>Noong panahong kani-kanina, may isang pechay na nangarap na maitanim sa isang masaganang taniman sa Pasay. Isang taniman kung saan tumatanggap ang bawat isang pananim ng halos dalawang daang milyong pisong pork barrel taon-taon bilang abono at pestisidyo. Nakiusap siya at hinimok ang taong bayan na itanim siya sa masaganang taniman at bilang ganti, ay bibigyan niya ang taong bayan ng masaganang ani.
Sa kasamaang palad, hindi niloob at pinili ng “Boses ng Diyos” sa ibabaw ng lupa na maitanim siya sa de aircon na taniman sa Pasay. Hindi umubra ang kanyang mga pamaypay na gawa sa pechay, imahe na patok sa masa, at ang tagline niyang “Itanim sa Senado.” Mas pinili ng madlang itanim ang batang keso na kamukha ni Bamboo, ang batang sundalong Magdalo na minsang sumubok patalsikin ang liderato, ang gumamit ng noo’y sikat na sikat na kantang “Boom Tarat-Tarat” bilang pang-hipnotismo sa mga tao upang siya ay maitanim sa puwesto, at ang Unico Hijo ng dating pangulo na may simple at tahimik na mga kapatid – maliban sa bunso,
Matapos ang paligsahan ng pagtatanim at nang maitanim na ang kanyang mga katunggali sa inaasam-asam na punlaan, nanahimik at nawala sa mata ng madla ang nabigong pechay.
Tumatakbo ang panahon. Mabilis na napapalitan ang mga isyu na pinag-uusapan ng bayan. Palaging mayroong bago. Nang dahil doon, mabilis din magsawa at makalimot ang tao. At para sa mga tao o isyu na gusto ulit pag-usapan at maging sikat sa madla, kailangan niyang gumawa ng ingay. Isang ingay na may dating. Parang mga artista na kapag nanlalamig ang karera, gumagawa ng ingay, iskandalo, mang-aaway ng kapwa, magbibigay ng opinyon sa isang isyung wala naman silang direktang kinalaman, o magpo-pose ng walang saplot sa isang men’s magazine.
Matapos ang matagal na pakikipaglaban sa Traydor na Talangka sa kanyang colon, natalo at tinawag na ng kanyang Tagapaglikha ang itinuturing na Ina ng Demokrasya. Isang inang minahal ng buong bayan at ina din ng katunggali ng minsang nag-ambisyong pechay noong panahon ng paligsahan ng pagtatanim. Dahil minamahal nga ng buong sambayanan, ang sentimyento at pakikiramay ng buong mundo ay natanggap ng pamilya. Sila ang naging laman ng halos lahat ng balita. Aminin man ng iba o hindi, mas nakilala ang unico hijo at ang kanyang pamilya,
Naging mataas pa rin ang emosyon at sentimyento ng sambayanan matapos ang libing. Madami ang humikayat sa Unico Hijo ng Ina ng Demokrasya at ng Bayani sa limandaang piso na sundan ang yapak ng ina, na ipagpatuloy ang sinimulan ng mga magulang. Kung may mga nagsususlong, mayroon din namang kumontra. Sinabi nilang nagiging emosyonal lamang ang mga tao at idinadaan ng Unico Hijo sa popularidad at atensyon ng tao dala ng pagkamatay ng ina.
Matapos ang mahabang panahon ng konsultasyon, pananalangin, basbas ng mga kapatid at ang madramang pagpaparaya ni Boy Bawang, napagdesisyunan ng Unico Hijo na may engkantadang kasintahan na sumabak sa panibagong paligsahan ng pagtatanim. Ngayon naman ay sa punlaan sa tabi ng Ilog Pasig.
Dahil nga malakas ang suporta mula sa sambayanan, madaming iba pang mga pananim at oportunistang mga talangka ang gustong maki-jamming sa popularidad ng Unico Hijo at nagpahayag ng suporta. At kung paanong sinisira ng dawag ang mga tanim na palay, mayroon ding mga nagbalak na sirain ang papausbong na Unico Hijo. At dito nagbabalik ang nabigong pechay noong nagdaang karera ng pagtatanim.
