>Disclaimer: Hindi ako Chinese. Sa pagkakaalam ko ay walang Chinese blood na nananalaytay sa dugo namin. Kung meron man, 2% or less lang. Singkit kasi ang mga kamag-anak ko sa Father's side. Siguro may ka-relasyong Intsik na Trader ang isa sa mga ninuno ko noong unang panahon bago pa man dumating ang mga Kastila. Itatanong ko pa sa grandparents ko. At dahil halos lahat na ng produkto sa merkado ngayon ay puro "Made in China", in a way, Chinese na din ako.
Bakit ako gumagawa ng resolutions ngayong Chinese New Year? Hindi kasi ako nakagawa noong January 1 dahil sa paniniwalang "New year resolutions are meant to be broken." Pero napag-isip-isip ko na maganda din naman na meron kang prinsipyong sinusunod sa buhay. Na merong goal. Sabi nga ni Stephen R. Covey, "Begin with an end in mind".
Isa pa, ang Chinese New year ay papatak ng February 14. Valentine's Day. Kaya imbes na mag-emo-emo-han ako dahil wala akong ka-date, gagawa na lang ako ng list ng goals to accomplish this year. Mas mabuti to, productive na, tipid pa sa gastos.
Sabi ng mga Feng Shui expert, hindi daw masyadong maganda ang Year of the Metal tiger para sa mga katulad kong ipinanganak sa year of the snake. At para ma-counter ang malas, dapat daw ay hardwork. May free will ang tao. Dapat daw gamitin. (Kaya hindi ako naniniwala sa mga Feng shui at Horoscope, palaging sinasabing nasa kamay pa din ng tao ang kapalaran. Of course! Kaya huwag na kayong mag-post ng guidelines dahil kami din naman ang masusunod sa huli. Maglolokohan lang tayo.)
Kaya heto na, ang Chinese New Year's resolution(s) ko, para next year ay sisihin ko ang sarili ko kapag hindi ko nagawa at hindi ibang tao ang pagbubuntunan ko ng galit sa mga ka-lechehan sa buhay.
TRY TO LOSE WEIGHT. Anak ng syoktong! Sabi ng mga nagmamagaling na eksperto ay ito daw ang pinakamadalas na hindi natutupad na resolution. Tunay nga naman ang pagyayabang nila. Sino ba naman ang magpapagal na magpapayat gayong napakasarap kumain? Naniniwala kasi ako sa kasabihan ni Epicurus na "Eat, drink, and be merry, for tomorrow you will die." Kung mamatay man, mamatay ng maligaya. Pero umaangal na ang sistema ko. Ayoko pang mamatay. Bata pa ako.
FIND TIME TO EXERCISE. Natatandaan ko pa last 2008 noong tinamaan ako ng osteoarthritis (hindi ka maniwala ano?) dahil hindi na kaya ng mga joints ko ang bigat ng katawan ko. Kaya ang ginawa ko noon ay araw-araw na jogging at mag-pump sa fitness gym ng seminaryo. Muntik na akong maging hunk noon. Kaso napabayaan noong lumabas ng seminaryo. Kaya lumobo na ulit. Shet!
AVOID FATTY AND GREASY FOODS. Oo nga't masarap ang sisig at chicharon sa pulutan pero kailangang bawas-bawasan ang intake. Baka balutan na ng taba ang puso ko at mabarahan ang mga ugat ko, mahirap na. At saka nakaka-blemish at pimples ang fats at grease. Kadiri. Baka hindi na matuloy ang pangarap kong maging matinee idol.
LESSEN BEER INTAKE. Naniniwala ako na nagpapaganda ng sirkulasyon ng dugo sa katawan ang alkohol. And we must conserve water, so drink beer. Pero nakaka-bundat ang beer. Hassle naman na palagi na lang akong mukhang butete na may malaking man-boobs (na mas malaki pa sa ibang babaeng kakilala ko, kaya insecure sila sa akin). Bawasan ang pag-tungga ng beer. Kahit konti lang.
MAXIMIZE YOUR POTENTIAL AS A (FRUSTRATED) COOK. Ipinagyayabang ko na mahilig ako magluto at fan ako ng mga cooking shows nina Chefs Rosebud Benitez, Sandy Daza, at NiƱo Logarta. Asset sa lalaki ang masarap magluto. At kung hindi man ako makapag-asawa agad, kaya kong pakainin ang sarili ko. Kaya susubukan ko pang mag-experiment sa pagluluto. Mahal ang mag-aral sa Culinary School kaya sariling sikap muna. Saka na lang kapag naka-ipon.
