Friday, January 22, 2010

>In Memoriam (Mendiola Massacre)

>January 22, 1987 - Naganap ang isa sa pinakamarahas na dispersal ng mga demonstrador na magsasaka na humihingi lang sa Bagong Pamahalaan ng ganap na reporma sa lupa.

Namatay ng hindi man lang nakikita ang liwanag ng katarungan at solusyon sa ilang dekada na nilang ipinaglalaban.

Namatay ng walang katuturan dahil makalipas ang dalawampung taon, inutil pa rin ang sistema at wala pa ding ganap na matinong programa para sa reporma sa lupa. Sabi nga noong mga kaibigan kong Manunulat sa Wika ni Uncle Sam, they died in vain.

Isang malaking pag-uuyam na ang pangulo noong panahong iyon ay isa sa mga Panginoong may Lupa. Nabibilang sa pamilya na pinapatakbo pa rin ng sistemang feudal. Sistemang ilang dekada ng gustong ipabuwag ng mga pobreng magsasaka. Sistemang patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Dalawampu’t tatlong taon ang lumipas, wala pa ring hustisya. Wala pa ring kasagutan. Inutil pa rin ang sistema. Sa aking opinyon, magpapatuloy ang ganyang sistema hangga’t may pinoprotektahang interes ang mga nakaupo sa puwesto - na karamihan naman ay mga Panginoon ding may Lupa.

Dalawampu’t tatlong taon ang lumipas, panibagong mga Magsasaka ang isinilang. Ngunit hindi sila nakikibaka para maangkin ang lupang ilang taon na nilang sinasaka. Hindi sila nagpapagal na magsaka sa ilalim ng tirik na init ng araw para sa kanilang ikabubuhay at upang tayo ay may makain. Hindi sila nagmamartsa at nagha-hunger strike para kalampagin ang mga opisyal. At hindi sila binabaril na parang mga itik sa isang madugong dispersal.

Sabi ng kaibigan ko, sila day ay mga “Frustrated na Magsasaka.”

Farmville.

Sana sa paglalaro mo ng Farmville, maalala mo ang labintatlong (13) pinatay sa Mendiola at ang libo-libong mga Tunay na Magsasaka na patuloy pa ring nakikibaka sa kanilang karapatan ng pagmamay-ari sa lupa.

Sana sa pagbibigay mo ng gifts sa mga kapitbahay mong kapwa frustrated na magsasaka, at sa pagtulong para ma-fertilize ang kanilang mga pananim, makatulong ka rin sa mga Tunay na Magsasaka kahit sa iyong mumunting paraan.

Parang tanga lang isipin, na tuwang-tuwa ang mga frustrated na magsasaka kapag tumaas na ang iyong level at experience, o kapag nakabili ka ng mga Villas, e iyon naman ay isang virtual na programa. Hindi tangible. Hindi maibebenta. Hindi mapapakinabangan. Inner happiness lang. Pasensya ka na, Utilitarian at Pragmatist kasi ako paminsan-minsan. Kanya-kaniyang trip lang.

Minsan nga, nanalangin ako sa Panginoong Zynga na dapat ay may bagyo sa Farmville at hindi lang palaging fine weather para maranasan naman ng mga virtual na magsasaka ang panlulumo ng mga tunay na magsasaka na sinalanta ng mga nagdaang bagyo ang mga pananim. Hindi naman niya ako pinakinggan. Kulang pa daw kasi ang XP ko.

Dadating ang panahon na mapapalitan na ang Facebook. Mawawala sa uso ang Farmville [Hindi imposible yun. Yun ngang Friendster na sinasamba natin noon, ibinaon na natin sa limot, eto pa kaya?] pero hindi pa din tapos ang paghihikahos ng mga Tunay na Magsasaka hangga’t makasarili ang nagpapatakbo at inutil ang pinapatakbong sistema.

Hindi lang labintatlo ang mamamatay sa dispersal.

Marami pa rin ang maya’t mayang magma-martsa at magha-hunger strike.

Marami pa ring magsasaka ang mamamatay ng hindi nasisilayan ang liwanag ng hustisya at solusyon sa ilang dekada na nilang ipinaglalabang pagmamay-ari sa lupa.

Marami pang dapat ayusin. Marami pang dapat gawin. Pero hindi mangyayari iyon hangga’t nakaupo ang karamihan sa harap ng computer at nagtatanim.

Wednesday, January 20, 2010

>Public Display of Affection (Thunder Edition)

>Isinusulat ko ito ilang oras matapos muntik na akong masuka sa loob ng jeepney dahil sa dalawang may edad na para pa ding bagkat sa lagkit at tamis ng paglalampungan at paghahalikan sa pampublikong sasakyan ng mga Juan.

Ang scenario: Dalawang "magkarelasyon" (hindi ko alam kung mag-asawa, magka-live-in, nag-gagamitan lang, o mag-MOMOL) na nasa 40's ang edad at kung makapaglampungan at halikan sa loob ng jeep ay parang December 21, 2012 na at wala ng bukas.

Matamis at malagkit na parang bagkat.

Naghahalikan at naglalampungan.

Sa loob ng kakarag-karag na jeepney.

Kuwarenta anyos.

Mahabaging Cosmos! Kadiri ano?

Hindi naman sa nagsusuplado ako (kahit madaming nagsasabi na "suplado incarnated" ako) pero bukod sa katotohanan na medyo may edad na sila, hindi rin gaanong kaaya-aya sa paningin ang hitsura nila.
Yung lalaki ay mukhang tipikal na "Bata ng Big Boss" at manong na nag-iinom sa kanto sa mga pelikula nina Jeric Raval at Da King FPJ. At yung babae naman ay kamukha ni Marlene Aguilar - ang mapagmahal at kunsintidor na ina ni Jason Ivler. A match made in heaven hindi ba?

Sinubukan kong ibaling sa iba ang atensyon ko kaya naisipan kong mag-soundtrip na lang sa aking music player at tumingin sa malayo. Pero bago pa ako tuluyang mag-soundtrip ay kinausap ni Manong yung katabi ko. Mukhang kakilala niya. At ang sumunod na mga kabanata ay hindi hindi na angkop para sa mga batang mambabasa.

Buong pagmamalaki niyang ikinuwento sa katabi ko kung paano niya "sinorpresa" si Marlene Aguilar kagabi. Nag-inuman daw muna sila ng serbesa at nang malasing ay saka gumawa ng reenactment ng Magnitude 7 na lindol sa Haiti. Wasak!

Detalyadong kuwento.

Sa loob ng kakarag-karag na jeepney.

Mahabaging Cosmos! Doble jackpot sa pagiging kadiri ano?

At katulad ng mga palabas sa dibidi, heto pa ang bonus feature. Director's cut plus the deleted scene. Exposed.

Sa unahan ng jeep ay may nakaupong batang lalaki na naka-Public School uniform at katabi ng sa tingin ko ay tatay niya. Sa tantya ko ay nasa ikalawang baitang ang bata. Sa may estribo naman ng jeep ay may nakaupong isang batang babae na naka-school unform din at katabi ng kaniyang matabang guardian.

Panalo! Napakagandang ehemplo para sa mga kinabukasan ng Bayan ni Juan.

Naaalala ko noong bata pa ako, merong commercial sa TV na palaging ipinapalabas tuwing "Hoy Gising!" ni Ted Failon at "Kuwarta o Kahon" ni Tito Pepe Pimentel. Iyong nagpapalabas ng isang scenario ng kabulastugan ng isang matanda na may kasamang bata. At ang tagline sa huli ay "Sa mata ng bata, nagiging tama ang ginagawa ng matatanda.." (Limot ko na ang eksaktong linya, pero ganyan ang sense).

Hindi na bago sa atin ang ganoong scenario. Halos "normal" na nga kung tutuusin dahil sa dalas nating makakita ng ganoon sa mga pampublikong sasakyan. Lahat tayo ay may iba't-ibang reaksyon. Magtataas ng kilay ang mga konserbatibo at moralista. Magbubulungan ang mga chismosa. Walang pakialam ang mga may sariling mundo. Manggigigil sa inggit ang mga matatadang binata at dalaga. At tatawa at gagawa ng blog ang mga katulad kong naghahanap ng comic relief sa mga karanasan at mga taong nakakasalamuha sa araw-araw.

Kuwarenta anyos. Isipin mo na lang na sa edad nila, parang mga magulang o tiyuhin/tiyahin na ang mga iyon ng ilan sa atin.

Kuwarenta anyos. Anak ng syoktong naman! Di bale kung bata-bata pa kayo ng konti, either maiinggit o kikiligin pa ako sa tamis ng inyong pagmamahalan. Juice ko naman! Ang tatanda niyo na! Nakakarimarim at masakit na sa mata (at tenga).

Mga tumatanda ng paurong. O masyado lang malakas ang pagdaloy ng estrogen at testosterone sa kanilang mga sistema. Kung ano't ano man, may mga bagay na dapat ay ginagawa na lang sa mga sagradong sangktwaryo at pribado. Kahit gumawa pa kayo ng magnitude 8 na lindol at magsisigaw. Walang makikialam. Walang cut. Walang censorship. Walang parental guidance.

Isinusulat ko ito ilang oras matapos muntik na akong masuka sa sobrang umay ng tamis at lagkit ng dalawang naglalampungan. Pero mas nakakasuka ang katotohanan na hindi iyon ang huling pagkakataon na magkakaroon ako ng kasabay na "may edad" na naglalampungan at explicit na nagkukuwentuhan.

Isinusulat ko ito bilang panawagan sa karamihan. Kahit papaano, tumatanda na rin ako. Minsan din akong naging bata katulad ng dalawang estudyanteng kasabay ko. At kailangan kong maging isang mabuting ehemplo.

Monday, January 4, 2010

>Bakit Ako "Pinalabas" ng Seminaryo?

><>: Kung isa ka doon sa mga itinuturing ng lipunan na mga “conservative” at kung alam mo sa iyong sarili na ikaw ay ultraelectromagnetic conservative (that, my friend, is the extreme level), huwag mo itong basahin. I have a liberal upbringing, baka hindi tayo magkasundo. May mga bagay-bagay na nakasulat dito na taliwas sa iyong paniniwala.



Kung namulat ka sa mga isinulat na obra ng mga Catholic at Christian preachers at hindi mo gusto ang satire, maangas at straight to the point na istilo ng pagsusulat ng aking mga idolong manunulat na sina Eros Atalia, Bob Ong, Jose Lacaba, Lourd Ernest Hanopol-De Veyra, Chip Tsao (joke lang!) at Joey Dizon, huwag mo itong basahin.



Kung sarado at nakakahon na ang iyong pag-iisip, hindi bukas sa posibilidad ng pagbabago, at wala ng ibang pinapakinggan kundi ang mayabang na sarili, huwag mo itong basahin.



kung isa ka doon sa (mga) mainit ang dugo sa akin, na itinuturing ako bilang isang hopeless na nilalang, mayabang, maangas, at palagi kang kinakalaban, huwag mo itong basahin.



Binalaan na kita. Kung isa ka sa mga nabanggit sa itaas, mangyaring mag-browse ka na lamang ng ibang site. Bilang isang tao, mayroon kang kalayaan. Hindi kita pinipilit na basahin ito. (Hihiramin ko ang pamosong linya ng aking kaklase at kaibigang itago na lang natin sa pangalang “Michael Phelps.” Madalas niyang sabihing “Kung ang Diyos nga, hindi kayang pakialaman ang freedom at free will ko, ikaw pa kaya.” You see my point? Gamitin ang natutunan sa philosophy.)



Pero kung isa ka doon sa maraming mga taong naghahanap ng kasagutan at nagtatanong ng “tunay na istorya” ng “pagpapalabas” sa akin sa seminaryo, narito na ang kasagutan.



Pinili kong isulat ang aking istorya dahil ayoko nang paulit-ulit pa itong ikuwento. Maaari kasing sa paulit-ulit na pagkwento, ay maiba, ma-fabricate, at ma-exaggerate ang mga detalye. Tutal, “nakilala” naman ako bilang nagpapahayag ng saloobin sa pamamagitan ng pagsusulat, pangangatawanan ko na.



Isinusulat ko ito upang magkaroon ng kaliwanagan ang mga taong walang kaliwangan ang isipin at kung anu-ano ang iniisip na dahilan ng pagpataw sa akin ng mga pari ng “supplementary regency.” Kesyo may girlfriend daw ako (I wish I had one!) o dahil nagdala ako ng cellphone way back (see my blog entry “Confessions (this is not Augustine’s)” for that matter).



Medyo mahaba ito dahil madaming mga bagay ang “ibinato” sa akin. Pagpasensyahan niyo na. Heto na:



Prelude. March 17, 2009, bumalik kaming walong (8) magsisipagtapos sa seminaryo matapos “magpahinga” sa aming mga bahay matapos ang aming retreat. Desedidio na kami (in a way) kung ano ang mga landas na aming tatahakin matapos ang graduation. Naisulat ko na nung retreat sa aking “letter of intent/application” na “…I have decided to continue to the Theology Department under the same Patron Saint and eventually serve the Archdiocese of Lipa in the near future…”. Sa madali’t sabi, desidido na akong tumuloy sa Theology Department pagkatapos ng graduation. Ang hinihintay ko na lang noon ay ang recommendation ng mga pari – ang “huling barikada” sa aking pagtuloy sa Theology Deparment.



Pagkabalik ng seminaryo, binigyan kami ni Father Rector ng “Self-Evaluation form.” Ang laman nito ay katulad din ng sa Peer Evaluation, ang twist lang, as the name implies, ay i-e-evaluate naming ang aming sarili. To be honest, kung hindi mo talaga kilala ang iyong sarili, mahihirapan kang ito ay sagutan. Pagtutugmain ang evaluation mo sa iyong sarili sa evaluation ng mga superiors at kasama mong seminarista.



Ano ang laman ng Self-Evaluation Form? Ang evaluation form ay nahahati sa iba’t ibang bahagi. Ang unang parte ay ang “positive qualities you naturally possess.” Ang ikalawa ay “positive qualities you have shown noticeable improvement.” Mayroon ding “As a maturing young man, I need to acquire this positive qualities…” at “As attracted to the priesthood (my rating__), I need to acquire these positive qualities…”. Sumunod ay ang rating ng 21 qualities na tugma sa apat na haligi ng pormasyon sa seminaryo (Spiritual, Pastoral, Intellectual, at Human Formation). Then ilalagay mo din ang rating mo kung gaano ka ka-attracted sa pagpapari at ang mga “practical action plans” mo to attain your goal. Kung inaakala niyong mahirap pa sa bar exams yung self-evaluation, don’t freak out. Isang pahina lang yun at madaling sagutan kung lubos mong kilala ang iyong sarili.



Hindi alphabetical order ang pagpapatawag sa amin. Medyo kapuna-punang nasa huli yung mga “gigisahin” at “madaming “puwedeng pag-usapan” (at isa na ako doon, ako ay pang-anim sa walong pinatawag).



Enter the Dragon. Noong oras ko na, pumasok na ako sa pamilyar na opisina ni Father Rector at umupo doon sa komportable niyang upuan sa harap ng kanyang lamesa (medyo suki na ako ng upuang iyon, kaya medyo umayon na ang aking katawan sa pag-upo ng komportable). As usual ay nakangiti si Father, at ang una niyang pinansin ay ang aking bagong hairstyle – mula semi-kalbo na naging barbers at medyo flat top. Tinanong niya ako kung bakit ako nagpagupit. Sinabi kong bukod sa pangit mag-martsa sa graduation ng kalbo ay gusto kong gayahin at bigyang pugay ang yumaong master rapper na si Francis M...yeah! (Sabay tawa ni Father Rector).



Serios Part – Do I Know Me? Matapos humupa ang tawanan ay pareho na kaming nag-transform ni Father sa serious mode. Nagsimula ang lahat doon sa discussion namin sa unang parte ng evaluation form. Yung tungkol sa “Positive Qualities I Naturally Possess.” Kapag nasagutan mo ito ng tama, ibig sabihin ay mayroon kang sapat na self-knowledge. Pwede mo ng sabihing “I Know Me.”



Dalawa ang hininhingi ng evaluation form. Ang inilagay ko ay Creativity and Being Idealistic at Passion to Explore New Things. Ayos naman, maraming tao sa loob ng
Bahay ni Kiko ang sumasang-ayon na ganoon nga ako at alam ko naman sa aking sarili na ganoon nga ako. Ayos, maliwanag sa akin na ako ay creative at idealistic sa mga bagay-bagay at pananaw sa buhay (yeah!).



Non Sequitur? It’s an accepted fact that I am creative, idealistic, and always yearning for something that is new. Mangyaring tandaan ninyo ang talong bagay na ito dahil ditto lahat iikot at uuwi ang mga bagay-bagay sa aking evaluation – sa mga bagay na natural na nasa akin.



Sa pagiging creative at idealistic ng isang tao, natural lamang na palagi siyang naghahanap at nag-iisip ng ano mang “bago” at “hindi tipikal.” Sa kadahilanang ako nga ay creative at idealistic, tinanong ako ni Father kung ano pa sa tingin ko ang mga salita na puwedeng mag-fit kapag sumobra ang pagiging creative at idealistic. Sinabi kong “radical.” Hindi daw. So para pa kaming naglaro ng Wheel of Fortune sa paghula ng mga letra. Dahil nararamdaman kong hindi na maganda (para sa akin) ang mga susunod na kabanata, nablangko ang isip ng kinikilalang creative. Sa banding huli ay na-decipher ko din, liberal pala ang salitang kanyang pinapahulaan. In a way, inaamin kong “liberal” nga ako (sa ilang mga bagay-bagay at pananaw sa buhay). Ngunit sasabihin ko ring hindi naman lahat ng aking mga pananaw sa buhay ay liberal. Hindi lahat ng bagay ay gusto kong lagyan ng aking “creative at idealistic touch.”



