SA MGA BOTANTE AT MAY PAKIALAM SA PILIPINAS, BASAHIN NINYO ITO:
Kagabi, matapos mawalan ng kuryente ay pinatay ko na ang laptop. At dahil matalino ang meralco, halos limang minuto lang tumagal ang brownout, pero tinamad na akong mag-internet. Kaya binuksan ko na lang ang TV para manood ng mga late night news and public affairs program sa telebisyon.
At napatapat ako sa Channel 2. Sa The Correspondents. At napakaganda ng kanilang topic kagabi - tungkol sa mga konsehal. Kung bakit nga naman iyong mga artista at mga mayayamang negosyante ay nagkukumahog na gumastos ng malaki sa kampanya para sa posisyon ng Konsehal.
Mababa sa ating paningin? Mag-isip ka ulit.
Sila ang itinuturing na mga Little Congressmen.
Kung sa Camara de Representates, tumatanggap ang ating mga butihin at buwayang mga Congressmen ng Pork Barrel o Countrywide Development Fund (CDF) para sa mga proyekto sa bawat distrito, ang ating mga Konsehal ay may tinatanggap din na pondo na alokasyon para sa kanilang mga proyekto sa kanilang nasasakupang distrito, lungsod, o bayan.
At kung akala mong barya lang, nagkakamali ka. Umaabot ito ng mahigit 40 Milyong Piso taon-taon! At para lang iyon sa isang konsehal. Mabuti sana kung sa mabuting proyekto napupunta ang alokasyong iyon.
Ang konseho (kalipunan ng mga konsehal) din ang may kapangyarihan para i-apruba o ibasura ang mga nakahaing business permits, development sa isang bayan/lungsod, pagpapatayo ng mga gusali at mall at marami pang iba.
At hindi naman kaila sa atin na may mga pogi tayong konsehal na tumatanggap ng lagay sa mga negosyante para mapabilis ang transaksyon at pag-apruba sa isang proyekto.
Marami sa mga tumatakbong konsehala ang nagsasabing gusto nilang makapaglingkod sa kanilang mga kababayan kaya gusto nilang tumakbo. Pero nakakalungkot isipin na noong tinanong ng host na si Karen Davila ang mga aspiring councilors sa pinagkaiba ng “resolution” at “ordinance” - na dapat ay nasa puso na ng isang konsehal dahil sa kanila ito nagmumula - malayo at malabo ang isinagot nila.
Oo, mababaw na dahilan para hindi iboto ngunit malalim ang pinaghuhugutan. Sa kanila kasi nakasalalay ang ating lungsod/bayan.
Huwag sana tayong mabulag sa kasikatan ng tumatakbo. Huwag sana tayong magpadala sa mga kupal pangako. Huwag sana tayong magpadala sa sabi sabi ng iba. Kilatising mabuti ang mga kandidato.
Tandaan ninyong mas direkta ang impluwensya sa atin ng mga Konsehal kesa sa mga Congressman, Senador, Pangalawang Pangulo, at Pangulo. Mas malapit at direkta sa atin ang kanilang kapangyarihan upang makapaglingkod.
Mga kaibigan, 25 araw na lang bago ang eleksyon. Pag-isipan nating mabuti ang ating mga boto.
Kapayapaan at pag-unlad para sa Bansang Pilipinas. Padayon!
No comments:
Post a Comment