September 26, 2009
“Sa ibabaw ng bubong, nakita kong nagunaw ang mundo..” – Putik, Sandwich
Sabado noon. Walang pasok. At dahil malamig ang panahon dala ng bagyo, pinili kong “mag-extend” ng tulog. “Lilipas din ang bagyong ‘yan”, sabi ko sa sarili ko. At hindi naman siya categorized as a super typhoon ayon na rin sa PAGASA.
Wala pa tayong alam noon na kung anong inihina ng hangin, ganoon namang kadami ang ulan na dala nito. Hindi natin yun alam. Wala daw kasi tayong Doppler Radar.
Maagang umalis noon ang tatay ko dahil may meeting siya sa Calamba City. Ang aking kapatid na sumunod sa akin ay nasa Seminaryo. Kaya’t kaming tatlo lamang ng Nanay at ng bunso kong kapatid na babae ang natira sa bahay.
Nang bumangon ako para mag-almusal, binuksan ko ang TV para manood ng mga pambatang palabas sa umaga ng Sabado. Sa halip, ang ang aking nakita ay ang mga Flash Reports at News Updates tungkol sa ilang mga lugar sa Kamaynilaan na binabaha.
“Normal lang yan”, sabi ko sa sarili ko. Ano pa ba ang bago sa Maynila? Ano pa ba ang bago sa mga kalapit na lunsod? Umihi lang ang isang dosenang lasing, babaha na. Hindi ko masyadong pinagtuunan ng pansin ang mga balita. Bumalik na lang ako sa kuwarto para mag-sound trip habang ninanamnam ang malamig na panahon dala ng bagyo.
Dumating ang tanghalian. Kumain kaming mag-iina. Hindi pa naman nawawalan ng kuryente kaya’t binuksan ko ang telebisyon para manood ng paborito kong Eat Bulaga. Maganda ang production number sa simula ng programa. At as usual, pagkatapos ay may patalastas. Pero napansin kong medyo mahaba yata kumpara sa karaniwan ang naging patalastas ng programa. At ng bumalik sa ere ang Eat Bulaga, ipinalabas ang episode noong nakaraang Sabado tungkol sa pagpaparangal sa “Fantastic 4” ng namayapang Pangulong Cory Aquino.
Inilipat ko ang telebisyon sa kabilang istasyon para manood ng Wowowee. Kataka-takang wala si Willie “Papi” Revillame. Nandoon lamang ang kanyang mga co-hosts. Nalaman ko na lamang pagkatapos na stranded sa kalsada si Willie dahil sa matinding pagbaha.
Walang regular na programming sa telebisyon. Ang Startalk, imbes na puro chismis lang ang mga balita, ay naging seryosong balita na rin tungkol sa mga (artista at) mga kababayan nating sinasalanta ng bagyo. At nang mag-hapon pa ay sunod-sunod na ang mga balitang pumapasok tungkol sa pananalasa ng bagyong Ondoy.
Photo Source
Lubog ang Marikina. Lubog ang Sumulong highway paakyat ng Antipolo. Kahit mga subdivision at village ng mga burgis ay hindi pinatawad. Libo-libo ang stranded at sumilong sa mga LRT stations. Nasa bubong si Cristine Reyes. Na-trap ang mag-inang Jenica at Jean Garcia. At libo-libong Pilipino ang nakikipagpatintero kay kamatayan.
Agad kong tinext ang Tatay ko na noon ay nasa Calamba. Hindi nag-reply. Dapat ay hanggang tanghali lang ang meeting niya doon. At eksakto lang ang perang dala niya para sa pamasahe. Nag-aalala kasi kami na baka hindi siya makauwi. Sa Bucal at Pansol kasi sa Calamba, magbawas lang ng tubig ang isang resort, bumabaha na.
Nang mabalitaan kong lubog na ang halos buong Metro Manila, agad kong kinumusta ang aking mga kakilala at kaibigan. Tinext ko ang aking mga pinsan sa Quezon City. Okay naman daw sila kahit bumabaha. Safe pa rin dahil apat na palapag ang kanilang bahay (lupet!). Tinext ang aking kaibigan sa Fairview, okay naman daw sila pero nabigla daw siya dahil ngayon lang binaha ang kanilang lugar ng ganoong kataas.
Noong mga panahong iyon, nagtatrabaho ako sa Lipid Research Unit sa Philippine General Hospital sa Taft Avenue at madami sa aking mga kasamahan (na karamihan ay mga Nurse), ay mga taga-Metro Manila. Ang isa ay taga-Marikina. Tinext ko din siya at tinanong ang kanilang kalagayan. Medyo may katagalan bago siya nag-reply ngunit mabuti na lang at ayos naman siya at ang kanyang Pamilya. Ang isa ay na-stranded sa kanyang boarding hose sa may Leon Guinto. Ang isa ay na-trap sa second floor ng kanilang bahay at doon na lang daw sila nagluluto at kumakain.