At sa pagiging liberal, isang katangiang nag-ugat sa aking pagiging creative, idealistic, at ang pagnanais sa mga bagong bagay, “umusbong” ang iba’t iba kong mga katangian, ugali, at pananaw na naging “catalyst” ng eviction ko sa seminaryo. May nakita ka bang logical order? Does it necessarily follow? You decide.



Ang Lahat ng Bagay ay Magkakaugnay. Sa pagiging liberal (oo na, payag na), umusbong ang iba’t-ibang “accusations” laban sa akin. Narito ang mga iyon:



>> The Rise Against – Dahil medyo liberal nga, nasa mindset at ibang salita at gawain ko ang maging “kakaiba.” I strike my own path. How can I make a difference if I go with the flow? Kaya iyon, ang nangyari sa akin ay “I go against the flow” at “I go against what is stereotypical.” At dahil dito, parang domino effect na sumunod ang ibang mga bagay.



>> Express Yourself – Medyo kakaiba ang “taste” ko pagdating sa sining. May mga kanta akong pinapakinggan na hindi ma-appreciate ng iba katulad ng Radioactive Sago Project ni Propeta Lourd de Veyra (ikaw ba naman nag magkaron ng album entitled “Tanginamo andaming nagugutom sa mundo fashionista ka pa rin!”). and I admit, na inamin ko din naman kay Fr. Rector, na “wala” akong “distinction” ng art at pornography. Yung mga X-rated na movie ay tinatawag kong “art film.” (Natutunan ko lang yun kay Direk RA Rivera. Di mo siya kilala? Award-winning director yun ng mga music videos, TV Shows, at effects man ng ubod ng luput na bandang “Pedicab.”). Bale yung “kawalan ng distinction” ko ng porno at sining ay kadalasang “biro” lamang at kung minsan ay paraan ng pagpapatawa, sineryoso naman ng iba. Ayos! Naging mitsa pa ng eviction. (Hindo ako defensive, nagpapaliwanag lang).



Avid collector din ako ng PULP Magazine (Music/Style in Your Face!) at kilala ang magazine na yun sa malulupit na art design, theme, at pictorial. Kaso, merong na-misinterpret yung pagbabasa ko minsan ng isang issue nun. Sabihan ba namang “Satanic” dahil nagkataong medyo dark and crimson yung kabuuan ng theme for that issue. To add up, metal band pa ang naka-feature na nagngangalang “Sin” (ni Charles Daza). Ayos! Satanic na pala ang PULP. Iapaliwanag mo yan sa libu-libong Pulperos, tingnan natin kung may maniwala.



Doon nga pala sa isang parte ng evaluation form, kung inyong matatandaan ay mayroong 21 qualities na tugma sa apat na haligi ng pormasyon sa seminaryo. Isa doon ay ang “tactfulness.” Doon sa rating, iyon ang lowest na ibinigay ko sa aking sarili. Alam ko at alam ng Rector na mababa nga ako doon. Kung minsan kasi ay reckless ako sa pagsasalita. Dahil reckless, katulad ng pagmamaneho, ay mayroong mga nasasagasaan. Straight to the point ako kung magsalita. Kung ano ang nararamdaman, kailangang ilabas, kailangang ipahayag. Outspoken. Kapag sumobra, ay hindi maganda.



>> Nagtataeng Bolpen – isa na siguro sa “imahe” na iniwan ko sa loob ng seminaryo ni Kiko ay ang pagbansag sa akin ng karamihan bilang isang “manunulat.” Tatlong termino din kasi akong naging punong patnugot (yun ba ang English sa editor-in-chief?) ng malupit pa sa L Magazine ng De La Salle-Lipa (yeah!) na The Prolegomenon.



Anyhoo, dahil nga medyo “liberal” e maangas din ako sa pagsusulat (hindi mo pa ba nahahalata?). Katulad nung “Tulfo guy” (kung sino man yun, pare-pareho naman sila) at Conrado de Quiros na mga manunulat sa Philippine Daily Inquirer, ay mayroong mga “nababangga” ang aking mga isinusulat. Kung hindi man tao at indibidwal, binabangga din nito ang ilang mga nakagisnang istilo ng mga konserbatibong mambabasa.



Hindi ako mahilig sa mga “sugar-coated” na salita. Diretso kung diretso. Straight to the point ika nga. Bayag kung bayag. Hindi ko na kailangang isulat na “scrotum-covered-thing-responsible-for-the-reproductive-operation-of-a-fertlile-and-matured-man organ.” Bukod sa mahaba, gusto ko kasi na kapag nagsusulat e yung madaling maiintindihan ng aking mga mambabasa. Sa pagiging “creative” ko, hindi ko na pinapakialamanan kung merong mga mambabasang may phobia sa salitang “bayag.” Kung interesado kayo dun sa mainit kong artikulong iyon, tingnan niyo yung blog entry ko entitled “War of Testicles.” (Trivia: Lowest reflection paper ko ang “War of Testicles”, binigyan lamang siya ng grade na “A minus.” Mas may substance naman kumpara dun sa iba kong papers, nahila lang siguro ng bigat ng “scrotum-covered-thing-responsible-for-the-reproductive-operation-of-a-fertlile-and-matured-man organ.” Iyon naman ay opinion ko lamang.)



Pasensya na nga pala sa salitang “nagtatae” sa itaas. Iyon ay terminolohiya kong naisip para sa isang katangian ng manunulat na katulad ng nabanggit sa itaas. Isang manunulat na may nagatataeng bolpen at kung saan-saan kumakayat ang angas at ideya na tinta, nagiging makayat, at mahirap, kung hindi imposible, na tanggalin.



>>Tough Guys…Wear Pink?! Tinanong ako ni Father Rector kung ano daw ang pananaw ko sa pananamit. Sinabi kong hindi naman ako yung nakikiuso, kontento na ako sa shorts at t-shirt kapag lumalabas ng bahay (at alam iyon ng mga tunay na nakakakilala sa akin). Medyo pinaikot pa ng niya ng konti hanggang sa dumating din kami dun sa punto niya.



Way back kasi in third year e meron akong primary pic sa friendster. Naka fuchsia pink polo-shirt, naka “Uma head band” (yung colorful na headband na pinauso sa boob tube ni Uma ng PBB), at may caption na “tough guys wear pink.” Ano daw ang nasa isip ko naoon? Sinabi kong to show the netizens and other people na ang pink ay hindi lamang para sa babae, na babasagin ko ang stereotypical at established na pananaw na ikinahon ng lipunan na ang pink ay para sa babae. Iyon! Strike na naman. Going against the flow. Sinasagasa ang “established norm” ng lipunan. Liberal.



Kung hindi niya daw ako kilala ay iisipin niyang bakla ako dahil nag-pose at nag-post ako ng ganoon. Tumawa na lang ako. Pero maitanong ko lang, di ba nagkalat ang mga ganoong t-shirt? Na madaming emo, punk, at posers na binata ang nagsusuot ng pink? Na hindi porke’t nag-pose ng “statement” e ganoon ka na? iiwanan kong nakabitin ang katanungang iyan (naks! “hanging question”).



>>A Growing Sub-Culture – Heto na ang pinakamasayang parte. Dito kami nagtagal (ng konti) ni Father Rector. Talagang nilagyan ito ng “emphasis factor.” Hindi kaila sa atin na madami ang mga naglipanang babae na nakakulong sa katawan ng lalaki. Sige na, maraming naglipanang bakla / bading / PGH (pa-girl na halimaw), binabae, bayot, bake-la sa lipunan. Hindi rin kaila sa inyo na kahit sa mismong Presbyterium ay may mga mapagpanggap na matipuno (huwag na kayong magtaka, sa seminaryo nga ay mayroong mga naliligaw at nakakalusot).



Anyhoo, tinanong ako ni Father Rector kung ano ang pananaw ko sa mga bakla. Sinabi kong mayroon silang magandang “sariling mundo” at “kultura.” Siguro ay alam niya rin na may alam akong ilang mga salitang bakla (gay lingo) kaya inokray (hehehe!) niya rin ito. Sinabi kong ang mga bakla ay mga anak din ng Diyos (nasa Catechism of the Catholic Church yun) at kailangan natin silang “intindihin” at “unawain” para maiparating sa kanila ang Salita ng Diyos – kaya iyon, “pinasok” at “inintindi” ko (ng konti) ang kanilang kultura.



Tinanong ako ni Father Rector kung ang pagiging cross dresser at transformers ba katulad ni BB Gandanghari ay paraan ng pagiging “liberal” at “expressive.” Medyo nagpaikot-ikot ako dahil bukod sa mahirap yung tanong, e medyo nalilito ako sa isasagot ko (ikaw ba naman ang tanungin ng ubod ng lupit na prof sa pilosopiya). Nakahalata yatang wala akong konkretong kasagutan ay medyo ni-rephrase niya ang katanungan. Binigyan niya ako ng situational na katanungan. Kung halimbawa daw na may estudyante ng UPLB na lumapit sa akin at nagtanong na “brader, ano po ang inyong pananaw sa mga katulad ni BB Gandanghari at sa mga ibang bakla?” Bilang naka-perfect sa final exams ng Special Ethics (kunwari ay importanteng isulat yun), sinabi kong mali ang kanilang mga homosexual acts, dahil immoral yun. Nagpalit ng gear si Father. Labas daw sa issue ang moralidad dahil alam nating lahat na immoral at intrinsically wrong yun. Ang issue ay ang pagigng expressive at kung iyon ba ay paraan ng pagiging liberal. Medyo pinaikot-ikot ko pa ulit at sa banding huli, nanaig ang pagiging conservative ko sa ilang mga bagay. Sinabi kong kung sa pagiging expressive mo, ay may nasasagasaan ka na, then its wrong, you have to stop it.



Siguro ay naintindihan na ni Father ang gusto kong iparating kaya wala ng lumabas pang follow-up question. With that, natapos ang mahabang discussion at pakikipagbuno naming sa mundo ng mga transformers na bading. Maigi naman daw, dahil kung pumayag ako ng lubusan sa “demand” ng “umuusbong na sub-culture” (term niya yun, pero para sa akin, naka-usbong at malago na ang kultura ng mga wasak na bading), something is wrong with me. Ayos, saving factor.



Bonus Track – Kung ating babalikan, mayroong parte sa evaluation form na “practical action plans.” Dalawa din ang hinihingi. Ang una kong inilagay ay To have focus and self-control at ang ikalawa ay To practice what I have learned for eight (8) years in the seminary. Ang tinatanong ay “practical”, ang labo ng sagot ko ano?



Masyado daw “generic” ang sagot ko. Napatawa ako dahil alam kong generic at hindi masyadong paractical in the sense of being practical ang sagot ko. Ipaliwanag ko daw kung anong ibig sabuhin noong To have focus and self-control dahil yung To practice what I have learned for eight (8) years in the seminary ay maliwanag na.



Sinabi kong high school pa lang ako ay ang pagkakaroon na ng focus at self control ang goal ko. Bakit daw. Sinabi kong iyon ang pinaka-ugat ng lahat ng mga “struggles” ko sa buhay – ang kawalan ng focus at self-control. Dahil obviously, e hindi pa rin practical at direct to the point, sinubukan niyang i-decipher kung ano ang ibig kong sabihin.



Maybe, just maybe daw, ay mayroon akong goal pero bara-bara o bahala na kung ano ang kalalabasan. Medyo tama si Father doon. Isa sa mga libangan ko ay ang procrastination. Mahilig akong mag-aksaya ng oras dahil hindi ako “gumagana” kapag hindi “pressured.” In short, I am practicing the art of cramming (katulad din ng ibang mga kaibigan at estudyanteng kakilala ko). Naniniwala kasi ako sa aking ability na “gumaganda” ang mga bagay-bagay kapag nagka-cramming ako. Na meron pa akong naiisip na something new, something creative, at something great kapag under pressure ako. Ayos hindi ba? Pero sa paglalagom sa akin (anlalim!) ay hindi iyon masyadong ayos.



Tinanong pa niya ako kung anong mga praktikal na bagay ang puwede kong gawin. Naisip ko yung passion ko sa visual arts at photography. Dahil nga mayroong mga hindi matanggap yung uba kong choice sa visual arts, I decided na gamitin din yung passion na iyon para sa aking “pagbabago.” Ganito yung sinabi ko kay Father Rector. Gusto kong sumali doon sa photography contest dito sa eLBi, iyong “Turismo Los Baños.” Imbes na tipikal na Peyups, Laguna Lake at Mount Makiling lamang ang entry, ang gagawin kong entry ay iyong mga simbahan at religious images dito sa eLBi. Para bang, may halo ng evangelization ang art (Naks! Kabanalan!).



Hindi ko na matandaan kung paano ito naikonekta ni Father Rector pero lumabas din yung “pamamalagi ko sa aking comfort zone.” Dati kasi ay may iniwan sa aking hamon si Father. Kapansin-pansin kasi na ang mga committee kong hinahawakan ay iyong mga “magaan” sa akin. Kung saan ako komportable. Mahilig ako sa pagsusulat kaya kinukuha ko ang committee on publication. Hindi ko sinusubukan ang ibang mga bagay, ang ibang mga committee na hindi ko forte. Iyon, dapat daw ay sinusubukan ko ang ibang mga bagay-bagay. Tama yung conference ni Father dati sa amin, we have to hit the opposites in our life to strike the balance.



The Premonition – Malinaw na sa akin ang mga “issues” tungkol sa aking mga sarili. Ang mga “bagay-bagay” ay sa akin nanggaling. Sa isang analogy, napiga na ang katas. Ang mga issues ang katas, ako ang prutas, at si
Father ang tagapagkatas (o ang pumiga, ginamit ko lang yun para may rhyme, yeah!). Walang duda, sa akin nanggaling ang mga bagay-bagay, sa mga labi ko namutawi, at naiintindihan ko ang mga sinasabi ko.



Dati, sa isang “shepherding sessions” namin ni Father bago mag-comprehensive exams (o “revalida”) ni Father kung ano ang gagawin ko kung “huli” na ang ginagawa kong “pag-aayos sa aking sarili”? Sinabi kong “life must go on” para sa akin. Masakit ngunit kailangang tanggapin ang katotohanan. Sinabi ko ang mga plano ko if ever, ang magtrabaho at magmina ng kayamanan, ipagpatuloy ang aking pagsusulat, i-pursue ang passion ko sa photography at ituloy yung napurnada naming planong “statement shirts” business ni Sancho Noel C. Cabatay, isa ring seminarista. (Sancho, pasisikatin ulit kita dito!). Hindi ko alam na ang plano ko palang iyon ay kailangan kong ituloy sa pagbababa ng hatol sa akin.



The Verdict – Kahit nakasulat sa aking ‘”letter of intent” na gusto kong tumuloy ng Theology Department, kailangan muna itong “pigilan” ng mga pari, ng aking mga formators, ng aking mga tatay. Kinakailangan ko munang “ayusin” ang mga issues sa aking sarili sa labas ng seminaryo. Kinakailangan muna akong “palabasin” para mapunan ang mga “kakulangan” sa akin. Pinatawan nila ako ng dalawang taong “supplementary regency.”



“Supplementary Regency” ang ipinapataw doon sa mga seminaristang malinaw ang atraksyon sa pagpapari ngunit kailangan munang punan ang mga pagkukulang sa kanilang sarili. Dalawang taon. Kinakailangan ko pa ring magreport sa seminaryo, para ma-update ang aking mga formators sa kung ano mang “development” sa akin.



Iyong “ipinakita” ko kasing pagbabago ngayong fourth year ay nasapawan ng talong taon kong hindi-masyadong-matamis na imahe. Nakakagulat daw. Baka nabibigla lamang ako. Ikinumpara iyon ni Father Rector sa isang magkarelasyon, isang babae at isang lalake, na tatlong taong “nagloko” ang lalaki, tapos bigla niyang sasabihin sa ika-apat na taon na siya ay “nagbago” na at nagyayang magpakasal? Nakakatakot hindi ba? Kaya dapat ko munang “ayusin” ang aking sarili sa labas.



Opportunity ang “tunay na mundo” na malayo sa “comfort zone” ng seminaryo para lubusan ko pang makilala ang aking sarili. Subukan ko ang daw ang “ibang lasa” ng buhay. Exciting nga daw ako e, alam niyang maraming mga possibilities at unexpected things ang puwedeng mangyari sa akin. Subukan ko din daw mag-girlfriend para malaman ko kung para saan talaga ako. (I admit, single-since-birth ako e! Hindi ko kasi priority ang pagkakaroon ng kasintahan…naks!).



Hindi ako umiyak noong sinabi sa akin ang hatol. Napasandal sa reclining chair at tinanggal ko lamang ng bahagya ang salamin ko dahil medyo nasisilaw ako doon sa kanyang ilaw sa lamesa. Pinaghandaan ko na ang mga possibilities sa akin.



Ang tanging nasa isip ko na lamang noon ay kung paano ko sasabihin sa aking mga magulang, kaibigan, at sa mga taong umaasa na ako ay tutuloy sa Theology na ako ay pinatawan ng regency. Mahirap. Lalo na kapag duper ang expectation sa iyo ng ibang tao. Mas pinroblema ko noon kung paano ko sasabihin sa aking mga magulang, alam ko kasing mabibigla sila.

Ultraelectromagnetic Curiosity – Matapos noon, tinanong ni Father kung bakit ko daw naisipan ang “pagbabago.” Kung ano ba daw ang nag-push sa akin to undergo change. Sinabi kong noong ako ay naging sesionista (ng bongos) at dumalo sa Eucharistic Celebration ng Neo Catechumenal Way (Tingnan niyo yung blog entry ko entitled Ultraelectromagnetic Experience).

