>Isa itong detalyadong paglalahad ng karanasan ng aking (technically ay) unang job-hunting experience na nararanasan ng karamihan sa mga nagtatapos sa kolehiyo. Ginamit ko ang salitang “technically” dahil iyong una naman ay kung tutuusin ay effortless dahil ipinasa ko lang sa kanila thru e-mail ang aking curriculum vitae. Ibang kaso ngayon. Ito yung klasikong paghahanap ng trabaho – pagpunta sa ahensya o kumpanya, pagpapasa ng resume, pakikipagtagisan sa ibang aplikante, at ang paglanghap ng polusyon at pakikipagsiksikan sa urban jungle habang dala-dala ang mga papel na nagpapakilala kung sino at ano ka.
Kasalukuyan ako noong nakahilata at nagpapalaki ng beer belly habang nanonood ng immortal at alamat ng maituturing na Eat Bulaga nang biglang tumawag ang butihin kong ina sa telepono. Tinatanong kung gusto ko daw mag-apply ng trabaho.
Halos lahat yata ng mga matinong anak ay nagkakandarapa maghanap ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo upang makatulong sa pamilya at sa mga magulang. Ibahin mo ako. Isantabi na natin dito ang aberya sa butihin at ubod ng lupit kong Alma Mater (Kami’y handa’t laan!) nang pagkakaroon ng problema sa transcript of records ng batch namin. Problema na ng mga kinauukulan at administrasyon iyon. Mas pinili kong “magpahinga” muna ng ilang buwan bago maghanap ng trabaho sa kadahilanang “magpapahinga” muna ako matapos ang labinlimang taon ng pag-aaral – at gusto kong maramdaman ang pakiramdam ng libu-libong tambay na ginagawa taon-taon sa Pilipinas. Iyong bang experience na maging tambay, maranasan ko naman. Para meron naman akong maisulat bilang isang “experiential writing.” At naniniwala ako sa sinabi ng kagalang-galang na Obispo, Bishop Chito Tagle na ang magandang istorya ay iyong galing sa totoong pangyayari.
Tinanong ko kung saan mag-a-apply. Sinabi niya na may ginagawa daw na Casino sa Singapore at Pilipino ang may-ari. Gusto din daw ng may-ari na mga Pilipino ang kukunin niyang mga empleyado. Subukan ko daw at baka makalusot, wala namang mawawala sa akin. Tinanong ko kung kailan at saan mag-a-apply. Kinabukasan daw at sa Ermita, Manila. Ayos. Mahilig talaga sa sorpresa ang nanay ko. Wala na akong 24 oras para maghanda at magpagupit (napapagkamalan na kasi akong si John Lennon noong later days ng Beatles sa buhok ko). Ayos lang naman dahil nakahanda na ang aking curriculum vitae.
Bukod sa hindi ko tukoy ang Padre Faura, Ermita, unang beses kong pupunta ng Manila ng mag-isa at byahe. Hanggang Alabang, Las Piñas, Makati at Cuba with an “O” lang ang kaya kong puntahan ng nagbi-biyahe at mag-isa. Buti na lang at may kasama ako – iyong anak ng ka-opisina ni nanay na balak ding magtrabaho sa ibang bansa in search for greener pastures. Magkita na lang daw kami ni “kuya” kinabukasan ng alas-otso ng umaga.
Pinilit kong gumising ng maaga kinabukasan. Usually kasi ay alas-otso ang gising ko para eksakto lang sa paborito kong palabas sa umaga na “Wonder Pets” (Anong kailangan? Magtulungan!). Kumain ng “heavy breakfast” na kanin at Mameng steak dahil alam kong mapapalaban ako sa urban jungle. Pagkatapos ay naligo at nagbihis na ako noong light pink kong polo (isa sa dalawa kong polo bukod sa mga uniporme). Pinili ko ang light pink para medyo bagay sa motif noong maangas at tigasin pero mahilig sa pink na siga ng Metro Manila. Wala din akong pabango kaya ginamit ko iyong pabango ni Nanay na Love Spell ng Victoria’s Secret, yung kulay violet. (Anong pakialam mo kung amoy babae ako? Tang-Su-Do na lang tayo.3 rounds). Isinuot ang Lacoste kong sapatos (kunwari ay mahalagang bigyan iyon ng emphasis) at inilagay ang CV at application letter sa leather bag na (sapilitan kong) hiniram sa dati kong “kapit-kuwarto” noong kolehiyo.
Pagkatapos ay pumunta na ako sa bus stop na tagpuan namin ni kuya. Doon ko nalamang kasama din pala ang asawa niya – si “Ate.” Sumakay kami ng jeep papuntang Calamba, sa terminal ng mga bus papuntang Metro. Kagaya ng paborito kong dahilan noong nasa kolehiyo pa ako kapag nagbi-biyahe kami ng aking mga kaklase, wala akong barya, kaya sila na ang nagbayad ng pamasahe ko sa jeep Ayos.
