapwa mo tao, wala kang pinagkaiba sa hayop. Kung ang tingin mo sa sarili mo ay hamak na mas mataas kumpara sa ibang tao, hindi ka tao. Itinuturing mo ang sarili mong Diyos. Hangal! Subukan nga natin ang kapangyarihan mo? Kung hindi mo naiisip na pantay-pantay tayo, ibigay mo na lang ang talinong ipinagkaloob sa iyo ng Lumikha. Sayang at hindi mo naman ginagamit.

Isinusulat ko ang artikulong ito sa malayo at bundok na Barangay ng De La Paz, Lungsod ng Batangas habang binabantayan ang aking lolo na iginupo ng stroke. Hindi man siya comatose, palagi siyang natutulog, hindi makapagsalita, ang pagkain ay ipinapadaan sa tubo, at kung huminga ay parang si Darth Vader - staggard at parang palaging nahihirapan. Kailangang palaging may nakabantay sa kanya dahil gusto niyang tanggalin ang tubo na dinadaanan ng kaniyang pagkain.

Nakakakilig at may kurot sa puso ang ginagawang pag-aalaga ng lola sa kaniyang asawa. Kinakausap. Nilalambing. Nililinisan. Pinapalitan ng diaper at damit. Kung minsan nga ay umaalis na lang ako sa tabi dahil baka hindi ko mapigilan ang pagpatak ng aking luha.

Nakakataba ng puso ang maya't mayang dagsa ng mga taong dumadalaw. Bata, matanda, Thunder Cats, octogenarian, kamag-anak, kapitbahay, kakilala. Nakakatuwang isipin na sa simpleng pagdalaw at pakikipagkuwentuhan, nakakabawas ng pagod at sakit na nararamdaman naming pamilya. Iyon bang simpleng pagdalaw at pakikiramay dahil minsang naging parte ang lolo sa kanilang buhay. (Balita ko pa nga'y may mga pulitikong dumalaw noong nasa ospital pa ang lolo. Kung kawanggawa man o political strategy na maituturing, hindi ko alam).

Ang mga taong iyon ay mga taga-bukid. Ang ilan ay High School lamang ang tinapos. Ang ilan ay pangingisda lamang at pagtatanim ang alam na ikabubuhay. Mga itinuturing na "lesser being" ng mga nasa itaas.

Hindi mo naman kailangang maging edukado at magkaroon ng mataas na pinag-aralan para ipakita ang iyong respeto, pakikiramay, at paggalang sa kapwa mo tao. Sapat na ang malaman mo at isabuhay ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay at pagkakaugnay-ugnay nating mga tao.

Hindi mga doktor ang mga ordinaryong tao na dumadalaw sa lolo. Pero napapagaan nila ang aming kalooban at nabibigyan ng kasiyahan na hindi kayang gawin ng ibang doktor. Hindi mo kailangang magtapos ng medisina para "makapagpagaling" ng isang tao. Sapat na ang marunong kang makiramay, rumespeto at makipag-kapwa tao.

At sa aking opinyon, hamak na mas mabuti iyon kumpara sa doktor na ang pananaw ay walang maitutulong ang mga pilosopong nag-iisip at nagninilay ng mga ganitong bagay.

Pag-ibig at kapayapaan para sa ating lahat. Padayon!

Ang artikulong ito ay nakalaan para sa "Virtually Unconditioned" column sa The Prolegomenon(Opisyal na pahayagan ng St. Francis de Sales Major Seminary, Lipa City). Ang column ay nakalaan para sa mga "virtual seminarians" - mga seminaristang nasa labas ng seminaryo at nasa ilalim ng regency program. Isang malaking pag-uuyam (irony) na noong panahon ko bilang editor-in-chief nagsimula ang Virtually Unconditioned. Magsusulat din pala ako dito? Wasak!

Una itong nalathala sa aking blog noong isang taon - bago mamatay ang aking Lolo. Pinili kong i-publish siyang muli para sa mas maraming mambabasa. At para ipaalala sa ilan ang tila nakakalimutang respeto sa kapwa - lalo na ngayong malapit na ang Mahal na Araw.

 

No comments:

Post a Comment