>Isa ako sa mga unang nagkaroon ng cellphone noong ako ay nasa elementarya. Hindi ito iyong cellphone na kilala natin ngayon na may camera, bluetooth, SMS service, music player at iba pang mga feature na sa computer lang noon makikita o kung wala man, hindi pa noon naiimbento. Ito yung klase ng cellphone na parang pangkaskas ng yelo. Pantawag lang dahil hindi pa uso ang text. Postpaid dahil wala pa noong cellcards at Auto Load. Nakaumbok sa bulsa lalo na para sa isang batang katulad ko noon.
Pero noon, hindi ka pagtatawanan. Bagkus, pagtitinginan ka ng mga naiinggit na naka-beeper lang. Bihira lang kasi noon ang may cellphone. Natatandaan ko noon na kapag naglalakad ako sa Vega Center o sa loob ng campus ng UPLB, pinagtitinginan ako ng mga tao. Lalo na kapag tumunog ang eskandalosong iisang klaseng ring tone. At kapag malabo ang signal, wala kang ibang gagawin kundi itaas ang antenna. Sabay imik sa kausap na may halong yabang at pagpapahili na parang iyong paborito kong propesor at dekano noong kolehiyo.
Lumabas sa merkado at naging popular sa madla ang cellphone na mayroong “text” feature or SMS service noong magtatapos ang taong 2000. Nasa ika-anim na baitang ako noon sa elementarya sa Maquling School Incorporated (…for the blue and for the white!). Mas mahal noon ang mga cellphone units nang halos isang libong piso dahil ang SIM card noon ay nagkakahalaga ng humigit sa siyam na daang piso (Oo! 900 pesos noon!). Tinitingala ka na noon kapag mayroon kang 3210 na nagkakahalaga ng 12,000 pesos. Cool ka kapag may 5110 ka at ipinaputol mo ang antenna. Diyos ka na kapag naka-8210 ka na nagkakahalaga ng 30,000 pesos. Tampulan ka ng tukso sa korteng Safeguard mong Alcatel cellphone. Mayroon pa noong nakakatuwang jumbo antenna ang Ericson (hindi pa sila partners noon ng Sony). Dahil mahal pa nga ang Nokia, madami sa mga nakikiuso sa text craze noon ay naka - Trium, Motorola, Siemens, Panasonic, at Bosch.
Dahil nga mas malawak na market na ang nasasakupan ng industriya, nauso na rin ang prepaid cards para sa mga ayaw ng post paid. 300 pesos ang minimum. 2 months (60 days) expiry. Walang unlimited texting. Pinag-iipunan ang cellcards para magkaroon ng silbi ang cellphone at hindi lang bilang isang calculator o pambato sa nangangaliwang asawa. Bawat ipinapadalang text message (160 characters) ay nagkakahalaga ng piso at mahalaga.
Magtatapos ako ng ikaapat na taon sa hayskul nang lumabas ang isang Telco na sumubok bumangga sa dalawang higanteng Telcos at nagpabago sa anyo ng kompetisyon. Sila ang nagpasimula ng unlimited na tawag at pagpapadala ng text messages. Sa paglipas pa ng panahon, at dahil masyadong healthy ang kompetisyon dito sa Republika ni Juan, sumunod na rin ang dalawang higanteng Telcos. At dahil sa isinakatuparan nila ang pilosopiya ng Emperador ng Shoemart Dynasty na ang mas malaking kita ay nasa masa at sa retail, ginawa na ding abot kaya ang serbisyo para sa mga prepaid subscribers. Naglabasan na din ang mga retail at abot kayang auto load at pasa load. Hindi na kailangan pang mag-ipon ng tatlong daang piso para sa cellcard. Sa kaunting barya lamang ay magkakaroon na ng silbi ang cellphone na siyang bagong tagapagpa-alipin (may ganoon bang salita?) ng sangkatauhan.
Nakakatuwa at kung minsan ay nakaka-badtrip isipin na sa paglipas ng panahon, nagmumura ang mga dating tinitingala at mahal na bagay. Iyong 3210, pang-museum na lang. Iyong 5110, paper weight na lang o pamalit sa martilyo. Iyong Diyos-lang-ang-nagmamayaring 8210, pang-retailer SIM na lang o pambatò sa tatsing at pikò. Iyong 900 pesos na SIM cards, 35 pesos na lang. Minsan pa, kapag promo, ay sampung piso na lang. Libre pa nga kung minsan.