Sumakay kami ng bus na biyaheng Alabang at Lawton. Ito ang maganda sa bus – walang aircon. Ayos ulit. Langhap ko ang pinaghalong masarap na ihip ng hangin at polusyon mamaya kapag umandar na ang bus. Doon ako umupo sa unahan sa may pinto at katabi ng bintana. Sila naman ay sa likod ko. Umandar ang bus at sa halos bawat kanto ay may mga kaluluwang sumasakay sa mainit at masikip na ordinaryong bus, mga kaluluwang nakikipagsiksikan at nakikipag-unahan sa kanilang pagpasok araw-araw. Bago pumasok ng SLEX ay may tumabi sa akin na isang thunder cat na sa hitsura ay inilaan na niya ang mahigit sa kalahati ng kaniyang buhay sa pagta-trabaho sa opisina para sa kanyang pamilya at mukhang malapit ng mag-retire. Cool naman si nanay dahil inilabas niya ang cellphone na mas maganda pa sa akin, sabay saksak ng headset sa kanyang tenga at nag-sound trip para siguro hindi mainip sa mahabang biyahe. Hindi ko lang alam kung ano ang pinapakinggan niya. Siguro ay Jai Ho (You are My Destiny) o Poker Face.
Pumasok ng SLEX. Ayos at nawala ng konti ang mala-dormitoryong amoy at init ng bus. Ang problema lang, nagulo ang maayos kong buhok at nagsimula ko ng malanghap ang nakaka-high na mga usok ng sasakyan. Nag-exit sa Alabang para magbaba at magsakay ulit ng mga bagong pasahero saka pumasok ulit ng SLEX para magsimula ang panibagong kalbaryo – usad susò ang trapik sa Sucat dahil sa ginagawang pagpapaluwag ng kalsada. Nilibang ko na lang ang sarili ko sa pagpapa-facial gamit ang mga usok ng sasakyan at pagsa-sauna mula sa pinaghalong init ng araw at init ng loob ng bus. Katabi ko pa rin si Nanay at pikit matang nagsa-soundtrip, o baka nakatulugan na si Lady Gaga, hindi ko alam.
Mabuti at sa Skyway dumaan ang sinasakyan naming bus at naka-E-Pass. Habang nasa itaas, nakita ko ang sandamakmak na mga barong-barong, vandalism, latak ng demolisyon at iskwater sa ibaba sa may bandang Makati. Ang sarap kunan ng larawan kung meron lang akong DSLR camera para gawing post card o malaking billboard sa EDSA na may caption sa ibaba na “Ganito kami sa Makati, sana sa buong Pilipinas ganito rin.” Sa sistema at hirap ng buhay ngayon, hindi malayong mangyari ang ganoon.
Masyado yata akong nalibang sa pagmamasid sa masining na pagkakagawa ng mga paskil na rosas ng isang Bayani, mga trabahador at estudyanteng naglalakad, at mga barung-barong at vandalism kaya’t hindi ko napansing nasa Taft Avenue na kami. Alam kong malapit na kami. Nakita ko ang UP Manila at Philippine General Hospital kung saan una kong ipinasa thru e-mail ang resume ko. Maya-maya pa ay sumigaw na ang konduktor na kamukha ni George Estregan during his kontra bida days ng “Faura! Faura!” Bumaba na kami ng bus at sa pag-alis ko sa aking upuan, naroon pa rin si Nanay na nagsa-sound trip. Siguro ay Michael Jackson ang pinapakinggan niya. Habang patangu-tango kasi ang ulo ay para kasing may mga butil ng luha na namumuo sa kanyang mga mata.
Dahil hindi tukoy ni Kuya ang GSP Building na siyang pakay namin, nagtanong kami kay manong takatak na nasa kanto ng Taft at Padre Faura. Mabait naman niyang itinuro ang lugar. Malapit lang pala sa kanto. Habang naglalakad papunta doon ay tinandaan ko iyong photo center shop sa may kahabaan ng Taft na malapit sa kanto ng Faura. Baka kasi humingi ng 2x2 picture, wala akong dala.
Pagpasok ng building, ang unang tumambad sa akin ay ang isang malaking reception table na may bagitong receptionist – siguro ay mga dalawang taon lang ang tanda sa akin – at mga armchair na siksikang nakahanay sa tagiliran. Mukha nga talagang recruitment agency. Kampante naman akong legal sila dahil may POEA number naman sa karatula nila sa labas at doon kami pinapunta ng kapatid ni kuya na ngayon ay nagtatrabaho na sa Singapore. Kinausap ni kuya ang receptionist at pagkatapos ay binigyan kami ng application form.
Para sa mga kabataang nakakabasa nito at sa mga hindi pa nagtatrabaho, huwag ninyo akong gagayahin. Isang mahalagang dapat dalhin kapag naghahanap ng trabaho bukod sa papel na kung tawagin ay resume na naglalaman kung sino ka at ano ka ay ang panulat. Ball point pen o bolpen para sa ating mga Juan. Sa dinami-daming puwedeng hindi dalhin, panulat pa ang hindi ko dinala. Kung manghihiram man ako sa receptionist, masamang impresyon na agad iyon. Nakangiti kong tinanong si Ate kung meron siyang spare na bolpen. Nakatawa niyang sinabi sa akin na “Unang dapat dalhin kapag mag-a-apply ay bolpen. Heto..” Ayos, may bolpen na ako. Problema na lang kung matino iyong ipinahiram niya sa akin. Sa kasamaang palad ay tumatalbog ang tinta. Magkakaroon tapos biglang mawawala. Nagkakaputol-putol tuloy ang mga letra ng salitang isinusulat ko. Ipinagpatuloy ko na rin. Aayusin ko na lamang mamaya kapag nakapanghiram na ng matinong bolpen.
