>9 days before Balemtayms, andaming contacts ko sa Facebook ang nagpapalit ng relationship status. From “in a relationship” to “it’s complicated” to “single”. I love the phenomenon!
Well most of them are teenagers and students kaya medyo acceptable ang pagpapalit ng status. Ampanget naman kung magpapalit ng status ay kung kailan “Married”, saka pa magiging “It’s Complicated.”
Sa totoo lang, hindi ako pabor sa mga nakikipagrelasyon habang mga estudyante pa. Labas dito ang pagiging “single-since-birth” ko (oo, inaamin ko at proud ako dito). Sa aking opinion kasi, dapat ay inuuna ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral kesa sa pakikipagrelasyon.
Malaki ang “investment:” ng kanilang mga magulang para sila ay makapag-aral – matrikula, board and lodging, allowance, at luho. Hindi nila dapat iyon sinasayang at pinapawalang halaga. Mapapalad silang mga nabigyan ng pagkakataong makapag-aral (mas mapalad kung sa mga prestihiyosong paaralan pa) dahil libu-libong mga kabataan ang nagnanais ng kanilang kinatatayuan ngunit hindi pinalad dahil sa hirap ng buhay.
Sa mga nagsasabing ginagawa nilang “inspirasyon” ang kanilang mga “ka-relasyon”, hindi pa ba sapat ang inyong mga magulang at pamilya bilang inspirasyon sa pag-aaral?
Ang pagiging single habang estudyante ay imbitasyon para mapalawak ang ating horizon. Hindi naman kaila sa atin na merong mga nasa isang relasyon na nagiging “exclusive” sa kanilang ka-relasyon. Iyon bang tipong “you and me against the world” na ang drama.
Sa pagiging single, lumalawak ang social horizon dahil hindi lamang umiikot ang mundo sa iisang tao. Isa pa, ang pagiging single at walang inaatupag na problema sa lovelife ay imbitasyon para palawakin ang horizon ng skills at mga karanasan. Mag-aral kang mag-surfing, ng photography, umakyat sa bundok, mag-road trip, island hopping, camping at kung ano pang gusto mong trip na hindi itinuturo sa paaralan. Sa ganoong paraan, matututo ka na ng mga ibang bagay, magiging mayaman ka pa sa karanasan.
Panghuling punto kung bakit hindi ako pabor sa pakikipagrelasyon habang estudyante pa ay dahil sa katotohanan ng pagiging mainit ng mga kabataan ngayon. Lahat tayo ay nasa ilalim at biktima ng sexual revolution. Masyadong mainit at makati ang mga kabataan ngayon dala na rin ng mundong kanilang ginagalawan.
Ang maagang pakikipagrelasyon, kapag napasobra sa itinakdang limitasyon, ay maaaring mauwi sa maagang pagiging mga magulang. Hindi na bago sa atin ang dami ng mga kabataan na maagang nabubuntis at hindi pa handa sa buhay may pamilya. Atupagin muna ang pag-aaral at ang pagbuo ng isang matinong pundasyon.
Hindi lang puro puso at hormones ang ginagamit sa buhay. Ginagamit din ang karne na gawa sa neurons sa loob ng ating bungo. Maging matalino ka.
Opinyon ko lang to. Huwag mo akong paniniwalaan. Try it for yourself. Tao ka na binigyan ng Talino at Kalayaan. Gamitin mo.
Ayoko lang dumating ang panahon na magkatotoo ang paglalagay ng “expiration date” sa kasal. Isang katangahan. Naniniwala pa rin ako na Sagrado ang kasal.
Kalimitan daw sa mga nauuwi sa hiwalayan ay yung mga maagang nakipagrelasyon/nagpakasal. Iisa lang ang buhay natin. Huwag mong madaliin. Sayang.
Sa huli, iiwanan ko sa inyo ang paborito kong linya mula kay DJ Arvin “Tado” Jimenez ng The Brewrats.
“Pa-monthsa-monthsary pa kayo! Maghihiwalay din kayo!”
Pag-ibig at kapayapaan sa ating lahat. Padayon!
No comments:
Post a Comment