FEED YOUR MIND. Oo nga't tapos ka na ako sa kolehiyo at tapos na ako sa lahat ng mga impyernong exams. But learning doesn't stop there. Sabi nga noong nakainuman ko sa bukid minsan, "A man who graduates today, and stops learning tomorrow, is uneducated, the day after." (Naka-save yan sa phone ko, May 6, 2008, 7:00:10 PM).
READ GREAT BOOKS. Tanda ko pa noong mga panahong nagbabasa ako ng mga novels, spiritual/inspirational books sa kalagitnaan ng pagre-review ko sa final exams ng mga major subjects. Ganoong ka-dedicated at ka-addict. Ugh! At tanda ko pa yung sabi sa akin noong Prayleng kalbo kong prefect of discipline noong high school, "The man who can write for an hour is a man who can read for six hours."
READ SUBSTANTIAL ARTICLES AND ESSAYS. Hindi katulad noong nag-aaral pa ako, wala na akong access sa mga daily broadsheets para magbasa ng mga substantial na obra ng mga kolumnista. Per andiyan naman ang internet. Ano pang silbi kung follower ako sa Facebook at Twitter nina Conrado de Quiros, Patricia Evangelista, Gang Badoy, at Manuel Quezon III?
TRY TO WRITE MORE IN ENGLISH. Excuse daw ng mga manunulat (na katulad ko) ang pagsusulat sa Filipino at informal para hindi mapulaan ang pag-gamit ng Ingles. Kaya ko naman magsulat ng substantial at may sense sa parehong Wika. Ang problema lang, kapag sunod-sunod na ang isinulat ko sa iisang wika, nagiging dominante, nagiging mapurol ako sa isa. Kailangan kong isabuhay ang isa sa mga huling pangaral sa akin ng rektor ko noong Kolehiyo, "Kailangang maging balanse. Magsulat ka sa parehong wika. At dapat ay may constancy."
ACCEPT CRITICISMS AND NOT-SO-GOOD COMMENTS AND CORRECTIONS. Siguro ay nasanay lang ako na puro papuri at paghanga ang natatanggap ko sa mga blogs ko. Kaya it's an eye-opener na may isang matalinong mambabasa ang nagbigay ng kaniyang puna at mungkahi sa isa kong blog entry. Accept corrections wholeheartedly and with all humility. Walang taong perpekto. Alalahanin ang classic essay na "Of Being Ashamed of One's Past." Kagaya ng madalas kong itinuturo sa mga talks ko, sa pagkakamali tayo natututo at lumalago.
PREPARE. PREPARE. PREPARE. Hindi na ako yung dating ako na kahit hindi masyadong prepared ay ayos pa din ang ibinibigay na talks/seminars. Sabi nga ng mga comrades ko dati, "Espiritu Santo na ang bahalang gumalaw." Sin of presumption yun. Sabihin na nating maganda nga ang ibinibigay kahit hindi nakapaghanda, pero hamak na mas maganda kung talagang pinaghandaan.
BE INNOVATIVE AND NEVER BE STAGNANT WITH IDEAS. Naaalala ko iyong kasabihang "Do not trust a man of one book." Minsan kasi, nagiging paulit-ulit na ang sinasabi ko. Napakadaming mga bagay sa ilalim ng cosmos para maging stagnant at redundant. Magbasa. Mag-prepare. Mag-consult. Walang masama doon.
LESSEN MY BEING "SUPLADO." Madaming nagsasabing "suplado incarnated" ako. Poker face kasi ako lalo na sa mga pampublikong lugar. Diretso lang ang tingin. Kaya may mga kakilala akong nakakasalubong na hindi ko napapansin. Hayun. Nababansagang suplado at mayabang. Hindi naman sa ganun. Mahiyain lang talaga ako minsan (wink!).
SMILE MORE OFTEN. Kahit hindi alligned at medyo sungki ang ngipin ko, ngiti pa din. Nakakagaan sa pakiramdam ng iba ang pag-ngiti. Proven ko na na kahit medyo masungit ang isang tao, kahit isang istranghero, napapabago ng sinserong ngiti. Hayaan niyo, kapag nakaipon, magpapa-alambre na ako ng ngipin para maging perfect smile na pang-toothpaste commercial.