Mga basic information ang mga katanungan sa application form. Kung tutuusin ay puwedeng kopyahin na lang sa resume ko. Ngunit meron ding mga pinagkaiba. Doon sa katanungan na “passport number”, sa kadahilanang wala pa akong pasaporte, nilagyan ko na lang ng “for application.” At doon naman sa expiry date ng passport, naturalmente, nilagyan ko na lang ng “N/A”. Sa simula pa lang ay alam kong dehado ako doon dahil wala pa akong job experience, pero nag-baka sakali na din ako. Doon sa column na “previous jobs”, inilagay ko na lang ang duty ko bilang isang volunteer catechist noong kolehiyo sa mga elementary at high school students ng public school sa siyudad na pinaglingkuran ni Ate Vi.
Technically ay hindi naman trabaho iyon na maitutuing, wala naman kasi kaming suweldo doon. Isa iyong serbisyo. Doon sa column na “salary acquired”, inilagay ko na lamang na “N/A”. Sa interview ko na lamang ipapaliwanag gamit ang pilosopiya, lohika, at pagkapamaraan (Waw! Parang SOCO ni Gas Abelgas!) kung bakit ganoon. Natapos na si Ate sa pagfi-fill-up niya kaya hiniram ko ang kanyang matinong bolpen. Pagkatapos ng lahat, pinagsama-sama namin ang aming application form, letter of application, at resume at ibinigay sa receptionist. Tinanong ni Kuya kung kalian daw ang interview. Sinabi ng receptionist na tatawagan na lang daw dahil for evaluation pa ang aming pagkatao. Iyon ang nakakatakot. May nabasa kasi ako sa Youngblood na kapag sinabi sa iyong “tatawagan ka na lang”, ibig sabihin ay gudlak! Better luck next time.
Pagkatapos noon ay umalis na kami. Mga dalawampung minuto lang kami sa loob. Sabi nga ni kuya ay “Ganoon na iyon. Matagal pa ang biyahe natin kesa sa pag-a-apply.” Pagdating namin sa kanto ng Faura at Taft, dapat ay ihahatid na nila ako sa sakayan pauwi dahil dadaan pa sila ng Alabang doon sa kumare nila. Sinabi kong papunta pa ako ng España, sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas, The Catholic University of the Philippines (yun naman oh!), sa aking dating kaklase na itago na lang natin sa alyas na “RR” na ngayon ay nag-aaral doon kung paano mag-conserve ng musika. Matapos nilang ibigay sa akin ang direksyon kung saan ang sakayan pauwi, naghiwalay na kami. At dito na nagsimula ang aking adventure.
Sa totoo lang, hindi ko talaga alam ang sakayan papuntang USTe, kaya’t tinext ko si RR kung ano ang sasakyan kong jeep papuntang España. Sinabi niyang iyong mga papuntang Quiapo. E ang adik naman ng mga jeep, ang daming karatulang nakasabit. Hindi katulad noong mga nakasanayan ko na iisang lugar lamang ang nakapaskil sa jeep. Pero mabuti na iyon at madaling malalaman ang lugar na dinadaanan ng mga jeep. Nakakita na ako ng mga jeep papuntang España pero masyado pang maaga. 10:30 pa lamang at 12:00 pa ang tapos ng klase ni RR. Napagdesisyunan ko na lang na maglakad-lakad sa kahabaan ng Taft Avenue papuntang norte at mag-explore.
Adventurous akong tao. I love to explore new things, meet new people, and to observe the different people, happenings, and odd things around me. At isa sa hinding-hindi ko pinapalampas at gustong-gustong gawin ay ang pagsakay sa mga public utility vehicles at ang paglalakad sa kalye. Madami kasing mga kakaiba pero madalas ay ordinaryong tao, bagay, at pangyayari ang napaghuhugutan ko ng istorya at inspirasyon sa aking pagsusulat. Unang beses kong maglakad sa kahabaan ng Taft Avenue ng mag-isa, medyo makulimlim at hindi mainit kaya isa itong perpektong pagkakataon para humugot ng inspirasyon at magkaroon ng karansang madami ang namamatay nang hindi ito nararanasan.
Sa aking paglalakad ay madami akong kasabay at nakakasalubong na mga estudyante, mga propesyonal, mga nagbabaka-sakali ng kapalaran sa Maynila, at ilan pang mga kaluluwa na may kanya-kanyang pakay. Lahat naglalakad. Walang pakialamanan. Habang lahat kami ay nilulunod ng usok at ingay ng mga sasakyang dumadaan at ng maya’t mayang pagdaan ng LRT sa itaas. Nakakatuwang isipin na kahit wala kaming pakialamanan sa isa’t isa ang bawat isang kaluluwang nakakasalubong ko, o kahit ako mismo, ay may kanya-kanyang istorya. Mga istoryang hindi lahat ay nakaka-alam na kapag pinagtagni-tagni natin, matatawa na lang tayo na lahat nga pala tayo ay magkakaugnay. May parte sa istorya ng ating buhay na kaugnay ng isa pang istorya mula sa ibang tao. Istorya din na siyang dahilan kung bakit hindi nagkakaintindihan ang mga tao – hindi kasi natin inaalam ang tunay na istorya ng bawat isa sa atin. Kung alam lamang natin ang istorya ng bawat kaluluwang nakakasalamuha natin, maiintindihan siguro natin kung bakit ganoon ang pagkatao niya.
Ginagawa kong pamilyar ang aking sarili sa bawat kalsada at landmarks na nadadaanan ko, para madali na sa akin ang magpabalik-balik doon. Mga lugar na kalimitan e napapanood ko lamang sa telebisyon o nababasa sa mga aklat. Ganoon ang kalimitan kong ginagawa kapag nagbibiyahe o bago ako sa isang lugar. Nagmamasid at nagtatanda. Kapag nagbibiyahe sa sasakyan, hindi ako natutulog. Tinatandaan ko ang mga pasikot-sikot, mga kalsadang dinadaanan, at mga landmarks at nagmamasid sa mga kakatuwa at interesanteng mga bagay, tao, at pangyayari sa paligid.