Lumilipas ang panahon. Nagbabago at nagta-transcend ang pangangailangan at kagustuhan ng tao. Sinasabing mas nakakatipid at mas naging abot kaya ang ginawang mga pagpapababa ng presyo at pagkakaroon ng unlimited text and call promos. Pero sulit nga ba?
Sa aking karanasan, noong 300 pisong cellcards pa lang ang uso, mas tumatagal ang load ko. Bukod kasi sa pagtitipid dahil may kamahalan para sa isang estudyante ang tatlong daang piso, wala pa naman kasi noong unlimited texting. Lahat ng ipinapadalang mensahe ay may katuturan at mahalaga.
Ano nga ba ang eksena noong wala pang unlimited promo? Wala pa ang mga walang kuwentang group messages. Wala pa ang mga standard na text na “musta na u”, “gandang umaga poh!”,”kain na u”, “nyt nyt po!”, at “txt txt na po tau” na ipinapadala sa halos lahat ng contacts sa cellphone. Ulaga ka noon kapag nagpadala ka ng blangkong mensahe para lang magparamdam. Minority pa ang mga nagpapadala ng walang kuwenta at hindi mawaring reply na “ahh..hehe!”, “hahaha!”, “ganun?”, “ok”, at ang imortal na “ü”.
Sa pagiging alipin ng konsumerismo at sa pagsasabuhay ng pilosopiyang paunti-unti at retail ng Emperador ng Shoemart Dynasty, nananalaytay sa sistema ang pagpapa-load ng tingi at pag-subscribe sa mga unlimited promos. Wala namang masama sa paglo-load ng tingi, lalo na para sa mga nagtitipid at ginagamit lang talaga ang load kapag may mahalagang kakausapin o papadalhan ng mensahe. Nakakatulong pa nga. Ang punto ko ay iyong mga maya’t maya ang paglo-load ng tingi para sa unlimited promo. Sulit ba talaga? Hindi ba kahit anong maliit, basta malimit, ay malaki pa rin? Sa mga palaging naka-unlimited promo, nasubukan mo na bang bilangin kung magkano talaga ang nagagastos mong load buwan buwan?
Noong pangkaskas pa lang ng yelo ang cellphone ko, bawat tawag ay mahalaga. Wala pa kasi noong drop call at hindi pa rin uso ang “miscol.” Noong nauso ang text at cellcards, mahalagang mga mensahe lang ang ipinapadala ko. Pumasok ang unlimited promo. Sa una ay nakaka-engganyo dahil non-stop ang pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan. Nang magtagal (at dahil tumatanda na rin ako), nararamdaman kong nagiging passive na ang usapan pagkatapos ng isang mahalaga at substantial na paksa na siyang dahilan kaya ako nag-unlimited. Blangko. Walang katuturan. Sayang lang.
Sa palagiang pagpapailalim sa unlimited promo at walang humpay sa pagpapadala ng mga (walang kuwentang) mensahe, nagiging alipin ang tao ng cellphone. Hindi ko naman nilalahat pero may mga indibidwal na palaging hawak ang cellphone, nagtetext (o tumatawag) at gumagawa ng sariling mundo. Mas binibigyan nilang pansin at halaga ang maliit na screen ng kanilang mga telepono kumpara sa mas malaking screen ng totoong buhay. Sa aking opinion, sukatan din ng maturity kung paano ginagamit ng isang tao ang kanyang cellphone – kung sino ang nagmamanipula sa kung sino, cellphone ba o ang tao.
Hindi ko tinututulan ang unlimited promo ng mga Telcos na humihigop paunti-unti sa mga barya ng ating mga bulsa – ang kalayaan ay nasa may bulsa kung siya ay magpapahigop ng barya o hindi. May kalayaan ang bawat isa na pumili kung ano ang sa palagay niya ay makapagpapaligaya sa kanya. Wala din akong magagawa sa mga nagwawaldas ng pera nila lalo na kung ang pamilya nila ay burgis at hindi naman tinamaan ng recession at economic meltdown (tatamaan din kayo!). Isinulat ko lamang ang aking karansan bilang isang totoong halimbawa para idiin at ipaliwanag ang aking punto.
Lilipas pa ang panahon. Madami sa mga produkto at gadgets na tinitingala natin ngayon ay magmumura at mawawala sa uso. Magpapatuloy ang mga promo at gimik ng mga kumpanyang nangangakong pagagaanin ang ating buhay. Magkaganoon man, tandaan pa rin natin na ginawa ang mga ganoong bagay para makatulong sa ating buhay, hindi upang manipulahin ang ating pagkatao. Magpapatuloy ang buhay. Pag-ibig at kapayapaan para sa lahat. Padayon!
No comments:
Post a Comment