Kung pamilyar kayo sa Neo, alam ninyong medyo weird ang kanilang celebration, parang kulto at ang kanta ay parang pang-rebolusyonaryo ang tono. Kung hindi naman, tingnan niyo sa You Tube yung ibang video clips nila. Sinabi sa akin ni Father na hindi kaya, baka lamang ako na-engganyo sa Neo ay dahil curious ako at “kakaiba” ang kanilang pagdiriwang? Because it’s not the usual? Baka offshoot ng katangian ko na “to look for something new and different.” Tanging “siguro” na lamang ang naisagot ko.

A Different Methodology – Bilang isang creative (pangangatawanan ko na) at palaging gumagamit ng kakaiba, kapag nagpapa-recollection ako ay gumagamit ako ng “lengwahe” na maiintindihan ng mga kabataan na aking tinuturuan. Karamihan, kung hindi man lahat, ng kabataan ngayon ay mahilig sa musika, particular sa mga banda. Kaya naman, gumagamit ako ng mga kanta ng mga sikat na banda na may malalim na mensahe at alam kong maiintindihan ng mga kabataan.

Halimbawa, kapag ang module ko ay ang “Hands”, ginagamit ko ang kantang “Sala” ng banding Pupil ni Ely Buendia. Maganda kasi ang liriko at mensaheng ipinaparating ng kanta. Iyon bang “Tara na’t sumama, sa mundong puno ng sala…isa lang ang iyong mundo, wag mong tatapusin, tawag ka’t nandiyan na ako, sinong hahabulin..kinabukasan nakasalalay sa iyong mga kamay.” Tapos sabay paliwanag na “kahit ano man ang “sala” na dumating sa ating buhay, huwag natin itong tapusin, dahil ang kinabukasan natin ay nakasalalay sa ating sariling mga kamay.” Ayos hindi ba? Sound trip na may lesson.

Pero dahil nga “wala” (payag na kahit papaano) akong distinction sa porno at sining, may pagka-liberal at kakaiba, binigyan ulit ako ng scenario ni Father Rector. Paano daw, baka lamang, kung gawin ko na kapag ako ay nagpaseminar sa kasal (pre-Cana) ay gumamit ako ng kakaibang metodolohiya ng pagpapaliwanag? Ganito ang ibinigay niyang halimbawa: What if ipapanood ko daw sa mga ikakasal ang isang porno para ipakita ang pagtatalik na walang love at isa pang eksena ng pagtatalik na medyo modest para ipakita ang pagtatalik sa konteksto ng kasal? To show the difference of sex within marriage and outside marriage? Puwede nga namang mangyari iyon. Pero promise, hindi pa iyon sumasagi sa aking isipan. Doon siguro sa mga nakakabasa nito, why don’t you give it a try? Biro lamang. Oo nga’t naiparating ko ang aking mensahe, katulad ng isang paring nagmumura at kung ano-ano ang sinasabi sa pulpito, ngunit magtataka at magtatanong ang mga tao. Hindi kasi lahat ay tatanggapin at mauunawaan ng lubusan ang ganoong paraan ng pagpapaliwanag. Hindi lahat ng tao ay liberal. You cannot force everybody to understand what you are trying to deliver or explain.

Epilogue – Marami pa kaming napag-usapan ni Father Rector, mostly ay mga katanungan, kung anong reaksyon at plano ko, nasabi ko rin sa kanya yung “takot” ko sa mga posibleng mangyari sa loob ng dalawang taon at kung makakabalik pa ba ako, pero pinili kong ang ikuwento na lamang sa inyo ay ang dahilan ng aking eviction sa Bahay ni Kiko

Pumasok ako sa kuwarto niya ng mag-a-ala cinco ng hapon at lumabas ako ng 6:15 ng gabi. Pagkatapos noon ay dumiretso na ako ng Kapilya kung saan ang mga seminarista ay tahimik nang nagdadasal. Marahil ay batid ng iba ang “kinahinatnan” ko dahil bakas sa aking mukha ang kalungkutan. Tahimik akong pumunta sa aking kneeler at pumunit ng maliit na piraso ng papel at nagsulat ng “Pare, regency ako ng dalawang taon, tulungan mo akong maghanap ng trabaho…” at ibinigay kay Monra na nakaupo sa aking likuran. In return, isinulat niya na “okay lang yan pare, ganyan talaga ang buhay, magpakatatag ka…”. Doon, sa kinauupuan kong iyon, natutunan ko ang tunay na kahalagahan ng mga taong makakaramay mo sa buhay. Pagkatapos, tahimik akong lumuhod at kinausap ang Diyos.

Isinusulat ko ang artikulong ito upang magkaroon ng kaliwanagan ang mga isipang walang liwanag dahil hindi ito nagpapaliwanag o nagbibigay liwanag kapag hindi lumiwanag mga isipang walang kaliwanagan.

Sa huli, nais kong iwanan sa inyo iyong isinulat ni Rick Warren sa kanyang librong “Purpose-Driven Life.” Lahat tayo ay may purpose. Ang mga nangyayari sa atin ay hindi aksidente. My personality, your personality, their personality is not bad, it’s just different.

Iiwanan ko ang artikulong ito na nagbibigay ng hamon sa aking mga mambabasa. Nawa ay may natutunan silang mga aral mula sa aking karanasan.

Ang buhay ay magpapatuloy para sa akin. 19-anyos lang ako. I have a life ahead of me. Ang “eviction” ko ay hindi ang katapusan. Isa itong paanyaya ng bagong simula. Magpapatuloy ang buhay. Padayon!

>Maynila: Paghahahanap ng Trabaho at mga Kuwentong Kalye

>Isa itong detalyadong paglalahad ng karanasan ng aking (technically ay) unang job-hunting experience na nararanasan ng karamihan sa mga nagtatapos sa kolehiyo. Ginamit ko ang salitang “technically” dahil iyong una naman ay kung tutuusin ay effortless dahil ipinasa ko lang sa kanila thru e-mail ang aking curriculum vitae. Ibang kaso ngayon. Ito yung klasikong paghahanap ng trabaho – pagpunta sa ahensya o kumpanya, pagpapasa ng resume, pakikipagtagisan sa ibang aplikante, at ang paglanghap ng polusyon at pakikipagsiksikan sa urban jungle habang dala-dala ang mga papel na nagpapakilala kung sino at ano ka.


Kasalukuyan ako noong nakahilata at nagpapalaki ng beer belly habang nanonood ng immortal at alamat ng maituturing na Eat Bulaga nang biglang tumawag ang butihin kong ina sa telepono. Tinatanong kung gusto ko daw mag-apply ng trabaho.

Halos lahat yata ng mga matinong anak ay nagkakandarapa maghanap ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo upang makatulong sa pamilya at sa mga magulang. Ibahin mo ako. Isantabi na natin dito ang aberya sa butihin at ubod ng lupit kong Alma Mater (Kami’y handa’t laan!) nang pagkakaroon ng problema sa transcript of records ng batch namin. Problema na ng mga kinauukulan at administrasyon iyon. Mas pinili kong “magpahinga” muna ng ilang buwan bago maghanap ng trabaho sa kadahilanang “magpapahinga” muna ako matapos ang labinlimang taon ng pag-aaral – at gusto kong maramdaman ang pakiramdam ng libu-libong tambay na ginagawa taon-taon sa Pilipinas. Iyong bang experience na maging tambay, maranasan ko naman. Para meron naman akong maisulat bilang isang “experiential writing.” At naniniwala ako sa sinabi ng kagalang-galang na Obispo, Bishop Chito Tagle na ang magandang istorya ay iyong galing sa totoong pangyayari.

Tinanong ko kung saan mag-a-apply. Sinabi niya na may ginagawa daw na Casino sa Singapore at Pilipino ang may-ari. Gusto din daw ng may-ari na mga Pilipino ang kukunin niyang mga empleyado. Subukan ko daw at baka makalusot, wala namang mawawala sa akin. Tinanong ko kung kailan at saan mag-a-apply. Kinabukasan daw at sa Ermita, Manila. Ayos. Mahilig talaga sa sorpresa ang nanay ko. Wala na akong 24 oras para maghanda at magpagupit (napapagkamalan na kasi akong si John Lennon noong later days ng Beatles sa buhok ko). Ayos lang naman dahil nakahanda na ang aking curriculum vitae.

Bukod sa hindi ko tukoy ang Padre Faura, Ermita, unang beses kong pupunta ng Manila ng mag-isa at byahe. Hanggang Alabang, Las Piñas, Makati at Cuba with an “O” lang ang kaya kong puntahan ng nagbi-biyahe at mag-isa. Buti na lang at may kasama ako – iyong anak ng ka-opisina ni nanay na balak ding magtrabaho sa ibang bansa in search for greener pastures. Magkita na lang daw kami ni “kuya” kinabukasan ng alas-otso ng umaga.

Pinilit kong gumising ng maaga kinabukasan. Usually kasi ay alas-otso ang gising ko para eksakto lang sa paborito kong palabas sa umaga na “Wonder Pets” (Anong kailangan? Magtulungan!). Kumain ng “heavy breakfast” na kanin at Mameng steak dahil alam kong mapapalaban ako sa urban jungle. Pagkatapos ay naligo at nagbihis na ako noong light pink kong polo (isa sa dalawa kong polo bukod sa mga uniporme). Pinili ko ang light pink para medyo bagay sa motif noong maangas at tigasin pero mahilig sa pink na siga ng Metro Manila. Wala din akong pabango kaya ginamit ko iyong pabango ni Nanay na Love Spell ng Victoria’s Secret, yung kulay violet. (Anong pakialam mo kung amoy babae ako? Tang-Su-Do na lang tayo.3 rounds). Isinuot ang Lacoste kong sapatos (kunwari ay mahalagang bigyan iyon ng emphasis) at inilagay ang CV at application letter sa leather bag na (sapilitan kong) hiniram sa dati kong “kapit-kuwarto” noong kolehiyo.

Pagkatapos ay pumunta na ako sa bus stop na tagpuan namin ni kuya. Doon ko nalamang kasama din pala ang asawa niya – si “Ate.” Sumakay kami ng jeep papuntang Calamba, sa terminal ng mga bus papuntang Metro. Kagaya ng paborito kong dahilan noong nasa kolehiyo pa ako kapag nagbi-biyahe kami ng aking mga kaklase, wala akong barya, kaya sila na ang nagbayad ng pamasahe ko sa jeep Ayos.

Sumakay kami ng bus na biyaheng Alabang at Lawton. Ito ang maganda sa bus – walang aircon. Ayos ulit. Langhap ko ang pinaghalong masarap na ihip ng hangin at polusyon mamaya kapag umandar na ang bus. Doon ako umupo sa unahan sa may pinto at katabi ng bintana. Sila naman ay sa likod ko. Umandar ang bus at sa halos bawat kanto ay may mga kaluluwang sumasakay sa mainit at masikip na ordinaryong bus, mga kaluluwang nakikipagsiksikan at nakikipag-unahan sa kanilang pagpasok araw-araw. Bago pumasok ng SLEX ay may tumabi sa akin na isang thunder cat na sa hitsura ay inilaan na niya ang mahigit sa kalahati ng kaniyang buhay sa pagta-trabaho sa opisina para sa kanyang pamilya at mukhang malapit ng mag-retire. Cool naman si nanay dahil inilabas niya ang cellphone na mas maganda pa sa akin, sabay saksak ng headset sa kanyang tenga at nag-sound trip para siguro hindi mainip sa mahabang biyahe. Hindi ko lang alam kung ano ang pinapakinggan niya. Siguro ay Jai Ho (You are My Destiny) o Poker Face.

Pumasok ng SLEX. Ayos at nawala ng konti ang mala-dormitoryong amoy at init ng bus. Ang problema lang, nagulo ang maayos kong buhok at nagsimula ko ng malanghap ang nakaka-high na mga usok ng sasakyan. Nag-exit sa Alabang para magbaba at magsakay ulit ng mga bagong pasahero saka pumasok ulit ng SLEX para magsimula ang panibagong kalbaryo – usad susò ang trapik sa Sucat dahil sa ginagawang pagpapaluwag ng kalsada. Nilibang ko na lang ang sarili ko sa pagpapa-facial gamit ang mga usok ng sasakyan at pagsa-sauna mula sa pinaghalong init ng araw at init ng loob ng bus. Katabi ko pa rin si Nanay at pikit matang nagsa-soundtrip, o baka nakatulugan na si Lady Gaga, hindi ko alam.

Mabuti at sa Skyway dumaan ang sinasakyan naming bus at naka-E-Pass. Habang nasa itaas, nakita ko ang sandamakmak na mga barong-barong, vandalism, latak ng demolisyon at iskwater sa ibaba sa may bandang Makati. Ang sarap kunan ng larawan kung meron lang akong DSLR camera para gawing post card o malaking billboard sa EDSA na may caption sa ibaba na “Ganito kami sa Makati, sana sa buong Pilipinas ganito rin.” Sa sistema at hirap ng buhay ngayon, hindi malayong mangyari ang ganoon.

Masyado yata akong nalibang sa pagmamasid sa masining na pagkakagawa ng mga paskil na rosas ng isang Bayani, mga trabahador at estudyanteng naglalakad, at mga barung-barong at vandalism kaya’t hindi ko napansing nasa Taft Avenue na kami. Alam kong malapit na kami. Nakita ko ang UP Manila at Philippine General Hospital kung saan una kong ipinasa thru e-mail ang resume ko. Maya-maya pa ay sumigaw na ang konduktor na kamukha ni George Estregan during his kontra bida days ng “Faura! Faura!” Bumaba na kami ng bus at sa pag-alis ko sa aking upuan, naroon pa rin si Nanay na nagsa-sound trip. Siguro ay Michael Jackson ang pinapakinggan niya. Habang patangu-tango kasi ang ulo ay para kasing may mga butil ng luha na namumuo sa kanyang mga mata.

Dahil hindi tukoy ni Kuya ang GSP Building na siyang pakay namin, nagtanong kami kay manong takatak na nasa kanto ng Taft at Padre Faura. Mabait naman niyang itinuro ang lugar. Malapit lang pala sa kanto. Habang naglalakad papunta doon ay tinandaan ko iyong photo center shop sa may kahabaan ng Taft na malapit sa kanto ng Faura. Baka kasi humingi ng 2x2 picture, wala akong dala.

Pagpasok ng building, ang unang tumambad sa akin ay ang isang malaking reception table na may bagitong receptionist – siguro ay mga dalawang taon lang ang tanda sa akin – at mga armchair na siksikang nakahanay sa tagiliran. Mukha nga talagang recruitment agency. Kampante naman akong legal sila dahil may POEA number naman sa karatula nila sa labas at doon kami pinapunta ng kapatid ni kuya na ngayon ay nagtatrabaho na sa Singapore. Kinausap ni kuya ang receptionist at pagkatapos ay binigyan kami ng application form.

Para sa mga kabataang nakakabasa nito at sa mga hindi pa nagtatrabaho, huwag ninyo akong gagayahin. Isang mahalagang dapat dalhin kapag naghahanap ng trabaho bukod sa papel na kung tawagin ay resume na naglalaman kung sino ka at ano ka ay ang panulat. Ball point pen o bolpen para sa ating mga Juan. Sa dinami-daming puwedeng hindi dalhin, panulat pa ang hindi ko dinala. Kung manghihiram man ako sa receptionist, masamang impresyon na agad iyon. Nakangiti kong tinanong si Ate kung meron siyang spare na bolpen. Nakatawa niyang sinabi sa akin na “Unang dapat dalhin kapag mag-a-apply ay bolpen. Heto..” Ayos, may bolpen na ako. Problema na lang kung matino iyong ipinahiram niya sa akin. Sa kasamaang palad ay tumatalbog ang tinta. Magkakaroon tapos biglang mawawala. Nagkakaputol-putol tuloy ang mga letra ng salitang isinusulat ko. Ipinagpatuloy ko na rin. Aayusin ko na lamang mamaya kapag nakapanghiram na ng matinong bolpen.

Mga basic information ang mga katanungan sa application form. Kung tutuusin ay puwedeng kopyahin na lang sa resume ko. Ngunit meron ding mga pinagkaiba. Doon sa katanungan na “passport number”, sa kadahilanang wala pa akong pasaporte, nilagyan ko na lang ng “for application.” At doon naman sa expiry date ng passport, naturalmente, nilagyan ko na lang ng “N/A”. Sa simula pa lang ay alam kong dehado ako doon dahil wala pa akong job experience, pero nag-baka sakali na din ako. Doon sa column na “previous jobs”, inilagay ko na lang ang duty ko bilang isang volunteer catechist noong kolehiyo sa mga elementary at high school students ng public school sa siyudad na pinaglingkuran ni Ate Vi.

Technically ay hindi naman trabaho iyon na maitutuing, wala naman kasi kaming suweldo doon. Isa iyong serbisyo. Doon sa column na “salary acquired”, inilagay ko na lamang na “N/A”. Sa interview ko na lamang ipapaliwanag gamit ang pilosopiya, lohika, at pagkapamaraan (Waw! Parang SOCO ni Gas Abelgas!) kung bakit ganoon. Natapos na si Ate sa pagfi-fill-up niya kaya hiniram ko ang kanyang matinong bolpen. Pagkatapos ng lahat, pinagsama-sama namin ang aming application form, letter of application, at resume at ibinigay sa receptionist. Tinanong ni Kuya kung kalian daw ang interview. Sinabi ng receptionist na tatawagan na lang daw dahil for evaluation pa ang aming pagkatao. Iyon ang nakakatakot. May nabasa kasi ako sa Youngblood na kapag sinabi sa iyong “tatawagan ka na lang”, ibig sabihin ay gudlak! Better luck next time.