Intersection. Kakanan ba ako o kakaliwa? Tiningnan ko ang mga dumadaang jeep papuntang Quiapo. Diretso lang. Direstso din ako. Kung tinatamad kang magtanong sa mga mukhang suplado at walang pakialam na tao na nakakasalubong mo, magmasid ka na lang sa paligid. Tingnan ang mga traffic at direction signs. Isang paraan, bukod sa klasikong pagtatanong, para maka-survive sa pasikot-sikot na urban jungle. Hindi puwedeng gawin ang paborito kong laro sa highway – ang makipagpatentero sa mga sasakyan. Hinintay ko munang mag-stop ang mga sasakyan at saka ako tumawid. Sabi kasi noong bruskong Bayani na mahilig sa kulay rosas, “Bawal tumawid. Nakamamatay”
Bukod sa bolpen, isa pang mahalagang dalhin ay ang payong. Wala naman itong kinalaman sa paghahanap ng trabaho pero dahil sa abnormal na lagay ng panahon ngayon sa buong mundo, iyong matinding sikat ng araw sa umaga ay palaging nasisingitan ng epal na pagbuhos ng ulan. Tapos aaraw ulit, tapos ay uulan na na naman. Pagkatapos ay aaraw, at bigla na naming uulan (repeat while fading…). Nasa may bandang Manila City Hall na ako nang biglang bumuhos ang medyo malakas na ulambon. Kaya’t sumilong muna ako ng konting saglit sa may waiting shed sa may City Hall. Tumila ng konti pero umaambon pa rin. Marami namang naglalakad kaya naglakad na rin ako. May mga puno namang masisilungan.
Medyo nawala na ang talab ng heavy breakfast ko kaya naghanap ako ng makakainan. Lakad pa ng konti. Hanggang sa makakita ako ng paborito kong convenience store. Iyong 7-eleven sa may kanto ng P. Burgos at Doctor Basa street. Sa labas ay madaming mga estudyante. Nagpapatila siguro ng ulan. Pumasok ako at dumiretso sa Hotdog section. Kumuha ako ng Bacon and cheese jumbo hotdog sandwich. Pumunta ng hydration station (terminolohiya iyon ng 7-eleven) at kumuha noong inuming nangakong nakakapayat daw dahil sa taglay nitong L-carnitine. Pineaaple flavor ang kinuha ko at saka pumunta sa counter para magbayad. Iniabot ko kay kuya sa counter si Ninoy. Tinanong kung may barya ako bukod sa tatay ni Kris Aquino. Sa isip ko ay, sino ba naman ang may gustong mabarya ang buo niya? Tapos susuklian ng madaming barya? Masyadong mabigat iyon. Kung may barya ako, iyon na dapat ang ibinayad ko. Tinanggap ni kuya sa counter ang Lolo ni Baby James at saka ako sinuklian. Sa wakas. Nasuklian na ang buo ko. Wala na akong palusot para hindi magbayad ng pamasahe sa jeep.
Sa pagkawala sa akin ni Ninoy, napaisip ako. Ano kaya ang pakiramdam ni Kris Aquino kapag may hawak siyang limandaang piso? Siguro ay wala lang dahil malamang, ang palagi niyang hawak ay cards at isanlibong piso. Eh si Baby James kaya? Paglaki kaya niya, magyayabang kaya siya kagaya nina Tito Vic at Joey ng “wala yan sa lolo ko” dahil nasa limandaang piso ang picture ng lolo niya? Ewan at wala na akjong pakialam.
Naghahanap ako ng mauupuan. Fully booked lahat maliban sa isa. Iyong bakanteng upuan sa pagitan ng isang estudyante at isang yuppie. Ipinatong ko sa lamesa ang hotdog sandwich at juice ko na pampapayat daw, inayos ang medyo magulo kong buhok at saka umupo sa pagitan ng dalawang binibini. Nasa kanan ko ang estudyante at nasa kaliwa naman ang yuppie. Napatawa na lang ako sa aking sarili. Para kasing pahiwatig ito ng aking “past” at “future”, isang estudyanye at isang young professional. Binuksan ko ang Manhattan dressing at inilagay sa hotdog. Isinunod ko naman ang tomato ketchup. Pagkatapos punasan ang daliri ng tissue ay kumagat na ako sa hotdog. Kahit wala pang kalahating talampakan ang pagitan ng aming mga katawan ay wala kaming pakialamanan sa isa’t isa. Ganito nga talaga siguro ang buhay.
