>Isa sa pinakasikat – kung hindi man isinusumpa – na ulam sa seminaryo ay ang atay. Kinasasabikan ng (ng iilan) at pinagtitiyagaan (ng nakararami – emphasis needed). Nginit huwag sana kayong maiiskandalo o simulang i-boycott ang pagkain ng liver. Hindi lahat ng atay ay katulad ng tinutukoy sa artikulong ito. Ang tinutukoy ko lamang ay yung mga nililuto ni Mama Esther (Cook namin sa Seminaryo).
Sabihin na lang natin na mayroong pambihirang sangkap at espesyal na paraan ng pagluluto ang (in)pamosong atay sa loob ng seminaryo. Kung iyong titingnan ay para lamang itong isang ordinaryong “pacham” na putahe (Sa mga die-hard Coño at trying-hard Coñologs na hindi naintindihan ang “pacham”, that means “Pachamba” o bahala na kung ano ang kalabasan).
Ngunit ang tunay na dahilan kung bakit ito sumikat ay kapag isinubo mo na ito sa iyong bibig at nginuya (The million-dollar question: Kayanin mo kaya?). Sa pagnguya mo ay parang nararamdaman mo na lang ang iyong mga ngipin na tila ba gustong kumalas mula sa pagkakakabit sa iyong gilagid. Na parang gulong ng kotse ang iyong nginunguya at puwedeng i-donate sa vulcanizing shop para ipangtapal sa mga butas ng gulong. Mapalad ka na kung hindi mag-lock ang iyong mga panga pagkatapos mo itong nguyain.
At ito ang dahilan kung bakit bininyagan ang kaawa-awang atay bilang “mala-gomang atay” o “Libber” – contraction ng liver at rubber!
(Trivia: Minsan e medyo hilaw pa ang loob nito. Yung nalalasahan mo pa ang lansa at may konti pang mga dugo. Waw! At katulad ng ordinaryong goma, wala itong lasa. Panalo hindi ba?)
Ako ‘yung klase ng taong hindi masyadong nagrereklamo sa pagkain na inihahain sa loob ng seminaryo. Kinakain ko kahit ano pa man ang inihain. Ngunit may mga pagkakataong sumusuko na ang aking panga sa pagnguya ng goma. Katawan ko na ang nagrereklamo sa akin na tila gustong sabihin na: “Wala ka na bang ibang matinong puwedeng kainin?”
Pero salamat na rin sa pagkain ko ng goma. Natuto ako sa iba’t ibang kaalaman. Namulat ako sa katotohanan ng buhay. Natutunan ko ang ang maraming bagay.
Ang buhay ng tao ay hindi puro sarap. Alam mo ba kung bakit hindi nakakaumay ang kanin kahit araw-araw mo itong kinakain? Bukod kasi sa ito na ang likas at nakasanayang pagkain nating mga Noypi, ang kanin kasi ay sinasamahan ng ulam. Ang ulam ang nagbibigay lasa sa kanin.
Per malinaw sa atin na ang buhay ay hindi lagging kasing sarap ng ating paboritong ulam. Lagging may dumadating na “mala-gomang atay” at iba pang kinaaayawang ulam. Dapat nating tanggapin ang malasang katotohanang kahit ano pang sarap ng ating tinatamasa ay may dumarating na hirap.
At ng dahil sa katotohanang dumadating ang mga Jurassic na bagay sa ating buhay, natutunan ko ang kahalagahan ng pagtitiis. Kung wala sa’yo ang gusto mo, gustuhin mo kung anong mayroon sa’yo. Ang buhay naming ditto sa loob ng seminaryo ay lagging may kakambal na hirap at pagtitiis – sa hirap ng pag-aaral ng mga nakakapraning na Aralin sa pilosopiya, ang palagiang paghahanap ng matrikula (aminin na nating pinapatakbo ng kapitalismo ang seminaryo at mayroong patakarang “no pay, no exam”), pakikisama sa mga kapwa seminarista – na ‘yung iba e parang mga “chicks” kung umasta (hehehe!), apostolado at paglilingkod sa mga mahihirap, hampas lupa, maysakit, bilanggo, kabataan, at sa sambayanan ng Diyos, ang pagiging malayo sa pamilya, mga “karelasyon” at minamahal, at sa buhay ispiritwalidad na lagi na lamang inaatake ng panunukso ni Taning.
Laging may mga tukso at panghihina ng loob. Hindi madali ang pagsunod kay Kristo. Madaming kailangang isakripisyo. Ngunit pagkatapos ng dilim ay sisikat din ang araw. Konting tiis. Matitikman mo din ang ibang ulam – lumpiang wrapper, kahit-na-anong-luto-sa-bangus, laing na may hitsura at teksturang poopoo, at ang miswa’t balatong (monggo) na pampataas ng talon sa basketball. Hindi laging “mala-gomang atay” ang buhay.
Nang dahil sa pagtitiis at pagtitiyaga, natutunan ko ang kahalagahan ng pagsunod. Kainin mo kung anong pinaghirapang ihain sa iyo. Totoong napakahirap ang sumunod. May kanya-kanya kasi tayong gusto. At isa pa, masarap ang bawal. Ang prinsipyo ko at nung mga “idol” ko sa paggawa ng kalokohan: “Hindi bawal hangga’t hindi nahuhuli.”
Mahirap makawala. Nagiging alipin tayo ng ating mga sariling kagustuhan. Ngunit walang mawawala kapag tayo ay sumunod sa tamang landas. Sadyang ginawa at dinisenyo ang mga patakaran at batas upang tayo ay mapabuti at mahubog sa mabubuting bagay. Walang batas ang ginawa upang mapahamak ang tao.
Ngayon, alam ko na ang tunay na kahulugan ng pagnguya ng mala-gomang atay. Pero please Lord, bigyan niyo po ako ng mas matibay na ngipin at panga.
March 2007
Revised: December 2008
No comments:
Post a Comment