Pagkatapos noon ay umalis na kami. Mga dalawampung minuto lang kami sa loob. Sabi nga ni kuya ay “Ganoon na iyon. Matagal pa ang biyahe natin kesa sa pag-a-apply.” Pagdating namin sa kanto ng Faura at Taft, dapat ay ihahatid na nila ako sa sakayan pauwi dahil dadaan pa sila ng Alabang doon sa kumare nila. Sinabi kong papunta pa ako ng España, sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas, The Catholic University of the Philippines (yun naman oh!), sa aking dating kaklase na itago na lang natin sa alyas na “RR” na ngayon ay nag-aaral doon kung paano mag-conserve ng musika. Matapos nilang ibigay sa akin ang direksyon kung saan ang sakayan pauwi, naghiwalay na kami. At dito na nagsimula ang aking adventure.

Sa totoo lang, hindi ko talaga alam ang sakayan papuntang USTe, kaya’t tinext ko si RR kung ano ang sasakyan kong jeep papuntang España. Sinabi niyang iyong mga papuntang Quiapo. E ang adik naman ng mga jeep, ang daming karatulang nakasabit. Hindi katulad noong mga nakasanayan ko na iisang lugar lamang ang nakapaskil sa jeep. Pero mabuti na iyon at madaling malalaman ang lugar na dinadaanan ng mga jeep. Nakakita na ako ng mga jeep papuntang España pero masyado pang maaga. 10:30 pa lamang at 12:00 pa ang tapos ng klase ni RR. Napagdesisyunan ko na lang na maglakad-lakad sa kahabaan ng Taft Avenue papuntang norte at mag-explore.

Adventurous akong tao. I love to explore new things, meet new people, and to observe the different people, happenings, and odd things around me. At isa sa hinding-hindi ko pinapalampas at gustong-gustong gawin ay ang pagsakay sa mga public utility vehicles at ang paglalakad sa kalye. Madami kasing mga kakaiba pero madalas ay ordinaryong tao, bagay, at pangyayari ang napaghuhugutan ko ng istorya at inspirasyon sa aking pagsusulat. Unang beses kong maglakad sa kahabaan ng Taft Avenue ng mag-isa, medyo makulimlim at hindi mainit kaya isa itong perpektong pagkakataon para humugot ng inspirasyon at magkaroon ng karansang madami ang namamatay nang hindi ito nararanasan.

Sa aking paglalakad ay madami akong kasabay at nakakasalubong na mga estudyante, mga propesyonal, mga nagbabaka-sakali ng kapalaran sa Maynila, at ilan pang mga kaluluwa na may kanya-kanyang pakay. Lahat naglalakad. Walang pakialamanan. Habang lahat kami ay nilulunod ng usok at ingay ng mga sasakyang dumadaan at ng maya’t mayang pagdaan ng LRT sa itaas. Nakakatuwang isipin na kahit wala kaming pakialamanan sa isa’t isa ang bawat isang kaluluwang nakakasalubong ko, o kahit ako mismo, ay may kanya-kanyang istorya. Mga istoryang hindi lahat ay nakaka-alam na kapag pinagtagni-tagni natin, matatawa na lang tayo na lahat nga pala tayo ay magkakaugnay. May parte sa istorya ng ating buhay na kaugnay ng isa pang istorya mula sa ibang tao. Istorya din na siyang dahilan kung bakit hindi nagkakaintindihan ang mga tao – hindi kasi natin inaalam ang tunay na istorya ng bawat isa sa atin. Kung alam lamang natin ang istorya ng bawat kaluluwang nakakasalamuha natin, maiintindihan siguro natin kung bakit ganoon ang pagkatao niya.

Ginagawa kong pamilyar ang aking sarili sa bawat kalsada at landmarks na nadadaanan ko, para madali na sa akin ang magpabalik-balik doon. Mga lugar na kalimitan e napapanood ko lamang sa telebisyon o nababasa sa mga aklat. Ganoon ang kalimitan kong ginagawa kapag nagbibiyahe o bago ako sa isang lugar. Nagmamasid at nagtatanda. Kapag nagbibiyahe sa sasakyan, hindi ako natutulog. Tinatandaan ko ang mga pasikot-sikot, mga kalsadang dinadaanan, at mga landmarks at nagmamasid sa mga kakatuwa at interesanteng mga bagay, tao, at pangyayari sa paligid.

Intersection. Kakanan ba ako o kakaliwa? Tiningnan ko ang mga dumadaang jeep papuntang Quiapo. Diretso lang. Direstso din ako. Kung tinatamad kang magtanong sa mga mukhang suplado at walang pakialam na tao na nakakasalubong mo, magmasid ka na lang sa paligid. Tingnan ang mga traffic at direction signs. Isang paraan, bukod sa klasikong pagtatanong, para maka-survive sa pasikot-sikot na urban jungle. Hindi puwedeng gawin ang paborito kong laro sa highway – ang makipagpatentero sa mga sasakyan. Hinintay ko munang mag-stop ang mga sasakyan at saka ako tumawid. Sabi kasi noong bruskong Bayani na mahilig sa kulay rosas, “Bawal tumawid. Nakamamatay”

Bukod sa bolpen, isa pang mahalagang dalhin ay ang payong. Wala naman itong kinalaman sa paghahanap ng trabaho pero dahil sa abnormal na lagay ng panahon ngayon sa buong mundo, iyong matinding sikat ng araw sa umaga ay palaging nasisingitan ng epal na pagbuhos ng ulan. Tapos aaraw ulit, tapos ay uulan na na naman. Pagkatapos ay aaraw, at bigla na naming uulan (repeat while fading…). Nasa may bandang Manila City Hall na ako nang biglang bumuhos ang medyo malakas na ulambon. Kaya’t sumilong muna ako ng konting saglit sa may waiting shed sa may City Hall. Tumila ng konti pero umaambon pa rin. Marami namang naglalakad kaya naglakad na rin ako. May mga puno namang masisilungan.

Medyo nawala na ang talab ng heavy breakfast ko kaya naghanap ako ng makakainan. Lakad pa ng konti. Hanggang sa makakita ako ng paborito kong convenience store. Iyong 7-eleven sa may kanto ng P. Burgos at Doctor Basa street. Sa labas ay madaming mga estudyante. Nagpapatila siguro ng ulan. Pumasok ako at dumiretso sa Hotdog section. Kumuha ako ng Bacon and cheese jumbo hotdog sandwich. Pumunta ng hydration station (terminolohiya iyon ng 7-eleven) at kumuha noong inuming nangakong nakakapayat daw dahil sa taglay nitong L-carnitine. Pineaaple flavor ang kinuha ko at saka pumunta sa counter para magbayad. Iniabot ko kay kuya sa counter si Ninoy. Tinanong kung may barya ako bukod sa tatay ni Kris Aquino. Sa isip ko ay, sino ba naman ang may gustong mabarya ang buo niya? Tapos susuklian ng madaming barya? Masyadong mabigat iyon. Kung may barya ako, iyon na dapat ang ibinayad ko. Tinanggap ni kuya sa counter ang Lolo ni Baby James at saka ako sinuklian. Sa wakas. Nasuklian na ang buo ko. Wala na akong palusot para hindi magbayad ng pamasahe sa jeep.

Sa pagkawala sa akin ni Ninoy, napaisip ako. Ano kaya ang pakiramdam ni Kris Aquino kapag may hawak siyang limandaang piso? Siguro ay wala lang dahil malamang, ang palagi niyang hawak ay cards at isanlibong piso. Eh si Baby James kaya? Paglaki kaya niya, magyayabang kaya siya kagaya nina Tito Vic at Joey ng “wala yan sa lolo ko” dahil nasa limandaang piso ang picture ng lolo niya? Ewan at wala na akjong pakialam.

Naghahanap ako ng mauupuan. Fully booked lahat maliban sa isa. Iyong bakanteng upuan sa pagitan ng isang estudyante at isang yuppie. Ipinatong ko sa lamesa ang hotdog sandwich at juice ko na pampapayat daw, inayos ang medyo magulo kong buhok at saka umupo sa pagitan ng dalawang binibini. Nasa kanan ko ang estudyante at nasa kaliwa naman ang yuppie. Napatawa na lang ako sa aking sarili. Para kasing pahiwatig ito ng aking “past” at “future”, isang estudyanye at isang young professional. Binuksan ko ang Manhattan dressing at inilagay sa hotdog. Isinunod ko naman ang tomato ketchup. Pagkatapos punasan ang daliri ng tissue ay kumagat na ako sa hotdog. Kahit wala pang kalahating talampakan ang pagitan ng aming mga katawan ay wala kaming pakialamanan sa isa’t isa. Ganito nga talaga siguro ang buhay.

Habang kumakain ay pasimple kong sinusulyapan ang dalawa kong katabing binibini. Iyong yuppie ay parang walang pakialam sa nangyayari sa paligid niya. Tuloy lang sa pag-inom ng kanyang juice at sa pagtetext. May hinihintay siguro. Mukhang nakahalata iyong estudyante na tinitingnan ko siya kaya parang medyo nailang siya sa akin at tinakpan ng hanggang balikat niyang buhok ang cute niyang mukha. Kung hindi siguro medyo pormal ang suot ko ay pagkakamalan niya akong holdaper, o mas masama, rapist. Kumakain siya ng lunch dahil umorder siya ng rice meal ng 7-eleven at isang higanteng Gulp. Sa liit ng kanyang physique na iyon ay hindi ko lubos maisip kung paano niya uubusin ang higanteng Gulp. Siguro ay alam niyang mabibitin lang siya sa kinakain niya kaya iinom na lang siya ng madami para pampabigat sa tiyan. Siguro ay mayaman kaya’t hindi niya uubusin ang laman ng iniinom. Ganoon daw kasi uminom at kumain ang mayayaman. Palaging nagtitira. Kapag inubos kasi, masasabihan ng matakaw. Kung tutuusin ay hindi ko kaya ang ginagawa ng estudyanteng iyon – kakaunting lunch at sa convenience store pa. Siguro, nasanay lang ako sa “secured” na buhay ko noong hayskul at kolehiyo. Nakahanda na kasi palagi ang aming kakainin sa dining hall. Hindi na mamamalengke o magluluto. Lalamon na lang. Iba nga pala ang buhay sa labas ng “comfort zone.” Mahirap, nakakapagod at nakakagutom. Sa palihim kong “pang-ni-ninja” sa dalawa kong katabi, namulat sa akin ang reyalidad ng buhay sa labas ng “comfort zone.” Ito ang tunay na buhay.

Tumayo na ang yuppie sa kanyang kinauupuan at lumabas. Dumating na yata ang hinihintay. Maya-maya pa ay tumayo na din ang estudyante, itinapon ang pinagkainang disposable na mga kutsara, tinidor at plato, at sumisipsip sa higanteng Gulp at lumabas ng convenience store. Itinapon ko na din sa basurahan ang aking pinagkainan at lumabas para ipagpatuloy ang aking road trip.

Lakad pa ng konti papuntang norte kahit bahagyang umaambon. Madami naman akong kasabay na ginagawang payong ang mga panyo at mga kamay. Tiningnan ko ang mga jeep na papuntang Quiapo para masiguro kung tama pa rin ang kalsadang binabagtas ko. Tama pa naman kaya’t naglakad pa ako. Maya maya pa ay nakita ko na ang paahong kalsada na papasok ng Quiapo Bridge. Tumingin ako sa aking relo. Tamang tama naman at mag-a-alas dose na kaya napagdesisyunan ko ng pumara at sumakay ng jeep papuntang España. Nilakad ko simula Padre Faura hanggang bukana ng Quiapo Bridge. Kung tutuusin ay malayu-layo din iyon pero para sa akin ay relative ang ibig sabihin ng malayo. Bilang dating napadestino noong ako’y nasa kolehiyo sa mga iba’t ibang komunidad sa bukid at kabundukan, nasanay na ako na ang ibig sabihin ng “malapit” ay iyong mga lugar na kapag iyong pinuntahan, hindi ka aabutan ng paglubog ng araw.

Sa jeepney, halos puro mga estudyante ng FEU at UST ang kasabay ko. Kapag nakakakita ako ng mga estudyante dalawa ang nararamdaman ko. Inggit at sense of achievement. Inggit dahil parang gusto ko pang mag-aral ulit at sense of achievement dahil nakatapos na ako sa aking pag-aaral. Ironical ba? Hindi naman masyado. Siguro, kaya ko lang naiisipan iyon ay dahil hindi pako lubos na handa na harapin ang “tunay na buhay” na nagsisimula pagkatapos ng pag-aaral sa paaralan. Ayaw ko pang umalis sa nakasanayan ko.

Tinanong ko kay manong drayber kung magkano ang pamasahe papuntang España. Siyete pesos daw, iyong minimum na pamasahe. Sasabihin ko sana na estudyante pa ako pero nakakahiya naman sa mga kasabay kong estudyante dahil naka-porma ako na parang isang yuppie at walang nakasukbit sa aking ID ng isang estudyante. Doon kasi sa terminal ng jeep sa Calamba, hindi nagbibigay ng discount para sa estudyante iyong isang dispatcher hangga’t hindi nakasabit ang ID. Ang katwiran kasi niya, hindi ka daw estudyante hangga’t hindi nakasukbit ang ID. Tatanungin ko pa sa LTFRB kung mayroon nga silang ganoong ordinansa. Nagbayad ako ng siyete pesos kay manong drayber at komportableng umupo habang tinitingnan sa labas ng jeep ang mga lugar na nadadaanan.

Dumaan ng Quiapo. Nakita ko ang pamosong Basilica Menor ng Poong Nazareno. Bukod sa Simbahan at sa Plaza Miranda, dalawang bagay ang pumasok sa aking isipan. Tindahan ng pirated CDs at DVDs at ang Hidalgo na sangktwaryo para sa mga photographer. Minsan naisip ko, oo nga’t pagnanakaw ang pamimirata pero sa isang bayang naghihikahos katulad ng Pilipinas kung saan uunahin pa ng karamihan ang pagkain kesa sa bumili ng mga orihinal, bentang benta ang mga pinirata. Pero kung hindi mapipigilan ang pamimirata, malulugi ang mga kumpanya, produser at artista at baka tuluyan na tayong walang sining, musika, at pelikulang puwedeng pagpyestahan. Ano nga ba ang dapat unahin at bigyan ng prayoridad? Ang isalba ang leeg ng industriya o ang kumakalam na sikmura? Sa aking pananaw, kung masosolusyonan ang ilang dekadang problema sa kahirapan, kawalan ng trabaho, mababang suweldo, wasak na kabuhayan, pagnanakaw ng kaban ng Bayan, at inutil na sistema ng pagbubuwis at tamang paglalaan nito na siyang sinasabing dugo na bumubuhay sa isang bansa, maisasalba ang iba pang industriya. Magkakaroon ng “ripple effect” sa lahat ng bagay. Habang lumalampas ang jeep ni manong sa Basilica, napadasal ako sa Poong Nazareno na sana ay magkaroon na ako ng trabaho para makaipon at makabili ng sarili kong DSLR camera sa Hidalgo – at makabili ng murang DVD sa Quiapo.

Nagpatuloy ang pag-andar ng jeep hanggang sa makarating ng España. Sa wakas, nakarating na ako ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas. Tamang tama lang ang dating ko at eksaktong alas dose lang. Bumaba ako sa may overpass sa tapat ng Unibersidad. Tinext ko si RR at sinabi kong nasa España na ako. Hindi nag-reply. Siguro ay may klase pa at napa-sarap ang propesor. Kaya’t tumambay muna ako sa may kanto ng Cayco at España. Hindi ako mapakali doon sa katabi kong manong na mukhang hindi gagawa ng hindi masyadong kagandahang bagay kaya’t naglakad-lakad ako papunta sa direksyon ng Lacson. Yung klase ng paglalakad na wala naman talagang pupuntahan, may gusto ka lang iwasan. Pagdating sa may kanto ay kumanan ako. Nakarating ako doon sa terminal ng bus papuntang Cagayan, hindi ko lang matandaan kung anong bus liner yun. Astig iyong mga bus. Iyong tipikal na mas malaki pa ang volume ng mga bagahe kumpara sa mga pasahero. Walang aircon ang bus at malayo ang kanilang lalakbayin. Tiyak na kung isa ako sa mga sasakay doon, madami na naming iba’t ibang kuwento ang maari kong maisulat.

Bumalik ako sa may kanto ng Cayco at España. Wala na si manong. May mga nakatambay namang limang estudyante na mukhang magkakabarkada. Nagsimula na ulit na umambon ng bahagya. Tinext ko ulit si RR at sinabi ko na ayokong abutan ng swimming pool sa España. Sa wakas at nagreply siya na pasensya daw at napa-extend nga ang kanilang klase. Pinapapasok niya ako sa loob ng Unibersidad.

Tumawid ako gamit ang overpass. Nakakatuwa talaga ang mga negosyante sa Pilipinas. Kahit mga overpass ay hindi pinapalampas. Sa gilid ay may mga nagtitinda ng mga abubot – mga cellphone accessories, pamaypay, suklay, tali sa buhok at kung anu-ano pa. Meron ding dalawang kolehiyala na nakipagtawaran kay ate na nagtitinda. Iyon ang kagandahan ng mga tindahan sa bangketa at sa palengke. Kung kuripot at bolero kang katulad ko, puwedeng puwede mong bolahin at baratin ang mga nagtitinda para makatipid. Ang sarap sa Pilipinas.

Bumaba ako sa overpass at pumasok ng campus. Tinext ko si RR kung saan kami magtatagpo. Sinabi niyang sa Mcdonald’s sa loob ng UST. Anak naman ng Dominikanong kalbo, sa lawak ng USTe ay paghahanapin pa ako kung saan ang Mcdo. Sinabi niyang sa may car park. Ayun. Madaling Makita. Pamilyar na kasi sa akin ang car park. Habang naglalakad ako sa covered walk ng ng unibersidad ay nakapukaw sa akin ng pansin ang isang estudyante na may katabing lalaki (“ka-relasyon” yata). Kumakain siya ng lunch at may dala siyang “binalot” sa Tupperware. Cool. May mga ganoon pa pala sa kolehiyo. Kalimitan kasi e sa mga fastfood, resto, canteen, at carinderia na kumakain ang mga estudyante. Siguro ay nagtitipid o malakas lang talaga ang trip. May mga kakilala kasi ako noong nasa ikaapat na taon ako sa hayskul na hindi na nagbibinalot for lunch. Diyahe daw kasi at hayskul na, pang-elementary lang daw iyon. Mga inutil. Mas diyahe iyong nagwawaldas para sa lunch kung gayong puwede naming makatipid kung magbabaon (“At masustansya pa! Gawa kasi ni Inay”). Kung anuman ang rason ni “binibining binalot”, hindi ko na papakialamanan.