Habang kumakain ay pasimple kong sinusulyapan ang dalawa kong katabing binibini. Iyong yuppie ay parang walang pakialam sa nangyayari sa paligid niya. Tuloy lang sa pag-inom ng kanyang juice at sa pagtetext. May hinihintay siguro. Mukhang nakahalata iyong estudyante na tinitingnan ko siya kaya parang medyo nailang siya sa akin at tinakpan ng hanggang balikat niyang buhok ang cute niyang mukha. Kung hindi siguro medyo pormal ang suot ko ay pagkakamalan niya akong holdaper, o mas masama, rapist. Kumakain siya ng lunch dahil umorder siya ng rice meal ng 7-eleven at isang higanteng Gulp. Sa liit ng kanyang physique na iyon ay hindi ko lubos maisip kung paano niya uubusin ang higanteng Gulp. Siguro ay alam niyang mabibitin lang siya sa kinakain niya kaya iinom na lang siya ng madami para pampabigat sa tiyan. Siguro ay mayaman kaya’t hindi niya uubusin ang laman ng iniinom. Ganoon daw kasi uminom at kumain ang mayayaman. Palaging nagtitira. Kapag inubos kasi, masasabihan ng matakaw. Kung tutuusin ay hindi ko kaya ang ginagawa ng estudyanteng iyon – kakaunting lunch at sa convenience store pa. Siguro, nasanay lang ako sa “secured” na buhay ko noong hayskul at kolehiyo. Nakahanda na kasi palagi ang aming kakainin sa dining hall. Hindi na mamamalengke o magluluto. Lalamon na lang. Iba nga pala ang buhay sa labas ng “comfort zone.” Mahirap, nakakapagod at nakakagutom. Sa palihim kong “pang-ni-ninja” sa dalawa kong katabi, namulat sa akin ang reyalidad ng buhay sa labas ng “comfort zone.” Ito ang tunay na buhay.
Tumayo na ang yuppie sa kanyang kinauupuan at lumabas. Dumating na yata ang hinihintay. Maya-maya pa ay tumayo na din ang estudyante, itinapon ang pinagkainang disposable na mga kutsara, tinidor at plato, at sumisipsip sa higanteng Gulp at lumabas ng convenience store. Itinapon ko na din sa basurahan ang aking pinagkainan at lumabas para ipagpatuloy ang aking road trip.
Lakad pa ng konti papuntang norte kahit bahagyang umaambon. Madami naman akong kasabay na ginagawang payong ang mga panyo at mga kamay. Tiningnan ko ang mga jeep na papuntang Quiapo para masiguro kung tama pa rin ang kalsadang binabagtas ko. Tama pa naman kaya’t naglakad pa ako. Maya maya pa ay nakita ko na ang paahong kalsada na papasok ng Quiapo Bridge. Tumingin ako sa aking relo. Tamang tama naman at mag-a-alas dose na kaya napagdesisyunan ko ng pumara at sumakay ng jeep papuntang España. Nilakad ko simula Padre Faura hanggang bukana ng Quiapo Bridge. Kung tutuusin ay malayu-layo din iyon pero para sa akin ay relative ang ibig sabihin ng malayo. Bilang dating napadestino noong ako’y nasa kolehiyo sa mga iba’t ibang komunidad sa bukid at kabundukan, nasanay na ako na ang ibig sabihin ng “malapit” ay iyong mga lugar na kapag iyong pinuntahan, hindi ka aabutan ng paglubog ng araw.
Sa jeepney, halos puro mga estudyante ng FEU at UST ang kasabay ko. Kapag nakakakita ako ng mga estudyante dalawa ang nararamdaman ko. Inggit at sense of achievement. Inggit dahil parang gusto ko pang mag-aral ulit at sense of achievement dahil nakatapos na ako sa aking pag-aaral. Ironical ba? Hindi naman masyado. Siguro, kaya ko lang naiisipan iyon ay dahil hindi pako lubos na handa na harapin ang “tunay na buhay” na nagsisimula pagkatapos ng pag-aaral sa paaralan. Ayaw ko pang umalis sa nakasanayan ko.
Tinanong ko kay manong drayber kung magkano ang pamasahe papuntang España. Siyete pesos daw, iyong minimum na pamasahe. Sasabihin ko sana na estudyante pa ako pero nakakahiya naman sa mga kasabay kong estudyante dahil naka-porma ako na parang isang yuppie at walang nakasukbit sa aking ID ng isang estudyante. Doon kasi sa terminal ng jeep sa Calamba, hindi nagbibigay ng discount para sa estudyante iyong isang dispatcher hangga’t hindi nakasabit ang ID. Ang katwiran kasi niya, hindi ka daw estudyante hangga’t hindi nakasukbit ang ID. Tatanungin ko pa sa LTFRB kung mayroon nga silang ganoong ordinansa. Nagbayad ako ng siyete pesos kay manong drayber at komportableng umupo habang tinitingnan sa labas ng jeep ang mga lugar na nadadaanan.
Dumaan ng Quiapo. Nakita ko ang pamosong Basilica Menor ng Poong Nazareno. Bukod sa Simbahan at sa Plaza Miranda, dalawang bagay ang pumasok sa aking isipan. Tindahan ng pirated CDs at DVDs at ang Hidalgo na sangktwaryo para sa mga photographer. Minsan naisip ko, oo nga’t pagnanakaw ang pamimirata pero sa isang bayang naghihikahos katulad ng Pilipinas kung saan uunahin pa ng karamihan ang pagkain kesa sa bumili ng mga orihinal, bentang benta ang mga pinirata. Pero kung hindi mapipigilan ang pamimirata, malulugi ang mga kumpanya, produser at artista at baka tuluyan na tayong walang sining, musika, at pelikulang puwedeng pagpyestahan. Ano nga ba ang dapat unahin at bigyan ng prayoridad? Ang isalba ang leeg ng industriya o ang kumakalam na sikmura? Sa aking pananaw, kung masosolusyonan ang ilang dekadang problema sa kahirapan, kawalan ng trabaho, mababang suweldo, wasak na kabuhayan, pagnanakaw ng kaban ng Bayan, at inutil na sistema ng pagbubuwis at tamang paglalaan nito na siyang sinasabing dugo na bumubuhay sa isang bansa, maisasalba ang iba pang industriya. Magkakaroon ng “ripple effect” sa lahat ng bagay. Habang lumalampas ang jeep ni manong sa Basilica, napadasal ako sa Poong Nazareno na sana ay magkaroon na ako ng trabaho para makaipon at makabili ng sarili kong DSLR camera sa Hidalgo – at makabili ng murang DVD sa Quiapo.