Sumapit na ang dilim. Hindi pa din dumadating ang Tatay ko. Wala kasing makadaang jeep sa may highway dala na din ng baha sa may Pansol at Bucal. Ang isa niyang option para makauwi ay ang pumunta ng Tanauan at doon ay sumakay ng biyaheng San Pablo at saka sumakay ng pabalik dito sa Los Baños (Samakatuwid, iikot siya sa kabilang parte ng Mt. Makiling). Pero dahil eksakto nga lang ang pera niyang dala, hinintay niya na lang na medyo humupa ang baha. Masuwerte naman na may bus na dumaan na biyaheng Santa Cruz kaya’t kahitstanding ovation at siksikan, sumakay na din siya. At dahil siksikan, hindi maiiwasang may mga mananamantala. Kuwento ng Tatay ko na meron daw mga kababaihang sumisigaw na hinihipuan sila. Wasak.
Nakauwi ang Tatay ko ng bandang alas-diyes ng gabi. Hindi pa nanananghalian. Hindi pa naghahapunan. Pero nagpapasalamat pa rin kami na nakauwi siya nang maayos.
Masuwerte pa rin kami dahil hindi kami masyadong naapektuhan dito sa Los Baños. Dalangin ko na lang noon na sana ay walang masyadong mapahamak at nawa ay gabayan sila ng Maykapal.
Photo Source
Binuksan ko ulit ang telebisyon at muling nakibalita. Nagmistulang water world ang mga lugar na binaha. Alam kong simula pa lang ito ng kalbaryo ng mga taong nasalanta. Sa paghupa ng baha ay ang putik na babalot sa kanilang mga ipinundar na ari-arian. Pero alam kong matapang ang mga Kababayan ko, magtutulungan at magdadamayan, at hindi basta-bastang susuko.
Ikaw? Ano ang kuwentong Ondoy mo?
_________
Dalawang taon na ang nakakalipas simula ng hagupitin tayo ng bastardong anak ni Inang Kalikasan. Pero ano na nga ba ang nangyari? May natutunan na ba tayo?
Base sa napapansin ko, medyo natuto na ang mga Noypi na maghanda sa sakuna. Alam na natin ngayon na walang pinipili ang bagyo - mayaman o mahirap, burgis o dukha, Panginoong may lupa o hampaslupa. Wala. Olats lahat kapag dumating na ang sakuna.
Simula nang mangyari ang Ondoy, natuto na tayo ng emergency evacuation plans, paghahanda ng mga pagkain, pagtatago ng mga mahahalagang dokumento at gamit, at pagba-backstroke at breast stroke kung sakali mang bumaha muli.
Pero ano na ang nangyari sa mga pinagmumulan o sanhi ng baha? Hayun, barado pa rin. Isang malaking septic tank pa rin ang ating mga estero at ilog. Dumpsite pa rin ang mga kanal at flood ways. Na kahit walang bagyo, na kahit thunderstorm, habagat, o pagluha lang ng mga tao sa pagtatapos ng 100 Days to Heaven, bumabaha na.
Oo nga't handa tayo sa pagbaha, pero yung mismong sanhi ng pagbaha, hindi pa rin nasosolusyunan. Kaya kapag dumating na naman ang mala-Ondoy na bagyo, sabay-sabay na namang makikipag-water polo kay kamatayan ang ating mga kababayan.
At mapapakamot na naman si Architect Jun Palafox dahil hindi pa rin pinakinggan ang paulit-ulit niyang rekomendasyon tungkol sa urban planning ng Kalakhang Maynila.
Kung tutuusin, madali lang naman ang solusyon. Iyong simpleng natutunan natin sa GMRC noong Elementarya na pagtatapon ng basura sa tamang tapunan; iyong natutunan natin sa Agham na pagbubukod ng biodegradable at non-biodegradable; at iyong simpleng nababasa natin sa mga signage na ginawa ng ating mga butihing SK Federation na Tapat Mo, Linis Ko, makakapagsalba na ng buhay natin.
Ondoy. Naging synonym na niya ang delubyo, matinding pagbaha, at sakuna. Maaaring mas naging handa nga tayo ngayon sa sakuna pero kung iyong mismong sakuna - na puwede namang maiwasan (o mabawasan ang pinsala) - ay wala pa rin tayong ginagawang aksyon, dadating ulit ang panahon, huwag naman sana, na magkakaroon ulit tayo ng isa pang bagyo na baka mas mabagsik pa sa iniwanan ni Ondoy.
Pero kung ano man, alam kong magtutulungan pa rin ang aking mga Kababayan at mabubuhay muli ang espirito ng Bayanihan. Sabay-sabay mulit tayong babangon. Padayon!
No comments:
Post a Comment