Monday, January 4, 2010

>My God! Why have you Forsaken Me?!

>Isa sa mga “accusations” laban sa akin na naging dahilan ng “untimely demise” (o siya, eviction na) sa Bahay ni Kiko (seminary yun mga dude!) ay ang pagiging “liberal” at “reckless” ko na nagiging dahilan kaya ang mga compositions kong isinusulat (e ano pa?) ay maging straight to the point (hindi mahilig sa mga sugar-coated choice of words), matapang at maangas (define: madaming binabangga, as in madami).

Hindi mo pa rin mainindihan? Sugar-coated na yun ah? Alright, pinatawan ako ng dalawang taong supplementary regency ng mga pari. Sa madali’t sabi, gustuhin ko mang maging pari at tumuloy sa Theology Department pero kinakailangan ko munang “ayusin ang aking sarili” sa labas ng seminaryo. Kapag naayos ko na ito sa loob ng dalawang taon, maaari na akong bumalik sa loob ng seminary (sana).

Maaaring “huli” na nang ako ay magbago sa loob ng seminaryo ngunit ngayon, sa buhay ko sa labas ng bakuran ng seminary, unti-unti kong isasabuhay ang buhay na dapat ay noon ko pa isinabuhay.

Tanda ko noon, sinabi sa akin ng tatay ko na dapat daw, bilang isang manunulat, ay hindi sarili ko ang aking ilahad sa mga mambabasa kundi ang Diyos. Sinuway ko ang tatay ko. Karamihan sa mga isinulat ko ay para makilala ako bilang ako.

Ngayon, bilang unang hakbang, nais kong “ipakilala” sa inyo ang Diyos na nakilala ko sa loob ng seminaryo. Isa itong artikulo na nakalaan sa Biyernes Santo, sa pagbabahagi sa Siyete Palabras o ang pitong huling salita ni hesukristo habang nakapako sa krus. Heto na:



“Diyos ko? Diyos ko? Bakit mo ako pinabayaan?”

Marahil, karamihan sa atin ay nakapagtanong na minsan sa ating buhay ng mga katagang “Diyos ko? Diyos ko? Bakit mo ako pinabayaan?” Sa mga puntong iyon ng ating buhay ay para bang nararamdaman nating wala ng Diyos o kung meron man, siya ay natutulog at nagpapabaya sa atin. Totoo nga bang may Diyos? Totoo nga bang hindi natutulog ang diyos? Pero kung totoong nandiyan siya, bakit niya tayo pinababayaan?

Hindi kaila sa atin na sadyang mapagbiro ang tadhana. Dumadating ang mga pagkakataong para bang tayo na ang pinaka-abang tao sa mukha ng lupa. Na kahit ano mang bagay ang ating gawin para ito ay masolusyonan ay tila baga wala pa ring kahihinatnang malinaw na solusyon sa ating mga problema.

Dito pumapasok ang buhay at kaisipan ng kawalang pag-asa. Naiisip nating “Diyos nga ay walang pakialam sa akin at hindi ako tinutulungan, ako pa kayang hamak na tao ang makagawa?” Dito pumapasok ang buhay sa kadiliman. Ang buhay pagpapabaya. Ang buhay na malayo sa Diyos. Ilang beses na nating inakusahan ang diyos ng pagpapabaya sa atin? Kawawa naman si Lord, kahit walang sawang nagmamahal, lagi na lamang sinisisi sa mga hindi magagandang nangyayari sa buhay ng tao.

Dahil sa mentalidad na “wala namang diyos” (kahit meron naman talaga) ay nabubuhay tayo sa isang buhay na walang direksyon at walang kaliwanagan. Sa pagtahak natin sa ganoong klase ng “trip” sa buhay, hindi maiiwasang may mga tao tayong isasama at hahatakin doon sa “kakaibang trip” na iyon. Imbes na maging tagapagdala ng liwanag at pag-asa, dahil nga tayo ay nabubuhay ng malayo sa Diyos, tayo ay nagiging instrumento pa upang mapariwara ng landas ng iba. Imbes na tayo lang ang nakakaramdam ng “pagpapabaya ng diyos” (kahit hindi naman talaga), ipinaparamdam pa natin ito sa iba. Ilang beses na ba tayong naging instrumento para ang ating kapwa ay “mabuhay sa kadiliman?”

Bakit nga ba kapag tayo ay malayo sa Diyos, tayo ay nabubuhay sa kadiliman? Ito ay sa kadahilanang diyos ang siyang nagbibigay ng liwanag. Diyos ang talagang nagbibigay ng ilaw dahil ang Diyos ang ilaw, ang diyos ang liwanag. Mas maliwanag pa ang diyos kumpara sa ilaw na ibinibigay ng Meralco. Mas Masaya, mas maganda, kapag may liwanag ang buhay. At ang liwanag ng buhay ay atin lamang makakamit sa diyos. Walang ibang nilalang ang makakapagbigay ng ganap na kaliwanagan bukod sa diyos (katunayan nga, ang diyos ay hindi isang nilalang dahil wala naming lumalang sa kanya). Kung kaliwanagan ng buhay ang kailangan mo para sa madilim mong buhay, diyos ang kailangan mo.