Nagpatuloy ang pag-andar ng jeep hanggang sa makarating ng España. Sa wakas, nakarating na ako ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas. Tamang tama lang ang dating ko at eksaktong alas dose lang. Bumaba ako sa may overpass sa tapat ng Unibersidad. Tinext ko si RR at sinabi kong nasa España na ako. Hindi nag-reply. Siguro ay may klase pa at napa-sarap ang propesor. Kaya’t tumambay muna ako sa may kanto ng Cayco at España. Hindi ako mapakali doon sa katabi kong manong na mukhang hindi gagawa ng hindi masyadong kagandahang bagay kaya’t naglakad-lakad ako papunta sa direksyon ng Lacson. Yung klase ng paglalakad na wala naman talagang pupuntahan, may gusto ka lang iwasan. Pagdating sa may kanto ay kumanan ako. Nakarating ako doon sa terminal ng bus papuntang Cagayan, hindi ko lang matandaan kung anong bus liner yun. Astig iyong mga bus. Iyong tipikal na mas malaki pa ang volume ng mga bagahe kumpara sa mga pasahero. Walang aircon ang bus at malayo ang kanilang lalakbayin. Tiyak na kung isa ako sa mga sasakay doon, madami na naming iba’t ibang kuwento ang maari kong maisulat.
Bumalik ako sa may kanto ng Cayco at España. Wala na si manong. May mga nakatambay namang limang estudyante na mukhang magkakabarkada. Nagsimula na ulit na umambon ng bahagya. Tinext ko ulit si RR at sinabi ko na ayokong abutan ng swimming pool sa España. Sa wakas at nagreply siya na pasensya daw at napa-extend nga ang kanilang klase. Pinapapasok niya ako sa loob ng Unibersidad.
Tumawid ako gamit ang overpass. Nakakatuwa talaga ang mga negosyante sa Pilipinas. Kahit mga overpass ay hindi pinapalampas. Sa gilid ay may mga nagtitinda ng mga abubot – mga cellphone accessories, pamaypay, suklay, tali sa buhok at kung anu-ano pa. Meron ding dalawang kolehiyala na nakipagtawaran kay ate na nagtitinda. Iyon ang kagandahan ng mga tindahan sa bangketa at sa palengke. Kung kuripot at bolero kang katulad ko, puwedeng puwede mong bolahin at baratin ang mga nagtitinda para makatipid. Ang sarap sa Pilipinas.
Bumaba ako sa overpass at pumasok ng campus. Tinext ko si RR kung saan kami magtatagpo. Sinabi niyang sa Mcdonald’s sa loob ng UST. Anak naman ng Dominikanong kalbo, sa lawak ng USTe ay paghahanapin pa ako kung saan ang Mcdo. Sinabi niyang sa may car park. Ayun. Madaling Makita. Pamilyar na kasi sa akin ang car park. Habang naglalakad ako sa covered walk ng ng unibersidad ay nakapukaw sa akin ng pansin ang isang estudyante na may katabing lalaki (“ka-relasyon” yata). Kumakain siya ng lunch at may dala siyang “binalot” sa Tupperware. Cool. May mga ganoon pa pala sa kolehiyo. Kalimitan kasi e sa mga fastfood, resto, canteen, at carinderia na kumakain ang mga estudyante. Siguro ay nagtitipid o malakas lang talaga ang trip. May mga kakilala kasi ako noong nasa ikaapat na taon ako sa hayskul na hindi na nagbibinalot for lunch. Diyahe daw kasi at hayskul na, pang-elementary lang daw iyon. Mga inutil. Mas diyahe iyong nagwawaldas para sa lunch kung gayong puwede naming makatipid kung magbabaon (“At masustansya pa! Gawa kasi ni Inay”). Kung anuman ang rason ni “binibining binalot”, hindi ko na papakialamanan.
Lakad ulit papuntang Mcdo. Madami akong nakakasalubong na mga kolehiyala na mga kartada otso at kartada nueve. Pero wala akong pakialam. Wala sila sa itaas ng list ng mga priority ko. Nakarating ako ng Mcdo. Papasok na sana ako sa loob nang bigla akong tapikin ni RR. Inaabangan pala ako sa labas. Tinanong niya kung saan ko gusto kumain ng lunch. Sinabi kong sa labas na ng campus dahil masyadong masikip sa loob. Pumayag naman siya at KKB naman daw
Makailang ulit niyang tinanong sa akin kung saan kami kakain sa labas, kung sa pang-burgis o pang-skwater. Sinabi ko na kahit saan. Siya naman ang matagal na sa Manila kaya siya na ang magdesisyon kung saan. Sa banding huli ay sa Mcdonalds din namin napagdesisyunan kumain. Lakad ulit sa kahabaan ng España at pumunta ng Mcdonald’s. Naghanap muna kami ng mauupuan at siya na ang pina-order ko.
