>The content of this article is highly philosophical and uses metaphysical (metaphysics, beyond what is sensible and physical) terms…baka hindi ninyo maintindihan, mamatay ang mga neurons at matuyo ang utak, ma-epistaxis hanggang maubos ang dugo ninyo sa katawan (salamat sa mga cute kong kaibigan na nurse) at isumpa si Santo Tomas de Aquino at ang mga Dominicans na proponents ng Scholastic Philosophy (Viva USTe! Growl! Ahaayyyy…!).
Noong November 27, 2008 sa discussion namin sa Theodicy (“Philosophy of God” yun mga dude!) e napa-segue yung ubod ng lupit mag-discuss at pamatay mag-exam na propesor naming HUMAN LIE DETECTOR (actually e Rector namin yun, hehehe) tungkol sa SELF-DISCOVERY (Iyong paring iyon e kilalang kilala ng mga pari at mga seminarista bilang ubod ng lupit magpaliwanag sa metaphysics! Si Fr. Jesse Balilla! Yeah men!).
Self-Discovery ang goal ng Seminaryo Mayor (College Seminary). Ano ang ibig sabihin? Hindi porke’t nasa loob ka ng seminaryo (mayor) e oordinahan at magiging pari ka na pagka-graduate. Hindi sa College Seminary ‘yun. Dun ‘yun sa kabilang departamento pagkatapos ng philosophy, sa Theology.
Ang “self-discovery” ay ang pagtuklas sa iyong sarili kung tinatawag ka ba talaga sa bokasyon ng pagpapari o doon sa dalawang iba pa – single-blessedness at married life. Ngunit ang istruktura ng seminaryo ay may “pagkatig” sa pagpapari. Doon nakatuon ang pormasyon – sa pagpapari – ngunit hindi ibig sabihin ay isa ka ng failure at walang kuwentang nilalang (parang dumi ng aso na nabasa ng ulan) kapag nakatapos ka ng College Seminary at hindi ka tumuloy ng Theology o hindi ka naging pari. Kung nadiskubre mo sa iyong paglagi sa seminaryo na hindi para sa iyo ang buhay pagpapari ay mas magaling! Tagumpay ang layunin ng Seminaryo Mayor! Ang mahalaga ay nahubog ang iyong sarili sa kabanalan, paglilingkod, karunungan at sa “pagpapakatao.”
Iyon ang isang katotohanang hindi matanggap at hindi maintindihan ng mga karaniwang tao. Didiretsuhin ko na. Katotohanang hindi maintindihan ng ilang mga magulang ng isang seminarista; ilang mga mayayaman, mapapalad, medyo at feeling burgis na nagpapaaral ng isang dukhang nagpapari; mga manang sa simbahan na walang sawang nagdadasal para sa isang nagpapari; mga tsismoso at tsismosang usap-usapan lagi ang isang binatang lumabas ng seminaryo (“May babae ka ano kaya ka lumabas?!”) at ilan pang mga indibidwal na HINDI NAKAKAINTINDI sa istruktura at buhay ng isang seminarista. Ilan sa kanila ay sarado ang pag-iisip sa mentalidad na kapag ang isang seminarista ay nasa seminaryo, siya ay DAPAT ordinahan bilang pari baling araw. Isang baluktot at saradong pag-iisip.
Dapat nga silang matuwa sa isang binatang “natagpuan ang sarili” sa loob ng seminaryo. Aminin na natin na mas nakakatuwa na makita ang lahat ng mga seminarista na magpapatirapa sa altar at oordinahan bilang pari. Sino ba naman ang may ayaw noon. Pero isang napakalaking trahedya at panghihinayang kung saka lamang niya madidiskubre ang sarili kapag siya ay pari na. Saka magloloko sa ministeryo, saka magbubuhay binata, saka gagawa ng iskandalo at masamang halimbawa. Ayaw nating dumami pa ang mga katulad ni Father…pffft! Ipagdasal na lang natin siya. Hahaha!
Enough of the self-discovery. Nawa ay nagbigay ng liwanag ang aking pagpapaliwanag dahil hindi iyon pagpapaliwanag kung hindi siya nakapagbigay ng liwanag sa isipang walang kaliwanagan (ano daw?!).