Sa katunayan, kapag dumadating ang mga “kadiliman” sa ating buhay, hindi naman ito talagang ganap na kadiliman. Sabihin na nating, isa lamang itong “kulimlim” ng buhay. Kung atin itong ikukumpara sa ating buhay at diyos ang “araw”, hindi naman talaga nawawala o nagpapabaya ang Diyos, “nakakubli” lamang siya sa likod ng mga ulap ngunit hindi siya nawawala. Kung inaakala nating nawawala ang araw, o nawawala ang diyos sa ating buhay, iyon ay isang pagkakamali. Tayo ang nawawala, hindi ang araw. Tayo ang lumalayo sa Diyos, hindi Diyos ang lumalayo sa atin.

E bakit pa kinakailangang magkaroon ng mga “kulimlim” na parte ng ating buhay?

Ang buhay ng tao ay hindi palaging puno ng kasiyahan. Natural sa buhay ng tao na dumadating ang mga problema at pagsubok ng buhay. Ang mga pagsubok na ito ang nagdadagdag ng “kulay” at ganda ng buhay. Masyadong “patay” ang isang buhay kung pare-pareho na lamang ang kulay at lasa nito. Paano nating masasabing masaya ang ating buhay kung wala tayong punto ng pagkukumparahan nito. Nakakasawa ang isang buhay na punong-puno ng kasiyahan at walang halong kalungkutan. Masasabi kasi nating mas nagiging ganap ang kasiyahan ng buhay kung ang kasiyahang iyon ay ang pakiramdam ng tagumpay ng paglampas sa pagsubok ng buhay. Nakakaumay ang palaging matamis na buhay. Paminsan-minsan, kailangan din nating makatikim ng maalat, mapakla, at mapait na lasa ng buhay.

Ang buhay ay parang tiklada ng piano. Hindi lamang puro puting tiklada ang ating pinipindot, kinakailangan din nating daanan ang mga itim na tiklada. At alam ng mga musikero na ang kombinasyon ng mga itim at putting tiklada – na parang kombinasyon ng kaligayahan at kalungkutan ng buhay – ang siyang mas nakagagawa ng kaaya-aya at de kalidad na tunog.

Bukod sa pagbibigay ng lasa at kulay ng buhay, bakit kinakailangan pa nating maghirap? Bakit pa kinakailangang magbigay ni Lord ng mga pagsubok ng buhay?

Ang diyos ay diyos na kahit wala ang mga nilalang. Hindi dagdag o kabawasan sa pagiging Diyos niya ang mga nilalang. Kung tutuusin nga, hindi na niya kinakailangan pang lumikha dahil diyos na siya. Ngunit dahil sa kanyang pagmamahal ay nilikha niya tayo. Nilikha tayo ng Diyos dahil sa pagmamahal niya sa sanilibutan. Bilang mga nlalang, natural lamang na ibalik natin ang pagmamahal na iyon sa diyos na siyang unang nagmahal at lumikha sa atin.

May mga pagkakataon kasi na sa kadahilanang masyado na tayong nagiging makasarili bunga ng ating tagumpay, nakakalimutan na nating magpasalamat sa diyos. Paminsan-minsan, kinakailangan tayong “kalugin” ng diyos upang magising tayo sa katotohanang mayroong diyos na pinagmumulan ng lahat ng tagumpay at ganap na kaligayahan.

Gayundin naman, ang Diyos ay umaakto bilang mga “traffic signs” sa “highway ng paglalakbay natin sa buhay.” Huwag natin itong ituring bilang mga balakkid sa paglalakbay sa buhay, bagkus, ituring natin ang diyos bilang isang gabay upang makarating tayo sa ating paroroonan ng ligtas. Dahil sa bandang huli, diyos din naman ang patutunguhan nating lahat. Ang diyos ang simula at katapusan ng lahat ng mga bagay. Siya ang Alpha at Omega ng sanlibutan at ng ating mga buhay.

Ang plano ng diyos para sa kanyang mga nilalang ay palaging “happy ending.” Kung sa istorya ng buhay natin ay para bang gusto na nating sumuko dahil sa mga pagsubok at problema nating hinaharap, alalahanin na nating hindi pa iyon ang “happy ending” na itinakda ng Diyos para sa atin. Iyong mga iyon ay ituring nating “pampagana at pampaganda” ng istorya ng ating buhay.

Sa bandang huli, nais kong sabihing hindi naman talaga nagpapabaya ang Diyos. Kung sa tingin nating parang “nilalayasan” tayo ng diyos sa ating buhay, sana ay sumagi sa ating isipan na “nagtatago” lamang ang diyos ngunit palagi pa rin siyang nagmamasid at gumagabay sa atin.

Nawa, ang ating isigaw sa buhay ay hindi ang “pagpapabaya ng diyos” kundi “DIYOS KO! DIYOS KO! SALAMAT AT HINDI MO AKO PINABAYAAN!”

Alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos sa loob ng dalawang taon sa labas ng bakuran ng seminary. Alam kong may maganda siyang plano sa akin.

Ano pa mang mga pagsubok ang dumating sa akin, kakayanin ko ito dahil alam kong may plano ang diyos sa akin. Padayon!

No comments:

Post a Comment