Habang umoorder si RR, nakapukaw sa aking pansin ang tatlong estudyante sa harapan ko – dalawang babae at isang lalaki. Mga may hitsura naman, mga kartada otso. Base sa lanyard ng mga ID nila, mga taga-Unibersidad na may tamaraw. Ayos na sana, mukha namang desente at nagmula sa may kayang pamilya. Wasak lang maglampungan. Ultraelectromagnetic PDA na ang ginagawa noong dalawa habang iyong isang babae naman ay tumatawa lang. Scorer siguro. Kung hindi naman, referee. Natawa na lang ako.Alam kaya ng mga magulang nilang nagpapakahirap sa trabaho o negosyo para pag-aralin sila na bukod sa pag-aaral at OJT, meron pa silang ibang “duty” na ginagawa? Kung alam man, mga kunsintidor na magulang.
Sa totoo lang, hindi ako pabor sa mga nakikipagrelasyon habang mga estudyante pa. Labas dito ang pagiging “single-since-birth” ko (oo, inaamin ko at proud ako dito). Sa aking opinion kasi, dapat ay inuuna ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral kesa sa pakikipagrelasyon. Malaki ang “investment:” ng kanilang mga magulang para sila ay makapag-aral – matrikula, board and lodging, allowance, at luho. Hindi nila dapat iyon sinasayang at pinapawalang halaga. Mapapalad silang mga nabigyan ng pagkakataong makapag-aral (mas mapalad kung sa mga prestihiyosong paaralan pa) dahil libu-libong mga kabataan ang nagnanais ng kanilang kinatatayuan ngunit hindi pinalad dahil sa hirap ng buhay.
Sa mga nagsasabing ginagawa nilang “inspirasyon” ang kanilang mga “ka-relasyon”, hindi pa ba sapat ang inyong mga magulang at pamilya bilang inspirasyon sa pag-aaral? Ang pagiging single habang estudyante ay imbitasyon para mapalawak ang ating horizon. Hindi naman kaila sa atin na merong mga nasa isang relasyon na nagiging “exclusive” sa kanilang ka-relasyon. Iyon bang tipong “you and me against the world” na ang drama. Sa pagiging single, lumalawak ang social horizon dahil hindi lamang umiikot ang mundo sa iisang tao. Isa pa, ang pagiging single at walang inaatupag na problema sa lovelife ay imbitasyon para palawakin ang horizon ng skills at mga karanasan. Mag-aral kang mag-surfing, ng photography, umakyat sa bundok, mag-road trip, island hopping, camping at kung ano pang gusto mong trip na hindi itinuturo sa paaralan. Sa ganoong paraan, matututo ka na ng mga ibang bagay, magiging mayaman ka pa sa karanasan.
Panghuling punto kung bakit hindi ako pabor sa pakikipagrelasyon habang estudyante pa ay dahil sa katotohanan ng pagiging mainit ng mga kabataan ngayon. Lahat tayo ay nasa ilalim at biktima ng sexual revolution. Masyadong mainit at makati ang mga kabataan ngayon dala na rin ng mundong kanilang ginagalawan. Ang maagang pakikipagrelasyon, kapag napasobra sa itinakdang limitasyon, ay maaaring mauwi sa maagang pagiging mga magulang. Hindi na bago sa atin ang dami ng mga kabataan na maagang nabubuntis at hindi pa handa sa buhay may pamilya. Atupagin muna ang pag-aaral at ang pagbuo ng isang matinong pundasyon. Hindi lang puro puso at hormones ang ginagamit sa buhay. Ginagamit din ang karne na gawa sa neurons sa loob ng ating bungo. Maging matalino ka.
Dumating si RR dala ang aming order. Wala na daw akong sukli. Hindi ko na kinuwenta kung magkano dahil gutom na ako. Sinagpang na agad ni RR ang order niyang chicken nuggets ng hindi nagdadasal. Dati naman ay siya ang nag-i-initiate na magdasal kapag kumakain kami. Nasa public place siguro kaya nadi-diyahe. Bakit nga ba bihira ang mga nagdadasal bago kumain kapag nasa pampublikong lugar? Nahihiya kaya? Ikinakahiya ba nila ang kanilang pasasalamat at .paniniwala?
Binasbasan ko na parang isang pari (with matching “chop chop ng mga palad”) ang aming kinakain at saka nagkuwentuhan tungkol sa aming mga buhay buhay. Sinabi kong matapos ang isa’t kalahating buwan, ngayon lang ako nagkaroon ng kasabay sa pagkain ng lunch ng weekdays. Hindi ko alam kung maniniwala ka dito pero base sa karanasan ko, iba ang lasa ng pagkain kapag mag-isa ka lang kumakain. Kahit gaano pa ito kasarap, kulang pa rin. May mga pagkain naman na hindi ganong kasarap pero “kumpleto” kapag may kasabay kang kumakain. Doon sa loob ng Mcdo, sa harap ng naglalampungang mga estudyante ng unibersidad na may tamaraw, habang nagpapalamig at sinasagpang ang aking Chicken Mcdo at choco sundae, nalasahan ko ang diwa ng salo-salo.
Tinanong ako ni RR kung saan ko gustong tumambay o magala. Tinanong niya ako kung gusto kong pumunta doon sa isa sa mga de aircon na emperyo ng isang negosyanteng intsik. Sinabi kong huwag na dahil magagastusan ako at mabibitin lamang, hapon na kasi at baka gabihin ako pauwi. Napagkasunduan na lang namin na pumunta sa kanyang boarding house sa may likod lang ng UST at doon na lang tumambay at magpalipas ng oras.