Lakad ulit papuntang Mcdo. Madami akong nakakasalubong na mga kolehiyala na mga kartada otso at kartada nueve. Pero wala akong pakialam. Wala sila sa itaas ng list ng mga priority ko. Nakarating ako ng Mcdo. Papasok na sana ako sa loob nang bigla akong tapikin ni RR. Inaabangan pala ako sa labas. Tinanong niya kung saan ko gusto kumain ng lunch. Sinabi kong sa labas na ng campus dahil masyadong masikip sa loob. Pumayag naman siya at KKB naman daw

Makailang ulit niyang tinanong sa akin kung saan kami kakain sa labas, kung sa pang-burgis o pang-skwater. Sinabi ko na kahit saan. Siya naman ang matagal na sa Manila kaya siya na ang magdesisyon kung saan. Sa banding huli ay sa Mcdonalds din namin napagdesisyunan kumain. Lakad ulit sa kahabaan ng España at pumunta ng Mcdonald’s. Naghanap muna kami ng mauupuan at siya na ang pina-order ko.

Habang umoorder si RR, nakapukaw sa aking pansin ang tatlong estudyante sa harapan ko – dalawang babae at isang lalaki. Mga may hitsura naman, mga kartada otso. Base sa lanyard ng mga ID nila, mga taga-Unibersidad na may tamaraw. Ayos na sana, mukha namang desente at nagmula sa may kayang pamilya. Wasak lang maglampungan. Ultraelectromagnetic PDA na ang ginagawa noong dalawa habang iyong isang babae naman ay tumatawa lang. Scorer siguro. Kung hindi naman, referee. Natawa na lang ako.Alam kaya ng mga magulang nilang nagpapakahirap sa trabaho o negosyo para pag-aralin sila na bukod sa pag-aaral at OJT, meron pa silang ibang “duty” na ginagawa? Kung alam man, mga kunsintidor na magulang.

Sa totoo lang, hindi ako pabor sa mga nakikipagrelasyon habang mga estudyante pa. Labas dito ang pagiging “single-since-birth” ko (oo, inaamin ko at proud ako dito). Sa aking opinion kasi, dapat ay inuuna ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral kesa sa pakikipagrelasyon. Malaki ang “investment:” ng kanilang mga magulang para sila ay makapag-aral – matrikula, board and lodging, allowance, at luho. Hindi nila dapat iyon sinasayang at pinapawalang halaga. Mapapalad silang mga nabigyan ng pagkakataong makapag-aral (mas mapalad kung sa mga prestihiyosong paaralan pa) dahil libu-libong mga kabataan ang nagnanais ng kanilang kinatatayuan ngunit hindi pinalad dahil sa hirap ng buhay.

Sa mga nagsasabing ginagawa nilang “inspirasyon” ang kanilang mga “ka-relasyon”, hindi pa ba sapat ang inyong mga magulang at pamilya bilang inspirasyon sa pag-aaral? Ang pagiging single habang estudyante ay imbitasyon para mapalawak ang ating horizon. Hindi naman kaila sa atin na merong mga nasa isang relasyon na nagiging “exclusive” sa kanilang ka-relasyon. Iyon bang tipong “you and me against the world” na ang drama. Sa pagiging single, lumalawak ang social horizon dahil hindi lamang umiikot ang mundo sa iisang tao. Isa pa, ang pagiging single at walang inaatupag na problema sa lovelife ay imbitasyon para palawakin ang horizon ng skills at mga karanasan. Mag-aral kang mag-surfing, ng photography, umakyat sa bundok, mag-road trip, island hopping, camping at kung ano pang gusto mong trip na hindi itinuturo sa paaralan. Sa ganoong paraan, matututo ka na ng mga ibang bagay, magiging mayaman ka pa sa karanasan.

Panghuling punto kung bakit hindi ako pabor sa pakikipagrelasyon habang estudyante pa ay dahil sa katotohanan ng pagiging mainit ng mga kabataan ngayon. Lahat tayo ay nasa ilalim at biktima ng sexual revolution. Masyadong mainit at makati ang mga kabataan ngayon dala na rin ng mundong kanilang ginagalawan. Ang maagang pakikipagrelasyon, kapag napasobra sa itinakdang limitasyon, ay maaaring mauwi sa maagang pagiging mga magulang. Hindi na bago sa atin ang dami ng mga kabataan na maagang nabubuntis at hindi pa handa sa buhay may pamilya. Atupagin muna ang pag-aaral at ang pagbuo ng isang matinong pundasyon. Hindi lang puro puso at hormones ang ginagamit sa buhay. Ginagamit din ang karne na gawa sa neurons sa loob ng ating bungo. Maging matalino ka.

Dumating si RR dala ang aming order. Wala na daw akong sukli. Hindi ko na kinuwenta kung magkano dahil gutom na ako. Sinagpang na agad ni RR ang order niyang chicken nuggets ng hindi nagdadasal. Dati naman ay siya ang nag-i-initiate na magdasal kapag kumakain kami. Nasa public place siguro kaya nadi-diyahe. Bakit nga ba bihira ang mga nagdadasal bago kumain kapag nasa pampublikong lugar? Nahihiya kaya? Ikinakahiya ba nila ang kanilang pasasalamat at .paniniwala?

Binasbasan ko na parang isang pari (with matching “chop chop ng mga palad”) ang aming kinakain at saka nagkuwentuhan tungkol sa aming mga buhay buhay. Sinabi kong matapos ang isa’t kalahating buwan, ngayon lang ako nagkaroon ng kasabay sa pagkain ng lunch ng weekdays. Hindi ko alam kung maniniwala ka dito pero base sa karanasan ko, iba ang lasa ng pagkain kapag mag-isa ka lang kumakain. Kahit gaano pa ito kasarap, kulang pa rin. May mga pagkain naman na hindi ganong kasarap pero “kumpleto” kapag may kasabay kang kumakain. Doon sa loob ng Mcdo, sa harap ng naglalampungang mga estudyante ng unibersidad na may tamaraw, habang nagpapalamig at sinasagpang ang aking Chicken Mcdo at choco sundae, nalasahan ko ang diwa ng salo-salo.

Tinanong ako ni RR kung saan ko gustong tumambay o magala. Tinanong niya ako kung gusto kong pumunta doon sa isa sa mga de aircon na emperyo ng isang negosyanteng intsik. Sinabi kong huwag na dahil magagastusan ako at mabibitin lamang, hapon na kasi at baka gabihin ako pauwi. Napagkasunduan na lang namin na pumunta sa kanyang boarding house sa may likod lang ng UST at doon na lang tumambay at magpalipas ng oras.

Dahil mainit, napagdesisyunan naming na sumakay ng jeep. Hindi uso ang mga “sibat” na jeep kaya’t dumiretso kami doon sa may paradahan. Puno na ang jeep kaya tumambay muna kami para magpalamig at hintayin ang kasunod na jeep doon sa mortal na kaaway ng 7-eleven – ang Mini Stop. Sa loob ay may dalawang estudyanteng lalaki na kumakain ng ice cream. Ang sweet naman nila, parang magka-relasyon lang. Sa isang sulok ay may isang coed na nag-aaral. Mukhang nagka-cramming. Napangiti na lang ako dahil ganoon ang madalas kong ginagawa noong nasa kolehiyo pa ako. Mas nagigiling kasi ng utak ko ang mga impormasyon kapag gahol na sa oras. Dumiretso ako sa magazine stand at nagtingin-tingin.

Aba at nag-pose na pala bilang cover girl yung inaabangan natin noong isa kong kuya at dating kasamahan na itago na lang natin sa pangalang Ji Hoo (dahil ayon sa kanya, ako daw si Jun Pyo). Dati rati kasi ay mejo pa-sweet pa ang imahe niya sa telebisyon. Kadalasan na rason ng mga ta-artits kapag nagpapakita ng balat sa mga magasin ay dahil handa na daw sila to take “mature roles.” Waw! Ganun pala iyon. Sign ng maturity ang pagpo-pose sa mga men’s magazine at pagpapakita ng skin. Kung ganoon din lang pala ang kalakaran, hihintayin kong mag-mature ang mga kartada nueve at otso na mga nakaksalubong ko. Tiyak, sisikta din sila, (mas) yayaman, at magiging suplada. Tinanong ko si RR kung meron siya noon. Sabi niya ay wala daw dahil wala na siyang panahon para doon at hindi na siya ganoong “ka-hayok” bumili ng ganonng uri ng babasahin. Sabagay, hindi na kami parang mga high school na excited na unang beses makakapagbuklat ng ganoon babasahin. May iba na kaming mga prayoridad. Siguro, nag-mature na kaming dalawa.

Dumating ang jeep at sumakay kami ni RR. Dahil medyo matanda na si manong drayber at kamukha ni Mister Cariñoso, pamatay ang soundtrip. Iyong DZRH radio drama sa hapon. Pero walang pakialam yung mga kasabay ko sa jeep. Siguro ay sanay na o tahimik na nagtitiis sa torture device ni manong. Medyo patay na oras kaya matagal-tagal mapuno. Sa harap ko ay may nakaupong coed na taga-unibersidad na may tamaraw na mukhang bida sa mga napapanood kong Japanese art film. Sa kanan niya ay may umupong isa pang coed na hindi ko alam kung lumaklak ng sandamakmak na glutathione o kapatid lang ni Edward Cullen na nasinagan ng araw. Sa kaliwa naman ng bida ay may isa pang coed na naka-PE uniform at mukhang galing sa salon – kuntodo pintura ang mukha at highlights ang buhok. Iyon siguro ang PE sa unibersidad nila. Maya-maya, nagtext sa akin ni RR (take note: magkatabi lang kami sa jeep) na mukha daw “working student” iyong nasa harap ko na mukhang Hapon. Nag-reply ako ng “mukhang nagtatrabaho sa Aurora Boulevard Group of Companies.” Para libangin pa ang aming sarili sa paghihintay ng mga pasahero, naglaro kamo ng “kartada game” ni RR. Sa pamamagitan ng pagtetext, tinanong ko siya kung ano ang kartada noong tatlong coed sa harapan namin. Nagreply siya ng syete-otso-syete. Sinabi kong sais lang lahat sa akin. Napatawa siya dahil oo nga naman daw, magaganda lang sa unang tingin pero nakakasawa ding tingnan. Tunay nga namang sa buhay, merong mga maganda lang sa unang tingin. Kung mag-iinvest ka sa isang bagay, dapat ay iyong da best na ang kalidad. Iyong pangmatagalan at hindi lang iyong pang-pronta. “Accident” lang ang kagandahan. Puwedeng nandiyan, puwedeng wala. Substance dapat ang tinintingnan, hindi accident. Sabi nga noong Fox sa librong pang-matanda na nakatago bilang pambata na The Little Prince, “What is essential is invisible to the eye.”

Medyo puno na ang jeep kaya inakala ko na aalis na. Nang biglang sumigaw iyong tomb raider na dispatcher na tig-dalawa pa sa kanan at kaliwa. Panalo! Iyong pang-waluhan na jeep ay ginawang pang-sampuan. Garapalan na. Siguro ay dahil medyo malulugi si Mister Cariñoso sa amin dahil puro estudyante ang mga sakay niya. Kaya para mabawi ang mga mawawala sa discount ng mga estudyante, pinilit niyang isiksik ang apat na extra. Wasak! Maabilidad si manong. Wala ng pakialamanan kung para kaming mga Hudyo sa gas chamber sa Auschwitz sa loob ng jeep niya. Hindi na nagreklamo ang mga kasabay kong estudyante. Mukhang sanay na sa ganoong sugapang sistema.

Tumakbo na ang jeep at nagbayad ako bilang isang estudyante. Technically naman kasi ay hindi pa ako “hindi na estudyante” dahil wala pa akong trabaho. Baby face naman ako kaya hindi mukhang yuppie. Pero may mga sabog na konduktor, drayber, at dispatcher na “utoy” ang tawag sa akin pero kapag naningil ng pamasahe, walang discount bilang isang estudyante. Parang nang-aasar lang ano? Konti pang takbo ng jeep at pagtitiis sa gas chamber hanggang sa narating na namin ang kanto ng looban na kinaroroonan ng boarding house ni RR. Pagbaba ko, natapakan ko ang sapatos noong isang estudyante na nakaupo sa may pinto ng jeep. Tumaas ang kilay at nang-irap. Ayos na sana kung babae siya, normal lang na reaksyon yun. Ang problema lang, mas mukha pa siyang brusko sa akin. Natatawa akong bumaba ng jeep at dumiretso sa looban na kinatitirikan ng boarding house ni RR.

Ang mga boarding houses. Walong taon din akong minsan lang kung umuwi ng bahay namin. Hayskul pa lang kasi ay doon na ako nakatira sa paaralang pinapasukan ko. Sa edad na labindalawa, natuto na ako kung paano mamuhay malayo sa saya ni nanay. Sa murang edad, naranasan ko na kung paano maging (somehow) independent at malayo sa pamilya. Iyon siguro ang dahilan king bakit maraming mga kabataan ang excited na pumasok ng kolehiyo at tumira sa mga boarding houses, bed spacers, apartments, at condo units. Bukod sa liberal na environment sa pag-aaral sa kolehiyo, matututo sila kung paano mamuhay ng mag-isa at malayo sa madaldal at palaging nananaway na pagmamahal ng kanilang mga magulang.

Hati ang opinion ng marami tungkol sa pagtira sa boarding houses at pagiging independent ng isang estudyante. May mga pabor dito dahil bukod sa isyu ng praktikalidad, ito ay paraan para matuto ang mga kabataan para matutong tumayo sa kanilang sariling mga paa. Sa mga hindi naman pabor, kalimitan nilang rason ay dahil malayo nga sa gumagabay na pamilya, mapapariwara, gagawa ng kalokohan at mapapabayaan ang pag-aaral ng isang estudyante. Sa akong opinion, hindi naman talkaga issue kung pabor ka o hindi sa pagiging independent ng isang estudyante. Ang totoong issue dito ay kung ano ba ang pundasyon ng isang bata sa kaniyang pamilyang kinalakihan at pagtitiwala. Kung masyado mong sinakal ang anak mo noong kabataan niya, humanda ka. Kung masyado ka namang maluwag sa pagpapalaki, humanda ka rin. Pero mas humanda ka kung ni minsan, hindi man lang naramdaman ng anak mo ang pagmamahal mo bilang isang magulang dahil kailanman, hindi ka niya pinagkatiwalaan.

Tipikal ang looban ng kinalulugaran ng boarding house ni RR. Dikit-dikit ang mga boarding house at mga apartment. Pakapalan na lang ng balat at pabilisang tumakbo at magsalba ng gamit kapag nagkasunog. Konti pang lakad hanggang sa marating na naming ang kanyang boarding house. Isang limang palapag na gusali, nasa ikaapat na palapag daw iyong unit nila. Maliit lang iyong mismong surface area ng gusali. Para makadami ng unit, tinaasan na lang ng gumawa hanggang sa ika-limang palapag. Praktikal nga naman. Panalangin ko na lang na sana ay matibay at malalim ang pundasyon. Pumasok kami. Sa unang palapag ay doon nakatira ang may-ari. Dumaan at lumampas kami ng di kami pinapansin. Ganito talaga siguro ang buhay nila – negosyo lang, walang personalan.

Matapos umakyat sa makipot na hagdanan paitaas, narating namin ang unit ni RR. Tama lang ang laki para sa dalawa (kasama niya kasi doon ang kapatid niya na sa parehong unibersidad nag-aaral) at may sariling banyo. May double deck, single-burner na kalan, telebisyon at study table. Tinanong ko kung may cable (mas kilala sa lalawigang umampon sa akin sa loob ng walong taon bilang “kat-bee”, mula sa acronym na CATV) ang telebisyon niya. Wala daw kaya napagdesisyunan na lang naming manood ng pamana nina Tito, Vic, at Joey sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi kasi ako masyadong pabor doon sa katapat nila sa kabila. Kapag mas kahabag-habag ang istorya ng kalahok, kapag mas makawasak cardiovascular system ang mensahe ng hinilang kamag-anak, at kapag sumipsip at mas napasaya ang host, mas malaki ang perang ibibigay sa iyo. Para bang sinasabing kung gusto ninyong magka-pera at mabago ang buhay, pumila lang kayo dito at ibuhos ang luha ninyo. Isama mo pa ang mga kasamahan niyang mga mananayaw na tinipid ang tela ng mga damit at co-host na ginagawang katawa-tawa ang sarili para mapaligaya ang mga manonood. Ganoon ang kanilang depenisyon ng pagpapaligaya at pagbibigay inspirasyon sa milyun-milyong manonood sa buong mundo. Matanong ko lang, napansin mo ba ang set-up ng kanilang studio? Pabilog na parang arena. Sino ang nasa itaas at sino ang malapit sa “gitna ng arena”? Hindi ba ang madalas makuhanan ng kamera at nasa ibaba ay iyong mga burgis na nangibang bayan, pagkatapos ay bumalik ng bansa, pilipit ang dila, at tinitingala. Sino ang nasa itaas? Ang madla na araw-araw ay nagtitiyagang pumila at nagbabakasakaling mababago ang kanilang buhay. Ang masa na pinangakuan na sila ang numero uno sa programa. Pero sino ba talaga ang bida? Ang masa o ang host na ipinangangalandakan ang sandamakmak niyang endorsements, araw-araw kinakanta ang mga kanta na parang opening prayer na ng programa, at ang pagpo-promote ng kaniyang album? Hindi ko na gagatungan pa ang gusto nila sa kanilang sistema. At ikaw na nakababasa nito na suki ng programang tinutukoy ko, huwag mo agad akong paniniwalaan. Subukan mong magmasid at ito ay obserbahan para lubusan mo akong maunawaan.