Humanda na kayo sa isang nakaka-hemorrhage at nakakatangang pagpapaliwang na ginagamitan ng mga terminilohiyang Pilosopiya at Metapisika. Didiretsuhin ko na sa mismong mga terminolohiya at hindi ko na ipapaliwanag ang ibig sabihin ng bawat isa. Masyado kasing mahaba at komplikado (dalawang semestere namin iyong pinag-aralan). For the mean time e tanggapin niyo muna ang aking pagpapaliwanag ng buong pananampalataya. Heto na:
God is identified with being – he cannot but exist. At ang being ay may limang transcendental properties: unity, truth, goodness, beauty at perfection. Ibig sabihin ng transcendental properties ay ang mga property na synonymous with the idea. Sa madaling salita, kung ang being ay may limang transcendental properties: ang being ay one (unity), true (truth), good (goodness), beautiful (beauty) at perfect (perfection. Ibig sabihin, God is identified with unity, truth, goodness, beauty, at perfection. Moreso, God is one, true, good, beautiful at perfect.
Let’s go with the specific. Beauty is defined as “that which is a joy to behold because of its integrity and splendor.” Ang “end” o finality ng man (at lahat ng umiiral – beings) ay laging maganda at mabuti. Hindi puwedeng magkaroon ng end na masama at ikapapahamak ng isang being. Ibig sabihin, kapag na-possess na yung end na ‘yon, iyong magandang bagay na ‘yon – yung beautiful – e mayroong JOY o KASIYAHAN.
Sa self-discovery, sa paglagi sa loob ng seminaryo, ay mayroong inaasam na “end.” Mayroong inaasam na happiness. Kaya daw may lumalabas sa seminaryo ay dahil yung “end” ng institusyon – ‘yung SELF DISCOVERY WITH A SLANT FOR THE PRIESTHOOD – ay hindi na akma para sa kanila. Ibang END, ibang BEAUTY, ibang HAPPINESS na ang kanilang hinahanap.
Sinabi ni Gaudencio Cardinal Rosales noong ordination noong apat naming kuya na mga pioneers ng aming Theological School na MASAYA ANG PAGPAPARI. Naniniwala at buong pananamapalataya kaming sumasang-ayon sa pangaral na iyon ni Lolo Dency. Pero KUNG MASAYA ANG PAGPAPARI, BAKIT HINDI LAHAT AY NAGIGING PARI?
Ganito, Masaya ang pagpapari ngunit lahat ng bagay ay may kanya kanyang kasiyahan. Masaya din ang buhay pag-aasawa at pagkakaroon ng isang pamilya. Masaya ang buhay ng isang ordinaryong binata sa labas ng seminaryo. Masaya ang pagkakaroon ng isang magandang kasintahahan na puwede mong ipagyabang at iyong mamahalin hanggang magmukha siyang dinosaur at magsawa ka na (hehehe!). Masaya ang buhay natin kung pipiliin natin maging masaya. Ang lahat ay may kanya-kanyang kasiyahan (Opinyon naming yan ng kaklase kong itago natin sa pangalang SPIDERMAN).
Lahat tayo ay may kanya kanyang tinutumbok (waw!) na “end.” Lahat tayo ay may kanya-kanyang kasiyahang na hinahanap. Ngunit sa banding huli ay ‘yung pinakamaganda at pinakamasayang bagay pa rin ang tutumbukin natin. Medyo mabaho yung salitang “tumbok” kaya…sabihin na lamang natin na “pupuntahan natin.” Lahat ay napaparam. Lahat ay lilipas. Lahat ay papangit at magmumukhang tae na nabasa ng ulan maliban sa isa – ang DIYOS (Palakpakan! Wiwit! *Fireworks*). Ang Diyos ang “End” ng lahat ng nilalang. Ang Diyos ang “Objective End” at Happiness naman ang “Subjective End” ng lahat ng beings (Philosophical at metaphysical truth din ‘yung statement na ‘yon. Mahabang paliwanagan. Kung hindi siya ma-grasp ng “common sense” mo e paniwalaan mo na lang o itanong mo dun sa crush mong seminarista, hehehe).
