Wednesday, September 21, 2011

Batas Militar: Mga Kuwentong may Kuwenta



"As of the 21st of this month, I signed proclamation number 1081 placing the entire Philippines under Martial Law.."




1972 noon. Iyan ang mga katagang binitawan ni Apo sa pagde-deklara ng Batas Militar. Hindi pa ako buhay noon. Hindi pa magkakilala ang mga magulang ko at hindi pa nila ako ginagawa noon. Tanging mga kuwento lang ng aking mga guro, tatay, at ilang mga miron sa kanto ang "karanasan" ko sa Martial Law.

__________

Una akong namulat sa mga kuwento noong ako ay Grade 3. High School noon ang ate ko. At gumagawa siya ng report para sa kanyang project sa History tungkol sa Martial Law. Kailangan niyang kapanayamin ang mga taong may karanasan sa Martial Law.

Ang natatandaan kong kuwento ay ang karanasan ng aming kapitbahay na isang guro. Buntis daw siya noon at nandito sa may crossing sa may Junction (Los BaƱos). Sapilitan daw pinadapa ang lahat ng mga sundalo ang lahat ng mga nandoon sa Petron (Jollibee na ngayon) para arestuhin ang mga nagpo-protesta. Pero dahil siya daw ay buntis, pinakawalan daw siya ng mga sundalo.

_________

Medyo "light" naman ang kuwento ng Tatay at ng Lolo ko. Hindi naman daw nila masyadong ramdam ang presensya ng mga sundalo. Ang pinagkaiba lang, ang mga curfew na ipinapatupad noon.

Kung nabuhay siguro ako noong mga panahong iyon, malamang, ilang beses na akong inaresto ng mga PC at ng mga sundalo. Pero punyeta, mambabasag muna ako ng bote ng beer sa ulo ng isa sa kanila bago nila ako maaresto.

__________

Isa pang medyo nakakatuwang kuwento na narinig ko ay tungkol kay Ariel Ureta, isang artista at TV host noong mga panahong iyon.

Medy binaboy (teka, 'biniro' na lang, baka magalit sa akin ang mga baboy) daw ni Ureta ang  Bagong Lipunan na inilunsad ni Macoy at Imelda. Iyong "Sa ikauunlad ng bayan, dissplina ang kailangan", naging "Sa ikauunlad ng bayan! Bisikleta ang kailangan!". Kaya hayun, pinag-bisikleta daw si mokong sa Camp Crame hanggang sa lumaylay ang dila.

Alam kong medyo pamilyar ka sa mga linyang iyan dahil isa yan sa mga awitin ng Radioactive Sago Project na ang bokalista at ang Propeta ng makabagong panahon at idol ng mga kids, si Lourd Ernest Hanopol-De Veyra.

__________

Ilan lamang iyon sa mga natatandaan ko noong bata ako. Hindi ko naman kasi binigyan noon ng importansya dahil may sarili akong project na inaatupag. At sa tingin ko noon, ang martial law ay "usapin lamang ng matatanda."

Namulat na lang ako sa ibang mga kuwento nang ako ay tumungtong sa High School at sa Kolehiyo. Nakapanood ako ng mga dokumentaryo at nakapakinig ng iba pang morbid na mga kuwento. At napanood ang pelikulang "Dekada 70" - halaw sa nobela ni Lualhati Bautista.

Pero ang isang hinding-hindi ko makakalimutang kuwento ay kung paanong ang isang kakilala ay naging biktima ng torture noong Batas Militas. Isang bakal (o rod) na hinango sa nagbabagang uling ang pilit umanong ipinasok sa butas ng kanyang ari (o siya, titi na). Halos mamatay na daw siya sa sobrang sakit (Sino ba naman ang hindi?)

__________

Talumpu't siyam (39) na taon na ang nakakalipas mula nang ideklara ni Macoy ang Martial Law at dalwampu't limang (25) taon na mula nang ma-laser sword ang diktaturya ni Marcos. Pero ano na nga ba ang nangyari?

Bukod sa nalaman na natin sa wakas ang kinahinatnan ng magkakapatid na Armostrong, ng Camp Big Falcon, at ni Prince Zardos, ano na kaya ang nangyari sa libu-libong pinatay, pinahirapan, ginahasa, at nawala na parang bula noong panahon ng Batas Militar? Naibigay na ba sa kanila ang hustisya?

Ano na ang nagyari sa mga sapatos ni Iron Butterfly? Nasaan na ang mga diumano'y kinamkam na yaman ng kanilang pamilya? Totoo bang ayon kay Imelda ay naghihirap na ang kanilang pamilya ngayon? Totoo bang napatay si Bongbong Marcos sa Inglatera at ang Bongbong na nakikita natin ngayon ay inampon na lamang bilang kapalit niya?

Naging magkarelasyon ba talaga si Muammar Gadaffi at Imelda? Ewan. Pero ang alam ko, kinikilabutan ako sa sex tape ni Macoy at Dovie Beams habang pinapatugtog ang Pamulinawen (Panis ang Careless Whisper!).

May katotohanan ba ang mga lumulutang na conspiracy videos na magkasabuwat si Ninoy at Macoy? Mas mahusay nga bang Pangulo si Macoy kumpara sa lahat nang pinagsamang iba pang mga naging Pangulo ng ating bansa? Exaggerated nga lang ba ang banta ng Komunismo at ng mga rebeldeng Muslim? Si Mcoy nga ba ang may pakana ng mga pagsabog sa Plaza Miranda at iba pang bahagi ng Maynila?

Madami pang mga katanungan. Pero iisa lang ang sigurado ako. Umamin si Manong Johnny na peke lang ang assassination attempt sa kanya noon.

At Senador pa din siya ngayon. Meynteyn!

__________

E ano naman ngayon kung nagkaroon ng Martial Law noon? Ano naman ang pakialam natin doon? Tapos na iyon. Move on, let go.

Gago!

May mga bagay sa nakaraan na naghuhulma kung ano ang meron sa kasalukuyan. May mga bagay sa nakaraan na siyang nagbibigay sa atin ng mga aral sa kasalukuyan upang ito ay hindi na maulit muli.

Masuwerte tayong mga namuhay sa kasalukuyang henerasyon. Walang curfew. Walang nagre-renda. Walang diktador. Malaya kang mag-Tumblr. Malaya kang mag-inom sa mga bar. Malaya kang mag-drive ng lasing hanggang sa mabangga ka sa barikada ng MMDA.

Kalayaan.

Pero isa din yan sa inaabuso ng karamihan.

Kaya nagkakagulo.

Kaya may karahasan.

Ayoko ng mag-sermon. Ang mahalaga ay ating gunitain ang araw na ito at manalangin na sana ay makamit na ng mga biktima ng pang-aabuso sa ilalim ng Batas Militar ay makamit na ang hustisyang ilang dekada ng inaasam.

At sana ay huwag ng maulit muli.

Amen.

1. Ang larawan sa itaas ay nagmula sa GMAnews.tv
2. Para sa iba pang kuwento tungkol sa Batas Militar, maaaring panoorin ninyo ang dokumentaryong "Batas Militar" sa link na ito. At sa mga estudyante, panoorin niyo yan. Para hindi na kayo magtanong ng assignment.


No comments:

Post a Comment