CONTROL MY TEMPER. May mga pagkakataong boy badtrip talaga ako. At nakakasakit ng kapwa kung hindi man physicaly ay verbaly at emotionaly. Kagaya nga ng madalas kong payo sa mga kaibigan ko, "chillax lang", sana mai-apply ko din sa sarili ko.
BE A GOOD EXAMPLE. Sa kadahilanang walong (8) taon nga ako sa seminaryo, hindi naman sa pagmamayabang, ay madami pa ding mga tao ang buo ang respeto at humahanga sa akin. Kaya napakalaking iskandalo kung maging masamang ehemplo ako. Na ako pa ang mangunguna sa mga katarantaduhan (na inaamin ko, madalas kong ginagawa). Dapat nga ay ako pa ang mag-initiate na gumawa ng mabuting bagay. (Amen?)
EXPAND SOCIAL HORIZON. Ang dalawang taon kong pahinga ay nakalaan para malaman ko talaga kung para ako sa pagiging Pari o hindi. Mahaba ang dalawang taon. Madami akong maging mga bagong kaibigan na makakatulong sa akin sa aking discernment. Kaya hindi muna ako nag-ge-gelprend. Baka kasi maging exclusive ako.
ENGAGE IN MORE EXPERIENCE-ENRICHING ACTIVITIES. Sabihin na nating medyo "hampered" ako sa loob ng seminaryo. Limited at structured kasi ang mga activities doon. So ito ang pagkakataon para i-try ko ang mga bagay na di ko pa nasusubukan at matagal ko ng gustong subukan. Photography, Scuba diving, mountain climbing, magpahabol sa askal na may rabies, makipagkuwentuhan sa mga taong grasa, etc. Naniniwala ako sa prinsipyong "Gawin mo ang mga bagay habang may pagkakataon. Madami ang namamatay ng hindi yan nasusubukan."
TRY TO STOP SECRET MEETINGS WITH SATAN. May mga bagay sa buhay natin na sarili lang natin ang nakakaalam, ang Diyos, at si Satan. Ito yung mga "lihim na kasalanan." Naalala ko noong nag-take ako ng "Impyerno Test" ni Dante Alghieri na application sa internet. Sa 8th level ako ng impyerno bumagsak. Kung pamilyar ka sa mga level ng impyerno ni Dante, alam mo na ang tinutukoy ko. Ayokong kapag namatay ako ng di oras ay maging instant border ni Satan. Mainit dun.
APPROACH THE SACRAMENT OF CONFESSION MORE OFTEN. Mag-iisang taon na simula noong huli akong nangumpisal. Kung noong huling walong taon ng buhay ko ay buwan-buwan ako mangumpisal (o kapag may instant mortal sin), dapat ay ipagpatuloy ko pa rin iyon hanggang ngayon.
NEVER FORGET MY SPIRITUALITY. Madasalin at araw-araw akong nagsisimba - dati. Simula nang magpahinga ako, bihira na. Kaya I feel weak. I feel empty. Kailangan kong mag-recharge at mag-reconnect sa Diyos. Dapat kong tandaan na walong taon ako sa pangangalaga ng mga prayle.
TO RESSURECT MY SPIRITUAL JOURNAL. Ang sipag ko dating magsulat sa aking spiritual journal. Halos walang mintis bawat araw. Kaya ang lalalim ng mga reflections ko noon. Isa nga ako sa mga inaabangan para mag-"mini sermon" noon. Puwede ng pang-Santo. Pero Anong nangyari? Ayun! Napatigil. Inamag ang notebook. At para akong back to zero.
VALUE OLD FRIENDSHIPS. Sabi nga noong isang kasabihan, "People come and go, but true friends remain." Hindi kaila na madami na ding taong nagdaan sa buhay ko. Yung iba dumaan lang. Yung iba nag-iwan ng marka. At yung iba, ayun, nanggamit lang. Pero merong mga tunay na kaibigan na palaging andiyan. Value them. They are more precious than gold.
RECONNECT WITH PEOPLE WHO MATTERED. Sa scrapbook/life album ko sa psychology noong second year college, nakalista ang mga taong naging malaking impluwensya kung sino at ako ngayon. Mga guro, superiors, pari, madre, at mga ikalawa kong magulang. Habang hindi pa ako masyadong matanda at bago nila ako tuluyang makalimutan, susubukan kong bumalik sa kanila para magpasalamat.