Lahat tayo ay may “specific vocation.” Iyon yung mga bagay na kung saan tayo tinawag bilang mga iba’t ibang mga indibidwal – pagiging propesyonal, pari, maybahay, layko, relihiyoso, at iba pa. Ngunit lahat tayo ay may “general vocation” – iyon ay ang KABANALAN (Naks! Parang wala akong moral authority para i-preach ito ah? Kunsabagay, matagal na akong na-diagnose ng preacher’s disease.).
Maraming nagsasabi na isang katangahan ang pag-aaral ng pilosopiya at ang pagpapari. “Mas praktikal” kasi ang buhay sa labas ng seminaryo at sa ministeryo ng pagpapari. Mas masaya daw at mas maganda ang ganoong buhay. Pero dahil sa sobrang praktikal, saya, at ganda ay nakakalimutan na nila ang kagandahan ng malalim na pagninilay at pag-iisip. Sa tingin niyo ba ay makakarating ang sangkatahuhan sa kinalalagyan niya ngayon kung walang mga tanga, wirdo, at praning na pilosopong nag-isip ng mga bagay-bagay?
Marami kasi ang hindi nakakaalam ng TUNAY na buhay at pamumuhay ng mga seminarista sa loob ng seminaryo. Marami ang nag-aakalang ang mga buhay ng isang seminarista ay umiikot lamang sa pagdarasal. (Actually e may mas wasak pa doon e. May dati akong kaklase na matagal ko ng hindi nakikita. Noong minsang nagkita kami, tinanong niya ako kung saan ako pumapasok. Sinabi kong sa Seminaryo. Seryoso niya akong tiningnan at sinabing “TALAGA?! BAKIT KA NAG-SE-SEMINAR?! Panalo sa punch line hindi ba?)
Ang buhay seminaryo ay hindi puro pagdarasal, pag-aayuno, at penitensya maghapon at magdamag hanggang sa dinggin ng Diyos ang panalangin naming gumanda, yumaman at mapuno ng kaayusan ang bansang Pilipinas at maging bukal ng langis ang taling ng hindi gaanong katangkaran (o sige na, pandak o punggok) nating pangulo para umahon na tayo sa ilang dekadang kahirapan. Bilang isang komunidad na sama-samang namumuhay, kami rin ay naglalaro (ng basketball, soccer, indoor games, at tang-su-do), nagja-jamming (Oo, updated kami sa music, may banda kami dun at halos lahat yata ng seminarista e musically inclined. May mge emo nga din sa amin), nag-aaral (ng maka-irreversible brain damage na mga philosophy subjects), kumakain (ng madaming pagkain na puro carbs at monosodium glutamate), naliligo (sa fixed na oras at sabay-sabay), naglilinis ng bahay at ng bakuran, at nag-aapostolado sa mga preso, maysakit, dukha at mga kabataan.
Kami ay mga binata din. Mga binatang tumugon sa tawag ng Panginoon. Inaamin ko, marami din sa amin ang tinatamaan ng pana ni Kupido (awww…masyadong makeso ang mga linyang iyon. Sa katunayan e wala sa natura ko ang pagsusulat tungkol sa mga nakakakilig na bagay.). Kami ay nagkakamali din. Hindi kami mga santo (mga saints-in-process lang). Hindi kami mga Anghel. Hindi Kami mga Diyos. Katulad ninyo, kami ay mga tao din.
Hindi kita pipiliting paniwalaan ang mga pinagsasabi (o pinagsusulat, pilosopo!) ko. Mayroon tayong kanya-kanyang kasiyahan.
Nakita mo na ba ang “worldview” ng isang seminarista? Naintindihan mo na ba ang takbo ng kanyang pag-iisip? Dude, wala kang karapatang manghusga doon sa seminaristang pumili ng kanilang kasiyahan. Hindi ka nabubuhay sa istrukturang kanyang ginagalawan. You are not in his shoe. Hindi mo tinatahak ang kanyang “means” para marating ang kanyang “end.”
Kanya-kanyang buhay. Kanya-kanyang kasiyahan. Masarap mabuhay. Pero mas masarap ang masayang buhay. Padayon!
No comments:
Post a Comment