Natapos na iyong binansagang “Pambansang Laro ng Bayan” nina Tito, Vic, at Joey kaya’t halos wala ng magandang palabas sa telebisyon. Nagkuwentuhan na lang kaming dalawa tungkol sa mga bagay-bagay at ang kanyang buhay bilang estudyante sa Maynila. Tinanong ko kung uso sa boarding house niya iyong ginagawa naming noong kami ay magkaklase pa sa kolehiyo – ang “pangangapit-kuwarto.” Hindi daw at walang pakialamanan ang mga tao doon. Buhay ko ito at buhay mo iyan, hindi kita papakialamanan. Mayayaman pala ang mga tao doon. Mayaman sa kadahilanang mga “nakabili ng sariling mundo.”

Naaalala ko tuloy ang buhay ko noong estudyante pa ako. Parang magkakapatid ang turingan namin. Ang pagkain ng isa ay pagkain ng lahat. Puwedeng maghiraman – ng mga gamit, pera, at kung minsan pa nga ay kahit damit at medyas. Kahit wala ng saulian. Magkakasama sa lahat ng bagay, sa mabuti man o madalas ay sa kalokohan. Kapag nagkasakit ang isa, tiyak na mayroong mag-aalaga, magbibigay ng gamot at pagkain, at tagapunas ng katawan. Kapag may nalulungkot at nanghihina ang loob, pumupunta lang sa kapit kuwarto o sa kabilang dormitoryo para makipagkuwentuhan at humingi ng payo. Ganoon ang buhay namin noon. At mag-iiba na ito ngayon. Nangangagat ang katotohanan (wala akong maisip na tagalong sa pahayag na “reality bytes” kaya iyon na lang ang inilagay ko, pasensya na).

Nagpatuloy ang aming kuwentuhan at tawanan at hindi ko namalayang umuulan na pala sa labas. Dahil wala nga akong payong, magpapatila na muna ako doon. Lagay na ang loob ko gagabihin ako pag-uwi. Totoong kapag nalilibang at masaya ka, hindi mo na mapapansin na mabilis na tumatakbo ang oras. A las kuwatro na ng hapon. Tinanong ako ni RR kung ano ang gusto kong kainin. Tiningnan ko ang stock niyang mga pagkain. Walang pinagbago. Katulad pa rin noong kami ay magkasama sa kuwarto noong unang taon sa kolehiyo. Meron pa rin siyang paborito naming crackers – ang Bluskies. Dahil ubos na ang kaniyang tinapay at tinatamad kaming magluto ng paborito naming Lucky Me pancit canton, napagdesisyunan naming sa labas na kumain, para diretso na din ako ng pag-uwi.

Medyo umaambon na lang nang kami ay lumabas ng gusali. As usual, wala na namang pakialam ang may-ari na nakahilata sa sala niya sa ground floor. Lakad ng konti hanggang sa may kanto hanggang sa nakarating sa may Dapitan. Dahil medyo umuulambon, hindi na kami masyadong lumayo kaya dumiretso na lang kami doon sa imortal na kalaban ng payaso na may malaking sapatos – iyong masayang bubuyog na may pa-cute na mata.

Noong bata pa ako, status symbol ang pagiging customer at pag-kain sa fastfood na ito. Medyo may kaya ka kapag tuwing Linggo, pagkatapos ng misa, ay didiretso kayo ng pamilya mo doon para kumain. O kaya naman, kapag kumpleto mo ang kiddie meal na kanilang inlalabas. Sa paglipas ng panahon, nagsulputan ang ilang mga kalabang fastfood na nangangakong “mas sosyal” dahil nagmula sila sa ibang bansa. Gawang Pinoy kasi ang masayang bubuyog. Naglipatan ang mga utak coño sa mga banyaga at naiwan ang masa sa bubuyog. Ngayon, hindi mo na masasabing status symbol ang pag-kain sa masayang bubuyog. Kahit kasi mga ordinaryo at gusgusing Juan ay nakakapasok doon upang kumain. Naakusahan pa nga minsan ang bubuyog na sa kanila daw nagmula ang salitang “jologs.” Ang pinagmulan daw kasi noon ay ang pagdudugtong ng mga salitang “(tunay na pangalan ng masayang bubuyog)” at “busog.” Kaya iyon, naging jologs. Umalma naman ang kumpanya na nagmamay-ari sa bubuyog, hindi daw iyon totoo. Sabagay, mas marami ang nagsasabing ang salitang jologs ay nagsimula sa prinsesa ng kakaibang fashion statement noong banding huli ng dekada nobenta at simula ng bagong milenyo, ang cult icon ng mga chuva chuchu, si Jolina “Ate Jolens” Magdangal. Maniwala ka. Kinonsulta ko na ang google tungkol sa walang kuwentang isyung ito.

Umorder na kami ni RR. Huwag ko na daw tingnan iyong presyo at pagkain na lang ang tingnan ko dahil siya naman daw ang magbabayad. Walang kupas. May latak ng pagiging burgis. Ganoon daw kasi umorder ang mga burgis. Wala ng pakialam sa presyo. Tinitingnan na lang ang pagkain at mga sangkap nito, kung minsan, pinapa-eksplika pa sa waiter o sa chef. Ibahin mo ang ordinaryong Juan. Tinitingnan muna ang presyo, bahala na kung ano ang lasa. O kung hindi maintindihan kung ano ang pagkain, iyong pinaka-ordinaryo na lang ang oorderin. Sabi ng mga elitista at burgis, iyon daw ay dahil wala silang breeding.

Breeding. Iyon daw ang distinction ng mga burgis sa masa. Ng may pinag-aralan sa mangmang. Ng sosyal sa jologs. Cool. Kung dati ay ginagamit lang ang salita sa besprend ng tao (anong breed ng aso niyo?), ngayon ay ginagamit na din sa tao. Para bang gustong sabihin ng mga taong “may breeding” na askal ka, may lahi ako. Iyon ang hindi ko matanggap at lubos na maunawaan. Gamitin nating halimbawa ang mga aso. Lahat naman ng aso ay may breed. Ang totoong issue lang ay kung imported o lokal. Nakasanayan lang natin na kapag sinabing ang aso ay “may breed”, ang iniisip natin agad ay ang magagandang lahi na imported. Hindi ako sumasang-ayon sa pahayag ng mga burgis ng “kulang sa breeding” ang mga tao sa ibaba nila. Lahat ng tao ay may breeding, iba-iba nga lang. Kung paanong inirerespeto at dapat nating respetuhin ang kultura ng iba, gayundin naman ang “upbringing” at kinalakahian ng isang tao. Pantay-pantay tayo mga matapobreng utak aso.

Mag-a-a las singko na ng hapon nang mapagpasyahan kong umuwi. Malapit na kasing dumilim at umuulan, wala akong dalang payong. Tinanong ko kay RR kung saan ang sakayan pauwi. Sumakay lang daw ako sa mga jeep na dumadaan sa may Dapitan at iyon daw ay diretso na ng Buendia. Doon na daw ako bumaba at mag-abang ng bus pauwi. Sumakay ako ng jeep. Nagbayad ako ng bente pesos. Sinuklian ako ng sais pesos. Katorse pesos pala simula Dapitan hanggang Buendia. Katulad ng dati, hindi na ako umaasa na may kasama iyong diskwento bilang isang estudyante. Dahil umuulan at rush hour, hindi ko nagawang tingnan ang mga dinadaanan dahil nakababa ang trapal ni manong drayber na kamukha ni Empoy Marquez at puno ng pasaherong yuppies at mga estudyante ang jeep. Dahil nga umuulan at rush hour, usad susò ang daloy ng trapiko. Kahit ganoon ang usad, nasanay ang karamihan sa mga commuter. Nakadikit na kasi sa imahe ng bansa natin ang pagkakaroon ng mga kalsadang may mabagal na daloy ng trapiko. Kung rush hour at umuulan at mabilis ang daloy ng trapiko, kurutin mo ang sarili mo o ipasipsip mo sa katabi mo ang eyeballs mo. Baka nananaginip ka na o wala ka na pala sa Pilipinas.

Pagdaan ng may tapat ng Manila City Hall, nakita ko sa likod ng sinasakyan kong jeep ang isang bus na byaheng Alabang-Calamba. Hindi ko na hinintay na makarating pa ako ng Buendia o ipa-refund kay Empoy ang sobra sa pamasahe kong ibinayad. Bumaba na ako ng jeep at sumakay ng bus. Katulad noong sinakyan ko kaninang umaga, parehong bus liner at walang aircon. Ayos ito. Madami na naman akong makakasabay na kakatuwang mga commuter. Tama ang desisyon ko na sumakay na ng bus sa may city hall dahil pagdating sa may PGH, halos puno na ang bus at mayroon ng mga naka-standing ovation. Umandar ang bus at nagpasalamat ako dahil sa kalsada, nagsisimula ng bumaha at daan-daang commuters, mga estudyante, manggagawa at mga tambay ang nagsha-shower sa buhos ng ulan.

Hindi ko alam kung talaga lang mapagbiro ang tadhana pero ang katabi ko sa bus ay isa na namang manang, mga nasa late 50’s ang edad, at mukhang nagtatrabaho sa opisina. Hindi ko tuloy alam kung may magnet talaga ako sa mga manang at matrona. Sa likod ko ay may barkadahan na akala mo ay sila lang ang pasahero ng bus dahil sa sobrang ingay. Sa mga salitang lumlabas sa bibig nila, mukhang natutulog sila sa GMRC class nila noong elementarya. Sa unahan ko naman ay may “magka-relasyon”, hindi ko lang alam kung mag-asawa o magka-live-in. Sa kanilang hitsura ay para silang nasa trenta o kuwarenta anyos. Hindi naman sa nangmamata ako ng kapwa ko pero ang mukha nila ay iyong isa sa libu-libong kumakatawan sa “urban poor” sa Pilipinas. Iyong mga mukhang madalas nating nakikita sa telebisyon kapag may sunog, demolisyon, at rally.Pero isa lang ang alam ko sa “magka-relasyon” sa unahan ko, na “Beh” ang tawag ng babae sa lalaki. Ang tamis ano?

Sa may bandang likuran ako umupo, katabi ng bintana. Dahil pabugso-bugso ang buhos ng ulan, bukas sara ako sa bintana. Kapag kasi nakabukas, may hangin ngang pumapasok, basa ka naman sa ampiyas ng ulan. Kapag naman nakasara, hindi ka nga mababasa pero nakakasulasok naman ang init sa loob, lalo na kapag nakatigil ang bus. Kung bakit pa kasi sa ordinary ako sumakay. Kung maghihintay naman ako sa Buendia, baka lalo akong gabihin. Konting tiis na lang. Enjoy naman. Dahil madaming pasahero, medyo natagalan si manong konduktor na kamukha ni Jeric Raval bago makarating sa may upuan ko. Pagdating sa may harap ng upuan ko, magkasabay niya kaming tinanong noong katabi kong manang kung saan kami. Sinabi ni manang na Alabang, ako naman ay sa Calamba. Pag-abot niya sa akin ng tiket, trenta pesos. Nagtaka ako kung bakit ganoong kamura. Oo nga’t mas mura dahil ordinary fare lang ang bus kong sinakyan. Siguro ay inakala niyang sa Alabang din ako bababa. Medyo bingi pala si Jeric Raval. Mamaya ko na lang sasabihin sa kanya kapag naningil na ng pamasahe. Honest kasi ako at favorite subject ko ang GMRC noong elementary. Kaya noong naningil siya, sinabi kong sa Calamba ako. Sitenta pesos ang siningil. Hindi na nilagyan ng note o pinalitan ang ticket. Problema na nila iyon kapag sumampa si manong inspector at nag-audit sila.

Bago pumasok ng skyway ay madami pa din ang sumasakay ng bus. Ayos lamang kahit nakatayo, makarating lang sa papauntahan. Kaya’t mas lalong uminit ang loob ng bus. Ginawa daw ang skyway para mas bumilis ang biyahe, gayundin ang mga expressway. Pero anak naman ng bruskong naka-pink. Hindi na yata iyon applicable ngayon. Mabilis pa ang prusisyon noong nasa skyway ako at pagbaba ng Bicutan hanggang Alabang exit. Ano pa kaya ang maituturing na “express” sa Republika ni Juan na hindi naman talaga express? Siguro ay ang mga fixer sa iba’t-ibang ahensya para mapadali ang trabaho.

Hindi naman ako gaanong nainip kahit na talagang nakakainip ang biyahe. Pamatay kasi ang sound trip sa loob ng bus. Noong una ay mga lokal na mix ng iba’t-ibang sikat na foreign songs. Iyon bang kahit anong kanta na basta na lamang nilagyan ng tugish-takish na beat, kahit hindi naman bagay, na tipikal sa mga “pa-disco” sa malalayong lugar. Pagkatapos noon ay ang mga walang kamatayan na “beerhouse favorites medley” – Air Supply, Bon Jovi, Led Zeppelin at Scorpions. Panalo. Sino bang commuter ang aantukin at hindi mapapaindak sa mga ganoong tugtog? Pati nga si manang na katabi ko ay napapa-head bang.

Lagay na ang loob ko na talagang gagabihin ako dahil dadaan pa ang bus ng Alabang para magbaba at magsakay ulit ng panibagong pasahero. At ganoon nga ang nangyari. Halos maubos ang bus nang ang halos lahat ng aking kasabay ay bumaba ng Alabang, Kasama ni si manang na headbangers, ang magkarelasyon, at ang magkakabarkadang natutulog sa GMRC. Pagdating sa may tapat ng Star Mall (na dating Metropolis, hindi ko alam kung bakit “mas pinasosyal” ang pangalan), ay humakot ulit ng pasahero ang bus. Wasak na naman sa sobrang init sa loob. May tumabi sa akin na naka-corporate attire. Tiningnan ko kung anong kartada. Hindi naman sa nagsusuplado pero kartada singko, kamukha noong mga tipikal na gumaganap na “ya-yey” sa pelikula at telebisyong Pilipino. Bago pumasok ulit ng SLEX ay tumigil ulit ng bus para kay manong inspector. Hindi ko lang alam kung nakita iyong error na ginawa ni Jeric Raval sa pagbutas sa ticket ko.

Dire-diretso na ang takbo ng bus pagpasok ng SLEX. Doon lang naman kasi sa parteng Sucat at Bicutan madalas maging usad susò ang daloy ng trapiko dahil nga sa “pagpapaganda at pagpapaluwag” na ginagawa sa kalsada. Ngayon, kung nakasakay ka ng pampasaherong bus, dalawa ang posibleng exit. Kapag biyaheng Batangas at Lucena, doon sa Turbina. Kapag naman Biyaheng Santa Cruz at Calamba, doon sa Mayapa. Doon kami nag-exit sa Mayapa. Kilala ang Mayapa at ang Paciano na ma-trapik na lugar. Lalo na kapag gabi at papunta ng Crossing Calamba. Ganoon na nga ang nangyari sa akin kaya’t konting tiiis na lang. Enjoy pa din naman ako sa “beerhouse favorites medley” na pinapatugtog sa bus.

Sa wakas at nakarating din ng Calamba crossing. Diretso ako ng terminal ng jeep para sumakay ng biyahe papuntang UP College. Kaaalis lang noong isang jeep kaya kailangan ko pang maghintay ulit na mapuno ang kasunod na biyahe. Alas-otso na ng gabi at kalimitan kapag ganoong oras, kakaunti na ang mga pasahero at matagal mapuno ang jeep. Doon ako umupo sa may bukana, sa tabi ng pinto ng jeep (or ‘entrance” ng jeep, wala naman kasing pintong nakakabit). Inilabas ko ang aparatong pang-soundtrip ko para libangin ang sarili. Maya-maya pa, sa tabi ko ay may umupong cute na dalagita na may malaking bag. Mga disisais anyos siguro. Kartada otso. Kagaya ko, inilabas din niya ang kanyang phone na may music player para hindi mainip sa paghihintay. Ganoon din iyong babae in her twenty’s na nasa harapan ko na naka-corporate attire, may headset din sa tenga. Ganito nga talaga siguro kami ngayon. Ang henerasyon ng iPod, MP3 players at headset.

Medyo puno na ang jeep makalipas ang halos dalawampung minuto pero katulad ng mga jeep sa lahat ng terminal at paradahan, kailangang puno bago umalis. Dumating si manong dispatcher. Sa lahat yata ng dispatcher na nakita ko, siya na ang pinakapaborito ko. Kuwela kasi siya at nag-i-inggles na parang kanong hilaw. Ang paborito niyang linya ay..”Give way! Give way! One people left and one peole right. Welcome to Calamba crossing terminal / the town of Los Baños ma’am / sir. Thank you for coming and come back again. Thank you very much!” Seryoso ang mukha niya habang sinasabi iyon. Wasak ano?