TRY TO HEAL MYSELF FROM PREACHER'S DISEASE. Madami akong sinasabing magagandang bagay sa iba. Madami akong ibinibigay na magagandang advice sa mga humihingi. Pero wasak! Hindi ko isinasabuhay. Yun ang preacher's disease. Yung "not practicing what one preaches." Sayang naman. Nakikinabang ang iba pero ang sarili ko ay hindi.
FIND A (BETTER) JOB NOT FOR THE SAKE OF MONEY BUT FOR THE LESSONS AND EXPERIENCE. Ganto ang prinsipyo ko: "Kung magta-trabaho din lang naman ako, gusto ko ay gusto ko ang ginagawa ko. Hindi dahil sa malaki ang suweldo kahit ayoko ng ginagawa ko." Kaya gusto ko iyong trabaho na nakikisalamuha sa ibang tao at hindi nakasalpak sa harap ng computer, with a fake American accent. Mas gusto ko ang field work at pagtuturo sa mga estudyante. Care to give me one? (PM mo lang ako)
BE A BETTER SON. I am proud to say na hindi ako prodigal son. Hindi ako naninigarilyo. Hindi ako nagwawaldas ng kayamanan ng mga magulang ko. Pero minsan, nasasagot ko ang mga magulang ko. At alam ko ang pakiramdam sa kanila noon. Kaya dapat ay maging better ako. Alam kong proud sila sa akin. Ikaw na ang magkaroon ng (mga) anak na magpapari (wink! wink!). Dalawa kami ng kapatid kong nasa seminaryo. Dalawa lang kaming lalake at isang babae. So walang magkakalat ng apelyido ng tatay ko kapag nagkataon.
REMEMBER: LIFE IS, AND WILL ALWAYS BE BEAUTIFUL. Kahit ano mang ka-lechehan ang nangyayari sa buhay, life is still beautiful. Be optimistic. Live with that principle. At for sure, makakatagpo ako ng security at "inner happiness."
DON'T FORGET TO LIVE BY MY PRINCIPLES. Sasabihin ng mga pragmatist na, "Aanhin mo ang prinsipyo? Makakain mo ba yan?" Maaaring tama sila na hindi nga naman tangible ang mga prinsipyo, pero ang pagkakaroon ng mindset at philosophy na isinasabuhay ang magiging sandigan at basehan sa pag-gawa ng desisyon para sa survival at pag-acquire ng mga tangible at useful things na ipinagmamalaki ng mga Pragmatists at Utilitarians. Gets niyo?
MAKE A DIFFERENCE. It may sound too Mother Theresa or Rizal-ish pero wala namang masamang mangarap ng malaki. Pero nangangagat ang katotohanan. Masyadong malaki ang ginawa nila. Pero hindi naman kinakailangang gumawa ng malaki para magkaroon ng "difference." Sa simpleng mga bagay lang at sa usual na routine natin sa araw-araw, puwede na tayong gumawa ng difference. Iyong simpleng makatulong at "maka-impluwensya" ka sa iba tungo sa kabutihan, malaking bagay na iyon. Naniniwala kasi ako sa prinsipyong "Fruitful at meaningful ang buhay ng isang tao kung minsan sa buhay niya ay naka-impluwensya siya tungo sa kabutihan ng kaniyang kapwa." Kahit sa simpleng pag-post ng mga blog na nakaantig sa iba, malaking bagay na.
Sa bandang huli, maganda rin na meron tayong goal na tinutumbok sa buhay. Others may consider this as a waste of time and effort. Pero sa aking opinyon, mas malaking pag-aaksaya ng oras at affort ang nabubuhay ng walang patutunguhan. Ang nabubuhay ng para sa wala.
Hindi ako naniniwala sa mga lucky charms ng mga kaibigan nating Intsik. Sa aking opinyon, gimik lang nila iyon para magka-negosyo. Madami namang nagpapauto. Tayo pa din ang guguhit ng ating kapalaran.
Tayo ay mga tao. Endowed with free will and intellect. Matalino tayong mga nilalang. Tayo ang nagmamani-obra sa buhay natin. Hindi ang iba. Hindi ang mga bituin. Hindi ang cosmos. Hindi ang mga elemento. Hindi ang Feng Shui.
Hindi ako Intsik. Pero nakikiisa ako sa kanila sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Kung Hei Fat Choi!
No comments:
Post a Comment