Kung para bang sa isang artistang nanlalamig ang kasikatan na gumagawa ng ingay para muling mapansin, walang kasiguruhan ang tunay na dahilan ng kanyang pagpapahayag. Sinabi niya sa isang panayam sa isang programa sa istasyon ng mga Kapamilya na wala ng laban na ipagpapatuloy ang unico hijo na Ina ng Demokrasya. Ano pa daw ang kanyang ipagpapatuloy gayong tapos na ang rehimen ng Ilokanong Makoy? Sa madali’t sabi, nais niyang iparating na tapos na ang ipinaglaban ng Ina ng Demokrasya at ng Bayani sa limandaang piso, kaya’t wala ng ipagpapatuloy ang kanilang Unico Hijo.
Tapos na ang laban. Wala ng dapat ipagpatuloy. Nakamtan na ang mga inaasam na bagay. Nagtagumpay na ang kanilang mga adhikain. Iyan ang paniniwala ng nabigong pechay na gumagawa ng panibagong pangangalampag.
Isang napakalaking sampal para sa milyun-milyong taga-suporta at mga nagmamahal sa Unico Hijo at minamahal niyang Ina. Isang napakalaking dagok para sa mga biktima ng mga karahasan at opresyon ng nagdaang rehimen. Isang napakalaking insulto sa milyun-milyong Pilipinong patuloy na nabubulid sa kadiliman at hindi pa rin nababanaagan ang liwanag ng kaayusan, kasaganahan, at katiwasayan.
Matagal na panahon ng pinapangarap ng mga Pilipino na umasenso at umunlad ang kanyang bayan at kanilang kabuhayan, at mahango na mula sa pagkakautang at kahirapan. Hindi pa tapos ang laban.
Hindi pa rin nawawala sa sistema ng mga nagpapalakad ng gobyerno ang kultura ng suhulan at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Nakaukit pa rin ang salitang “kurakot” sa mga mambabatas at opisyales ng gobyerno. Hindi pa tapos ang laban.
Marami pa rin sa mga Pinoy ang hindi makamit ang hustisyang inaasam. Ang murang serbisyo medikal at gamot para sa mga maralita ay hanggang panaginip na lamang. Ang de kalidad na edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo ay para sa mga may pambayad lang ng matrikula. Hindi pa tapos ang laban.
Marami pa rin sa mga Pilipino ang pinipiling mangibang-bayan upang itaguyod ang pamilya dahil sa kaunti, kung hindi man kawalan ng magandang kabuhayan sa sarili nilang bayan. Hindi pa tapos ang laban.
Marami pa ring mga grupo at adbokasiya na nagsusulong ng pagbabago at reporma sa lipunan at sa mentalidad at paraan ng pamumuhay ng bawat Pilipino, patunay lamang na mayroon talagang dapat ayusin. Hindi pa tapos ang laban.
Marami pang hindi natatapos. Hindi lamang pagpapatalsik sa Ilokanong Makoy at pagbabalik ng demokrasya ang ipinaglaban ng Biyuda ng Bayani sa limandaang piso. Kasama siya ng marami sa pakikibaka sa marami pang iba’t ibang isyu ng lipunan na hanggang ngayon ay nangangailangan ng solusyon kahit nang matapos na ang kanyang panunungkulan bilang mabungang puno sa taniman sa tabi ng Ilog Pasig
Sa malawakang pagtingin, hindi lamang ito pakikibaka ng Unico Hijo, ng kanyang mga kapatid, at ang iba pang mga punla na nais makitanim sa kanyang popularidad. Ito rin ay laban na kailangang ipagpatuloy ng bawat Pilipino. Ang bawat isang miyembro ng kabuuan, ay kailangang gawin ang kanyang parte para sa pinapangarap na kaunlaran. Kung ikukumpara sa isang malawak na sakahan o taniman, nararapat lamang na maging maganda ang tanim ng bawat punla upang magkaroon ng masaganang ani para sa ikabubuti ng lahat.
Namumuhay ang mga Pilipino sa isang demokratikong bansa. Ang bawat isa ay may karapatang magpahayag. Kung minsan ay kinakailangang gumawa ng ingay upang umalingawngaw ang mensahe at maiparating sa lahat. Pero sana, ang bawat mensaheng ipinapahayag ay para sa ikabubuti ng lahat at hindi lamang para sa personal na interes.
Kung ang bawat pananim ay magpapahayag ng mensahe na hindi naman makatutulong sa marami, wala iyong pagkakaiba sa madaldal na pechay na para na ring dawagan na sumisira sa mga pananim. At ang kinabukasan ng katiwasayan at pagkakaisa na matagal ng pinapangarap ay pupulutin lamang sa kangkungan.
Pag-ibig at kapayapaan para sa lahat. Padayon!
No comments:
Post a Comment