Hindi na hinitay ni manong drayber ang one people left at one people right. Ramdam na rin siguro niya na naiinip na ang mga pasahero. Kaya pinaandar na niya ang jeep kahit kulang. Tuloy naman ako, iyong katabi kong cute, at iyong nasa harap ko sa pakikinig sa aming mga music player. Bumaba iyong cute kong katabi sa may Letran at iyong nasa harapan ko sa may Pansol. Unt-unti na ring naubos ang mga pasahero. Dahil medyo gabi na, hindi ko na inabot ang isa sa pinaka-pamosong karanasan ditto sa eLBi, ang usad susò na daloy ng trapiko. Bumaba ako sa may crossing at sumakay ng pedicab (“padyak” para sa mga taga-Metro) pauwi ng bahay naming. Puwede namang lakarin kaso lamang ay haggard na ako sa maghapong nakakapagod na karanasan. Pagdating ko sa bahay, nagmano ako sa aking Nanay, nagbihis at kumain ng hapunan. Umalis ako ng Dapitan ng a las singko ng hapon. Dumating ako ng bahay naming ng a las nuwebe ng gabi. Apat na oras ng nakakapagod na biyahe. Ganito ang buhay ko na haharapin ko ngayon. Masanay na dapat ako.

Nakakapagod ang ganoong karanasan gayong isang araw ko pa lamang iyon naranasan. Wala pa sa kalingkingan ng milyun-milyong kaluluwang nabubuhay at naglalakbay sa araw-araw nilang pamumuhay. Lahat ng nakasabay at nakasalubong ko ay pawang mga imahe ng totoong buhay na haharapin ko ngayon. Welcome to the real world ika nga. Mas malawak at mas maraming pagsubok ang haharapin ko ngayon pagkatapos ng labing-anim na taon ng pag-aaral. Para bang introduction pa lamang ang buhay ko noon bilang isang estudyante. Ngayon ko nakikita ang kahalagahan ng napakaraming oras na sinayang ko noong ako’y estudyante pa lamang. Pero masaya pa rin ako sa katotohanang lahat ng pagkakamali at pagkukulang ay nakakapagturo ng leksyon na dadalhin natin sa paglalakbay sa buhay.

Matanggap kaya ako doon sa pinag-applyan kong trabaho? Sana. Nagbabaka sakali lamang. Kung matanggap man, mapapabilang na ako sa milyun-milyong Pilipino na umaalis ng bansa in search of greener pastures. E bakit hindi trabaho sa Pilipinas ang dapat kong unang inaatupag? Sabi nga ng karamihan ay paglingkuran muna ang sariling bayan. Praktikal na rason. Gusto ko kasing makatulong sa mga magulang ko na hindi gaanong kalakihan (puro kaltas pa) ang sinasahod. Kung hindi man, maghahanap pa rin ako ng ibang trabaho, kahit dito sa Pilipinas. Kung ikaw na nagbabasa nito ay interasado sa pagkatao ko at gustong bigyan ako ng trabaho, puwede kong ibigay sa iyo ang resume ko. Pero kung sakaling matanggap, mabuti. Maisusulat ko na mula sa sarili kong karanasan ang ilang parte ng istorya ng milyon-milyong Pilipinong diaspora na umaalis taon-taon. Mas magiging kapani-paniwala iyon dahil hango sa tunay na karanasan.

Sa issue naman ng “paglilingkod” sa sariling bayan, nasa puso ko pa rin iyan. Bumalik tayo sa issue ng praktikalidad. Dalawa lang naman kasi ang paraan para mas yumaman ka dito sa Bayan ni Juan. Pumunta ng ibang bansa at maging trabahador ng banyaga, o magtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas at magkaroon ng trabahador na kababayan. Pareho kong gustong tumbukin ang parehong bagay. Kung hindi man ako makabalik sa dati kong paaralan para ipagpatuloy ang bokasyon kong sinimulan, magtatrabaho ako, mag-iipon ng kapital, at saka magnenegosyo and in the long run, makakapagbigay ng trabaho o kabuhayan sa kapwa ko Pilipino. Naniniwala kasi ako kay Bo Sanchez, isang kilalang catholic Lay preacher, na ang susi sa pag-angat ng kabuhayan dito sa Bayan ni Juan ay ang micro-entrepreneurship, hindi ang pagiging empleyado.

Ang lahat ng mga taong nakasalamuha ko sa maghapon ay pawang nakapagturo sa akin ng aral at karanasang hindi ko malilimutan. Pero sa dinami-dami ng istorya na hinabi ko sa sarili kong istorya sa maghapon, iisa lamang ang napatunayan ko. Na napakasarap ng buhay at napakasarap mabuhay. Ang lahat ng taong iyong nakakasalubong ay buhay na manipestasyon kung gaano kaganda ang buhay at kasarap ang mabuhay. Ang bawat taong iyong nakikitang naglalakad, sumasakay sa bus at jeep, at naglalakbay ay manipestasyon na lahat ng tao ay may pupuntahan. At ang bawat taong nagtitiis sa trapik, nagpapa-facial sa polusyon ng kalsada, at naghihintay na mapuno ang sasakyan ay manipestasyon ng pag-asa na matatapos din ang kanilang paghihirap at makakarating sa paroroonan. Ang lahat ng taong nabubuhay ay dapat magpasalamat sa biyaya ng ganda ng buhay, nabubuhay ng may tiyak na patutunguhan at nabubuhayan ng loob sa katotohan na habang may buhay, may pag-asa.

Ang buhay ay isang mahabang paglalakbay. Sa highway ng ating buhay, kung maligaw man, palaging may mga traffic signs, directions na makapagtuturo, o mga taong mapapagtanungan. Iyon ang kahalagahan ng mga tao sa iyong paligid na iyong magiging kalakbay sa buhay.

Isang napalaganda at hindi malilimutang karanasan ang paglalakad sa kalsada at pagsakay sa mga pampublikong sasakyan. Kung minsan lang, dahil masyado tayong pre-occupied sa ating mga sariling ginagawa at nilamon na tayo ng mentalidad na walang pakialamanan, hindi natin nakikita na meron pala tayong mga matutunang bagay. Sa pagtutok natin sa maliliit ng screen ng ating mga cellphones at computer, nakakalimutan natin na mayroon pang “bigger picture” sa buhay. Sa pagsalpak ng mga headsets ng ating mga music players sa ating tenga, hindi natin napapakinggan ang mas malakas na musika ng katotohanan. Sa pananatili natin sa ating comfort zone, hindi natin makikita ang tunay na realidad at aral ng buhay.

Ang buhay ay isang paglalakbay at habang ako ay nabubuhay at may lakas, susubukan kong hindi masayang ang bawat oportunidad para ako ay matuto. Ikaw? Nakita at nakagiliwan mo na ba ang iba’t-ibang anggulo ng mga bagay sa paligid mo? Natuto ka na ba sa mga istorya ng buhay ng ibang tao o sarili mo lang ang pinapakinggan mo? Hindi pa huli ang lahat.

Kung magkaroon man ako ng pagkakataon, ang sunod kong susubukang lalakarin at paghuhugutan ng istorya ay ang EDSA. Masyadong ambisyoso? Hindi hangga’t ako ay may lakas at determinasyon. Magpapatuloy ang buhay. Padayon!

>Ang Istorya sa Likod ng Istorya ng Pagpapatalsik sa Akin (Isang Interview)

>Ang sumusunod ay isang panayam ng isang mapagpanggap na yuppie na itago na lang daw sa pangalang Superproxy (mas sosyal daw na palayaw sa tunay niyang alias na Super Procopio) sa isang [dating] seminaristang nagngangalang John Emmanuel Ebora na “napalabas” sa seminaryo.

Binibigyan nitong linaw ang istorya sa likod ng istorya sa eviction niya sa seminaryo. Heto ang transcript ng kaniyang panayam habang sila ay nagwawasakan sa ilalim ng cosmos at ng mga stars. Read on!



Kumusta ka ngayon?

>>Masyadong generic ang tanong mo. Dalawa lang ang possible na sagot diyan. Mabuti at hindi mabuti. Wala na bang ibang pambungad na pagbati at pakikipanayam?



O sige, heto na lang, musta na u?

>> Ok lang me. Hahaha! Patay tayo diyan. Na-bobo na dahil sa pagte-text , panonood ng Wowowee at kay Kris aquino. Unti-unti ng pinapatay ang wikang Noypi. Seryoso tayo dude.

Madaming makakabasa ng transcript ng panayam mo.



Ganoon ba? Oo nga, nakakabobo ang pagtetext at panonood ng Wowowee. Sige. Diretsahan tayo. Masyadong mahaba iyong artikulo mo ng istorya ng pagpataw sa’yo ng dalawang taong supplementary regency ng mga pari, o ang “pagpapalabas” sa iyo sa seminaryo, in a sentence or two, sabihin mo kung bakit ka “pinalabas.”

>> Magandang katanungan, para kang si Boy Abunda. Anyhoo, ganito: Mayroon akong mga liberal tendencies, na puwedeng maging liberal and in the extreme level, baka maging deviant kaya kailangan ko munang “ayusin” ang aking buhay sa labas ng seminaryo para mapunan ang mga pagkukulang. Kung medyo malabo sa inyo ay basahin niyo muna iyong kabuuan (in a way) ng istorya. Sa aking opinyon, ayaw nila sigurong mag-produce ng isa pang Fr. Robert Reyes. Cool na pari ‘yun pero hindi lahat ay tanggap siya.



Sinabi ng one sentence or two lang. Ang haba ng sagot mo!

>> See! Hindi kasi ako sumusunod palagi sa rules. Naniniwala akong “if you obey all the rules, you miss all the fun.” Nasa Reader’s digest yan! Hahaha! Pero seriously, kulang talaga ang isa o dalawang pangungusap para magpaliwanag. Kahit nabubuhay ako sa prinsipyong dapat ay straight to he point kapag nagpapaliwanag, yun na ang pinaka-crooked straight explanation ko.



Intrinsically impossible yung crooked straight!

>> Aba nga naman! Marunong ka ng metaphysics! Seminarista ka dati? Anyhoo, wag kang masyadong seryoso. Rhetorical form yun!



Ahh..ganun ba? Whatever. Paano ka lumaki sa bahay? Anong klaseng environment meron sa inyo?

>> Lumaki ako sa sosyal na tabing riles. Hindi iyong tipikal na tabing riles na tinitirahan ng mga hamapas lupang skwater sa na ipinapalabas sa telebisyon. Ang nanay ko ay relihiyosa at ang tatay ko ay medyo liberal, outspoken, at maangas ng konti. Siguro e mataas ang YQ niya o yung Yabang Quotient. Hehehe..



So yung personality mo, more of sa tatay mo nakuha?

Sabihin na nating ganoon nga. Namana ko sa tatay ko yung angas at yung mga medyo liberal na prinsipyo sa bahay.at saka siguro yung passion kong matuto sa mga bagay-bagay. Adik sa Discovery channel at National Geographic channel yun eh. Graduate yun ng peyups dito sa eLBi. Ekonomistang walang pera. Hahaha! Namana ko rin yung passion na matuto sa lolo ko, yung tatay ng nanay ko, si Lolo Uro. Madalas kaming manood ng sabay dati ng Knowledge Power ni Ernie Baron. Halos sa kanya din ako lumaki. Yun!



Bukod sa namana mo sa tatay mo, ano pa yung ibang mga “factors” para magkaroon ka ng mga ganyang pananaw sa buhay, para medyo maging kakaiba ka?

>> Noong bata pa ako e palagi akong nakatutok sa TV para manood ng mga paborito kong palabas na pambata. Bukod doon, namulat din ako na nanonood ng balita gabi-gabi. So iyon, maagang “namulat sa realidad.” Cool ano? May mga kakilala ako ngayon, college students at mga yuppies, walang alam sa current events. Yun ang wasak!



Wala namang ganyanan.

>>Bakit? Tinamaan ka? Hahaha! Adik!



Ako ang nagatatanong dito. So maaga kang na-expose sa realidad?

>>Sorry naman. Oo. Sa realidad at sa “ills of society.”



Di ba madaming mga kabataan na iyong ka-edad ang wala namang pakialam sa mga nangyayari?

>> Magandang follow-up question. Wala silang pakialam dahil maaaring busy sila sa DOTA, pakikipagrelasyon, party party mode, pagwawaldas ng pera ng magulang nila, makipagchat at mag-surf sa net. In other words, may iba silang pinagkakaabalahan. Pangalawa, marahil ay sa tingin nila, hindi naman sila apektado ng kung ano mang ka-lechehan sa lipunan.



Apektado ka? Ano ang ibig mong sabihin?

>> Medyo. Siguro ay yung mga walang pakialam ay mayaman at nakabili ng mga sariling mundo. Literally at figuratively, hindi ako, kami ganoong kayaman para makabili ng sariling mundo. “Nakikialam” ako dahil sawa na ako sa lintek na sistema.



Relax bro. Elaborate please. Medyo na-diagnose ako ng Bobonic Plague eh.

>> Ganun ba? Ok. Ganito. Ang mga magulang ko ay parehong mga empleyado ng Wasak na Republika ng Pilipinas. Aminin na nating maliit ang sinasahod nila bilang mga empleyado. Hindi sapat para kami ay pag-araling 3 magkakapatid, makabili ng mga basic needs, at siyempre, wala ng lugar para sa mga bonggang luho. Alam mo na naman siguro ang kahihinatnan kapag problema na sa pera ang pinag-uusapan. Madaming mga problema. Hindi ninyo siguro ako lubusang maiintindihan hangga’t hindi ninyo nararanasan ang aming mga pinagdadaanan.

Katulad ng mga libo-libong Pilipinong naghihirap, nag-ra-rally, nawawalan ng trabaho, at sawa na sa lintek na sistema, hinahanap ko ang pagbabago. Wag ninyo sanang isipin na pagbabago sa pamahalaan at palakad ng gobyerno ang hinanahanap ko. Ang hinahanap kong pagbabago ay ang “malawakang pagbabago.” Sounds too ambitious pero lahat ng mga “nagpabago sa undo” ay nagsimula bilang mga ambisosyo.



Waw! Puwede ka ng tumakbong politiko!

>> Actually ay nasa isip ko yan. May slogan na nga ako eh. “Ang sinimulan ko sa Bayan ng Diyos, Ipagpapatuloy ko sa Bayan ng Los Baños.” Panalo hindi ba? Hahaha!



Seryoso? Tatakbo ka sa 2010?

>> Adik! Malabo! Madami na ang gustong mag-initiate ng pagbabago, pero kinain ng sistema. Ganoon dito sa Pinas eh! At kung tatanungin mo ako kung may pag-asa pa ang Bansa natin, alamin mo muna kung may “potency” tayo para magkaroon ng “actuality.” Change is defined as a movement from potency to act.



Meron nga ba?

>> (Hindi umimik). Balik na lang tayo sa mismong topic ng intervew na ‘to puwede?



Oo nga naman. So iyon yung “background” at istorya sa likod ng iyong makulay na personalidad at pananaw sa buhay?

>>Oo ganoon nga. Pahabol lang. Medyo na-inspire din ako nung mapanood yung video ni Gang Badoy sa You Tube. Siya yung foundress at head ng Rock Ed Philippines, isa sa mga tinitingala kong institusyon. Kuha yun doon sa forum sa Ateneo, yung parang ang topic ay sort of pagbabago. Ang huling statement ni Gang ay, “sana, maging bokabularyo na rin ng bawat Pilipino ang mga katagang Bakit hindi?” Parang ganun.



Ah oo. Astig nga yang si Gang Badoy at yung show niya kasama si Lourd de Veyra sa NU 107, yung Rock Ed Radio.

>> Nakikinig ka rin?



Oo naman. Educational yun eh...

>> Tama ka. Alam mo bang mas naintindihan ko pa dun ang Taxation at Land Reform, pati ang dalawang magkasalungat na kampo sa Reproductive Health Bill kumpara sa professor ko. Hahaha! Peace! Tunay naman eh! Kung hindi ako nagkakamali ay endorsed yun ng CHED! Kung hindi man, dapat ay i-endorso yun.



Eh yung The Brewrats sa 99.5 RT?

>> Isa pa yun! Na-misintepret lang nang ibang tao, kahit sa loob ng seminaryo, na maingay, deviant, bastos, et cetera. Pero hindi, lalo na kapag guest tuwing lunes ang Dakila, isa ring NGO, sa kanilang Educational Monday. At educational talaga ang show na yun! Propesor at seryosong komedyante si Ramon Bautista sa UP, direktor si Angel Rivero, at henyong tibak at entrepreneur si Tado Jimenez.



Tama ka dun! So ibig mong sabihin, naka-impluwensya din sila sa’yo?

>> Tama ka dun. Malaki ang impluwensya nila. Pati dun sa show na Boys Night Out sa Magic 89.9. Boy radio ako eh! Doon ko natutunan yung ibang mga “jargons” na medyo double meaning at ginagamit ko sa pang-araw-araw na buhay. Na na-misintepret ng mga conservative at mga hindi kapareho ng pananaw at pag-iisip ko. Kaya iyon. Adyos Patria Adorada ang nangyari! Hahaha!



Ah, so karamihan talaga ng mga naiisip mong ideya, kalokohan, at pagpapatawa ay galing sa radyo?

>> Oo. Parang ganoon na nga. Marami-rami din. Naniniwala kasi akong “lesser evil” ang radyo kumpara sa TV eh. Ginagamit ko yun para magpatawa at magpaligaya. Pero, dahil cool ako, nawalan ng distinction sa ibang tao ang “serious side” at “comic side” ko. Lahat sineryoso! E di wasak! Kung Video killed the Radio Star sabi ng REM, ako naman e, Radio Star killed the seminary star! Hahaha! Joke lang!



May inspirasyon or influence ka ba sa hindi masyadong pagiging seryoso?

>> Actually meron. Sinabi niyang “Do not take life too seriously. After all, no one has come out of it alive.” Ang pangalan niya ay Bugs Bunny. Pero don’t take that too seriously ha? Alam ko naman ang distinction kung kailan magiging seryoso at nagpapatawa. Napapasobra lang minsan. Minsan lang naman...sana.



Wasak ka talaga! Ganun pala ang istorya sa likod ng istorya. Ngayon ay malinaw na sa akin.

>>Sana nga ay malinaw kong naipaliwanag sa iyo. Kune meron ka pang hindi maintindihan, puwede mong isingit mamaya sa later part ng panayam mo sa akin.



Sige. Dumako na tayo doon sa “eviction proper.”

>> Mabuti pa nga. Masyadong mahaba ang intro natin. Itong parte naman talagang ito ang pinaka-substance. Introduction lang yun para mas maintindihan.



Fire! Ano ang una mong reaksyon nung sabihin sayong papatawn ka ng dalawang taong supplementary regency?

>> Kahit expected ko na yun ng konti, konti lang, ay nagulat pa rin ako ng duper! Pero ang una kong naisip ay kung papaano sasabihin sa aking mga magulang lalo na, sa akong mga kaibigan, mga taga parokya, at mga taong umaasang ako ay tutuloy [kaagad] sa Theology. Iba kasi ang mindset ng ibang tao, kung ano-ano ang iniisip kapag ang seminarista ay lumabas o pinalabas ng seminaryo.



Bakit ganoon? At anu-ano iyong sa tingin mo ay iniisip nila?

>> Sabihin na lang natin na mataas ang pagtingin ng mga tao sa mga seminarista, sa mga nagpapari. Huwag kang kokontra ha? Mga iniisip nila? Kesyo may girlfriend, pinilit lang ng magulang o ng benefactor para magpari, nakabuntis, yung mga ganun ba!



Grabe naman yun!

>>Sinabi mo pa. Pero hindi lahat ay ganun. May mga tunay na nakakaintindi. Yung ibang tao kasi ay walang pakialam sa amin eh.



Siguro nga. Anong mensahe mo doon sa mga taong, sabihin na nating, hindi masyadong nakakaintindi?

>> Mabuti at naitanong mo iyan. May ginawa akong artikulo tungkol diyan. Bisitahin niyo yung blog ko sa multiply, http://johnebora.multiply.com, entitled “Ang Paghahanap ng Tunay na Kaligayahan.” At kung may kopya kayo nung ubod ng lupit na The Prolegomenon, nandun din yun, ang title ay “The Pursuit of Happiness (Philosophy of Self discovery).”



Garapal ka din mag-promote ano?

>> Hindi naman masyado. Hindi magiging manunulat ang isang manunulat kung walang mambabasa. Tamang promotion lang dude.



Sige, bumalik tayo. Ano ang pakiramdam mo noon?

>> Bukod sa pagkabigla ng konti? Pakiramdam ko noon ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Seriously, that was the lowest, if not one of the lowest, and darkest moment of my life. Pakiramdam ko noon ay parang gusto ko ng sumuko. Na gusto ko ng umayaw. Masakit dahil kung kailang ayos na ang lahat at nakapagdesisyon ka na, saka pipigilan. Para bang, nakapag-impake ka na at nakapag-ipon ng shopping money para sa educational field trip niyo sa Mars, biglang sasabihin na hindi ka pala kasama.



Ano naman ang parang naging “consolation factor” para sa iyo?

>> To view things in a positive note. Ang dalawang taon ay hondi dalawang taon ng condemnation. Ito ay paanyaya sa paglago. It’s an opportunity for me to grow and to explore things and the real world. Walong taon din kasi ako sa seminaryo. Doon na kasi ako nag-aral noong High School. Tutal, bata pa naman ako, I’m just 19 years old, single and ready to mingle, magandang exposure ang dalawang taon.

Naniniwala kasi ako doon sa prinsipyo sa anger management na itinuro sa amin nung prof naming madre sa psych. Ang anger ay nakadepende lang sa pagtanggap natin sa sitwasyon. Sa buhay kasi, kahit pare-pareho ang dumating na condition at situation natin sa buhay, ang “kung ang magiging ano tayo” ay nakadepende pa rin sa atin.



Magandang kasagutan. Mukhang sanay na sanay kang magbigay ng recollection at talks ah? Parang nababasag tuloy yung “imahe” mo na sinasabing liberal at radical ka. Teka, radical ka ba talaga?

>> “I’m not a radical. I’ve got no point-of-view. I’m not a radical. And i’m just like you.” Kanta yan ng Hilera entitled Radical. Maganda ang video niyan! Hahaha!

Seryoso tayo. Hindi naman ako die-hard liberal at radical. May mga bagay na liberal ako at may mga bagay na konserbatibo ako. Halimbawa, liberal ako sa pagpapahayag ng aking mga saloobin ngunit pagdating sa utos ng simbahan, at doon sa mga natutunan kong bagay sa seminaryo, doon tayo magkakatalo. Conservative ako doon.



So hindi ka talaga radical to the extremity?

>> For the record, hindi. Pero dati ay na-engganyo ako ng konti sa mga ideolohiya ni Karl Marx at ng Komunismo. Siguro ay dala na rin ng aking pundasyon at ang medyo liberal na pag-aaral sa college. Madaming estudyante ang dumadaan diyan. Hindi lamang ako.



Oo nga. Madami akong dating kaklaseng ganyan dati lalo na yung mga nag-aaral sa unibersidad na may istatwang nakadipa.

>> Tama ka diyan. So naiintindihan mo rin ako?



Medyo. Bumalik tayo. Sa iyong opinion, justified ba ang “pagpapalabas” sa iyo?

>> To be honest, ang una kong naramdaman ay unjust at hindi justified, at alam iyan ng malalapit kong kaibigan sa loob at labas ng seminaryo. Nagkaroon kasi ng “exaggeration” sa mga akusasyon sa akin. Nawalan ng distinction yung biro at seryoso. Siguro ay kasalanan ko din. Hindi ko ipinakita ng bongga ang serious side ko. Nakilala kasi ako doon bilang easy-go-lucky, maloko, lax, at puro pagpapatawa at kalokohan.

Pero, nag-sink in din yung katotohanan na meron talagang mga issues sa saili ko na kailangan kong ayusin bago ako tumuloy sa Theology. Ibang lebel na kasi doon. Amoy Pari na ika nga.

Meron din akong konting hesityancy sa pagtuloy at iyon nga iyong mga “issues” sa aking sarili. Kung ano ka kasi noong seminarista ka, ganoon ka kapag naging pari ka na.



Any hard feelings sa mga nag-evict sayo? May balak ka bang gumanti?

>> Dude, tumingala ka. Ang ganda ng stars ano? Kapag nakikita ko iyong stars, naaalala ko iyong sinabi ni St. Francis de Sales na “It is better to be silent than to speak of truth without charity.” Magandang prinsipyo sa buhay yun! Try mong i-practice!



So silence means yes?

>> Non sequitur. It does not follow!



Sagutin mo na kasi...

>> Hard feelings? Wala naman masyado. May konti pero hindi naman to the point na magtatanim ng sama ng loob at gaganti. You see, thankful ako sa mga formators ko sa “pagpigil” sa akin. Bilang mga formators, may tiwala akong alam nila ang ginagawa nila. Thankful ako at kinakailangan nila akong pigilan dahil alam nilang kailangan ko munang ayusin ang sarili ko sa labas ng seminaryo. Thankful ako sa mga nag-evaluate sa akin dahil ang feedback ahould be taken in a positive note too. Feedbacks are necessary for improvement. Parang sa mga restaurant, humihingi sila ng feedback para ma-improve ang service nila.

Gaganti ako for what? Anong mangyayari sa akin? May mababago ba? Anong mapapala ko? Wala naman di ba? Damage has been done. Kung gaganti, mas lalaki pa ang damage. All I can say is my “muchas gratias” sa kanilang lahat. Mahal tayo ni Bro!



Naks! Playing safe ang sagot. Aminin mo ng Dark Chocolate mode ka.

>> Ang ganda ng stars ano?



Oo nga, maganda ang stars. Balik tayo. Any regrets if you have one?

>> Alam mo dude, may prinsipyo ako sa buhay na wala dapat regrets sa mga bagay na ginawa mo, dahil lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may purpose, kung hindi man natin makita ngayon ay sa hinaharap. Ang regrets lang sa buhay ay iyong mga bagay na hindi mo nagawa. Iyon naman ay sa akin lang, puwede mong gayahin, puwedeng hindi.

Ang regrets ko siguro ay hindi ko ipinakita ng duper iyong serious side ko. Yung tunay na ako, kung matatawag mong ganoon nga. Iilang tao lang kasi ang nakakakilala ng serious side ko, iilang tao ang nakakakita kapag ako ay mabait at seryoso. Iyon siguro ang regret ko. Pero yung regret na iyon ay yung not to the point na suicidal na. Sabi ko nga, eveything has a purpose, everything happens for a reason...we’ll understand it in God’s time.



Naks! Heto naman, are you going to modify your attitude just to please your mentors?

>> Yung dalawang taon sa labas ay panahon talaga ng modification. Sabi ko nga kanina, it is an opportunity for growth and somehow to “fix me.”

But dun sa tanong mo na to please my formators, hindi siguro. Bakit ko kailangan silang i-please? They sent me out hindi dahil sa hindi ako kalugod-lugod sa kanila. I will undergo some oil change and modification para sa akin, at para sa mga taong makakasalamuha ko sa hinaharap, kung saan man patungo.



Medyo may “nabangga” ka sa iyong pagsusulat. Magsusulat ka pa rin ba ng mga blogs/ articles about your beliefs/ opinions?

>>Ang pagsusulat ay isang paraan ng pagpapahayag ng saloobin. Para sa akin, ito ang isa sa pinakamainam na paraan ng pakikipagtalastasan. Di ba sabi nga ni St. Francis, mas mabuti pang tumahimik kesa magsabi ka ng katotohanan na walang pagmamahal. Pero sinabi ni Jesus Christ na “The truth shall set you free.” Para sa akin, ang pagsusulat ay halfway between saying the truth and being charitable. Bilang mambabasa, may kalayaan kasi tayo kung babasahin natin o hindi ang isang artikulo.

Sinabi sa akin ni Father Rector na i-try ko daw ang ibang paraan ng pagsusulat. Yung hindi satirical at straightforward kagaya ng madalas kong ginagawa. I-expose ko daw ang aking sarili sa ibang authors. Maganda pero, let’s meet halfway. Susubukan kong magsulat gamit ang dalawang paraan. Sa susunod, para safe siguro, ay pipiliin ko ang audience at readers ng mga “obra” ko. Para kasi sa kin, ang nangyari ay “I am doing my thing at a wrong place.”



Do you consider yourself as a writer?

>> Hindi ako isang manunulat. Ipinapahayag ko lang ang aking saloobin at opinyon gamit ang dugo, pawis, hininga, laway at libag na siyang nag-iiwan ng marka sa papel.



Wow! Isa kang makata!

>>Hindi naman masyado! Actually, I suck in poetry! Hahaha!



Suck You? Me too! Hahaha! Balik tayo sa pagiging seryoso, does that “eviction” made you feel that you are not meant to be in the seminary?

>>Hindi naman. Sabi ko nga, ang supplementary regency ay ipinapataw doon sa malinaw ang atraksyon sa pagpapari at kailangang ayusin ang ilang issues sa buhay niya.

Isa pa, the mere fact na I survived for eight years in the seminary is already an answer. Magkaiba ang ”meant to be in the seminary” at “meant for the priesthood.”



Babalik ka pa ba sa pagpapari? Ipagpapatuloy mo ba ang iyong sinimulan?

>> Ganito, noong una kong nalaman ang desisyon sa akin, ang nasa isip ko kaagad ay babalik ako ng theology pagkatapos ng dalawang taon. Iyon lagi ang nasa isip ko, na babalik ako pagkatapos ng dalawang taon.

Noong nakausap ko ang Spiritual Director ko, si Fr. Daks Ramos, sinabi niya sa akin na huwag ko daw munang isipin iyon. Ang regency daw ay panahon din ng pagtitimbang kung ako ba talaga ay para sa pagpapari o hindi. Maaaring hindi na ako bumalik, maaaring hindi pagkatapos ng dalawang taon, maaaring bumalik pagkatapos ng dalawang taon.

Ganito, ang dalawang taon ay panahon din para timbangin kung para ba ako sa pagpapari talaga o hindi. Kung hindi makabalik, ayos din naman. Wala namang masama doon.



Ano ang ibig mong sabihin?

>> Para sa akin, life is basically a pursuit of happiness. Doon tayo pumupunta kung saan tayo maligaya, kung saan tayo masaya. Kung hindi ako makabalik, ibig sabihin ay natagpuan ko na ang kasiyahan na sa tingin ko ay akma sa akin.

Hindi maganda kung pipilitin ko ang aking sarili sa isang bagay na hindi naman ako masaya. Kung hindi ako makakabalik ng seminaryo, well and good. Hindi maganda na kapag pari na ako ay saka ko pa lamang “hahanapin o matatagpuan ang kasiyahan.”

Wala namang problema doon dahil lahat naman tayo ay naghahanap ng kanya-kanyang kasiyahan sa buhay. Sa bandang huli, iisa din naman ang ating pupuntahan. Ang bukal ng lahat ng kasiyahan. Doon naman ang goal nating lahat eh...

Ang lahat ng sinasabi kong ito ay nandun din sa artikulo na tinutukoy ko kanina.



Amen! Oo nga po. Siya nga po. Ngayon naman, what are the most common reactions of the people / significant others about your status?

>> Syempre, madami sa kanila ang nabigla. Kahit ako, sa sarili ko, ay medyo inaasahan ko na, sila kasi eh hindi. Iyong mga tunay na nakakakilala sa akin, sila ang nakakaalam ng “tunay” kong imahe. Yung other image bukod sa pagpapatawa, pagiging maloko, at pagiging suplado. Sila yung hindi nagpataklob doon sa isa ko pang ipinapakitang imahe – yung hindi masyadong seyoso na ako.



Sinabi mo kanina, at doon sa artikulo mo, na isa sa mga una mong naisip ay kung paano mo sasabihin sa iyong mga magulang.. paano mo ito ipinaalam sa kanila?

>> Simulan ko lang noong retreat namin. Noon kasing last day ay nandoon sila..pa-drama effect at salu-salo na rin. Natuwa sila nung nalaman nila kung ano ang desisyon ko. Sabi ko ay recommendation na lang ang hinihintay ko. Keribels daw sabi ni nanay. Hehehe..

Fast forward. Graduation noon. Isa sila sa mga unang dumating sa semniaryo. I decided na sa tatay ko muna sabihin para hindi hassle. Noong una ay akala niya e kung ano lang ang sasabihin ko. Noong sinabi ko na na walang paligoy-ligoy, bakas sa mukha niya ang pagkabigla. Alam kong marami siyang katanungan noon pero di na siya masyadong umimik.

Pero da best iyong words of encouragement niya sa akin. Ganito: “I will find you a good job because i know that you are mosre deserving than me.”

Akala ko naman e nasabi na ng tatay ko sa nanay ko pagkatapos kong maligo, hindi pa rin pala. Sinabi ko din ng walang paligoy-ligoy. Iyon, gaya ng inaasahan ko, umiyak o napaluha si nanay. Sabay kiss ay yakapan. Akala siguro noong ibang tao na tears of joy dahil gumraduate na ako. Hehehe!

After nun, nag-martsa ako katabi nila at bakas sa mukha ng mga magulang ko ang kalungkutan. Iyon! Hehehe...



How sad naman!

>> Para kang bading! Hahaha! Pero oo, malungkot nga...



Ano ang plano mo after your “eviction”?

>> Plano? Magtatrabaho. Ang term kong ginagamit diyan ay “pagmimina ng kayamanan sa urban jungle.” Kung ano mang trabaho? Di ko pa alam. Babalitaan na lang kita, babalitaan ko na lang kayo. Pero rest assured, doon sa medyo wasak ang sahod. Be practical. May crisis ngayon. I think I can still make a difference pa din naman kahit saan pa ako mapapunta eh.

Plano ko din ang mag-post graduate studies. Tinitingnan ko ang UP Open University dito sa Los Baños. Siguro ay for practical reasons na rin. Para may “armas” ako kung hindi na makakabalik. What would you expect from a Philosophy Major graduate hindi ba?





May punto ka. Hindi praktikal at hindi ka yayaman sa philosophy eh...

>> Tama ka. Depende na lang kung may kumpanyang nagbabayad ng ikabubuhay para mag-isip at problemahin ang mga bagay na hindi naman dapat problemahin. Pero bomalabs yun! Hahaha!



Masaya ka ba sa ngayon?

>> Oo dahil alam kong may plano ang Diyos para sa akin. Maninibago lang siguro dahil walong taon din ako sa loob. Para ako ngayong isang ornamental fish na inilagay sa ocean, sabi yun ni kuya Lance na busy ngayon sa paghahanap ng mga pa-next at paglilingkod kay Mammon.

Maraming nagsasabi na mas masarap daw ang buhay sa loob at mas komportable. Pero iyon ngang mga taong.hindi nakaranas ng buhay seminaryo ay nakakahanap ng kasiyahan, ako pa kayang makakatikim ng dalawang uri ng buhay? Di ba?



Oo nga naman. Minsan kasi, kailangan nating mag-detatch sa comfort zone natin eh...

>> Exactly dude! Madaming tao ang “masaya” at “nasarapan” kahit wala sa seminaryo. Tayo ang gumuguhit ng atng kapalaran, kasarapan, at kaligayahan.



Ano ang mga natutunan mo? Any reflections?

>> The mere fact na ikinuwento ko ang aking istorya ko doon sa aking blog entry, at dumaldal ako ng dumaldal sa harapan mo, madami ka ng mapupulot.



Oo nga naman. Bago tayo magtapos, any message sa mga pipol?

>> Mahal tayo ng Diyos! We are the master of our universe with God as our source of strength ang guide. Pagnilayan niyo na alang ang meaning. Hehehe...



Any last word?

>> Last word or last words?



Pilosopo! Bahala ka!

>> Last word na lang. Padayon!



Padayon! Salamat dude sa pagpapaunlak mo sa panayam na ito.

>>You’re always welcome dude! Kung may iba pa silang tanong, i-post na lang nila! Yeah!