Dahil mainit, napagdesisyunan naming na sumakay ng jeep. Hindi uso ang mga “sibat” na jeep kaya’t dumiretso kami doon sa may paradahan. Puno na ang jeep kaya tumambay muna kami para magpalamig at hintayin ang kasunod na jeep doon sa mortal na kaaway ng 7-eleven – ang Mini Stop. Sa loob ay may dalawang estudyanteng lalaki na kumakain ng ice cream. Ang sweet naman nila, parang magka-relasyon lang. Sa isang sulok ay may isang coed na nag-aaral. Mukhang nagka-cramming. Napangiti na lang ako dahil ganoon ang madalas kong ginagawa noong nasa kolehiyo pa ako. Mas nagigiling kasi ng utak ko ang mga impormasyon kapag gahol na sa oras. Dumiretso ako sa magazine stand at nagtingin-tingin.
Aba at nag-pose na pala bilang cover girl yung inaabangan natin noong isa kong kuya at dating kasamahan na itago na lang natin sa pangalang Ji Hoo (dahil ayon sa kanya, ako daw si Jun Pyo). Dati rati kasi ay mejo pa-sweet pa ang imahe niya sa telebisyon. Kadalasan na rason ng mga ta-artits kapag nagpapakita ng balat sa mga magasin ay dahil handa na daw sila to take “mature roles.” Waw! Ganun pala iyon. Sign ng maturity ang pagpo-pose sa mga men’s magazine at pagpapakita ng skin. Kung ganoon din lang pala ang kalakaran, hihintayin kong mag-mature ang mga kartada nueve at otso na mga nakaksalubong ko. Tiyak, sisikta din sila, (mas) yayaman, at magiging suplada. Tinanong ko si RR kung meron siya noon. Sabi niya ay wala daw dahil wala na siyang panahon para doon at hindi na siya ganoong “ka-hayok” bumili ng ganonng uri ng babasahin. Sabagay, hindi na kami parang mga high school na excited na unang beses makakapagbuklat ng ganoon babasahin. May iba na kaming mga prayoridad. Siguro, nag-mature na kaming dalawa.
Dumating ang jeep at sumakay kami ni RR. Dahil medyo matanda na si manong drayber at kamukha ni Mister Cariñoso, pamatay ang soundtrip. Iyong DZRH radio drama sa hapon. Pero walang pakialam yung mga kasabay ko sa jeep. Siguro ay sanay na o tahimik na nagtitiis sa torture device ni manong. Medyo patay na oras kaya matagal-tagal mapuno. Sa harap ko ay may nakaupong coed na taga-unibersidad na may tamaraw na mukhang bida sa mga napapanood kong Japanese art film. Sa kanan niya ay may umupong isa pang coed na hindi ko alam kung lumaklak ng sandamakmak na glutathione o kapatid lang ni Edward Cullen na nasinagan ng araw. Sa kaliwa naman ng bida ay may isa pang coed na naka-PE uniform at mukhang galing sa salon – kuntodo pintura ang mukha at highlights ang buhok. Iyon siguro ang PE sa unibersidad nila. Maya-maya, nagtext sa akin ni RR (take note: magkatabi lang kami sa jeep) na mukha daw “working student” iyong nasa harap ko na mukhang Hapon. Nag-reply ako ng “mukhang nagtatrabaho sa Aurora Boulevard Group of Companies.” Para libangin pa ang aming sarili sa paghihintay ng mga pasahero, naglaro kamo ng “kartada game” ni RR. Sa pamamagitan ng pagtetext, tinanong ko siya kung ano ang kartada noong tatlong coed sa harapan namin. Nagreply siya ng syete-otso-syete. Sinabi kong sais lang lahat sa akin. Napatawa siya dahil oo nga naman daw, magaganda lang sa unang tingin pero nakakasawa ding tingnan. Tunay nga namang sa buhay, merong mga maganda lang sa unang tingin. Kung mag-iinvest ka sa isang bagay, dapat ay iyong da best na ang kalidad. Iyong pangmatagalan at hindi lang iyong pang-pronta. “Accident” lang ang kagandahan. Puwedeng nandiyan, puwedeng wala. Substance dapat ang tinintingnan, hindi accident. Sabi nga noong Fox sa librong pang-matanda na nakatago bilang pambata na The Little Prince, “What is essential is invisible to the eye.”
Medyo puno na ang jeep kaya inakala ko na aalis na. Nang biglang sumigaw iyong tomb raider na dispatcher na tig-dalawa pa sa kanan at kaliwa. Panalo! Iyong pang-waluhan na jeep ay ginawang pang-sampuan. Garapalan na. Siguro ay dahil medyo malulugi si Mister Cariñoso sa amin dahil puro estudyante ang mga sakay niya. Kaya para mabawi ang mga mawawala sa discount ng mga estudyante, pinilit niyang isiksik ang apat na extra. Wasak! Maabilidad si manong. Wala ng pakialamanan kung para kaming mga Hudyo sa gas chamber sa Auschwitz sa loob ng jeep niya. Hindi na nagreklamo ang mga kasabay kong estudyante. Mukhang sanay na sa ganoong sugapang sistema.
Tumakbo na ang jeep at nagbayad ako bilang isang estudyante. Technically naman kasi ay hindi pa ako “hindi na estudyante” dahil wala pa akong trabaho. Baby face naman ako kaya hindi mukhang yuppie. Pero may mga sabog na konduktor, drayber, at dispatcher na “utoy” ang tawag sa akin pero kapag naningil ng pamasahe, walang discount bilang isang estudyante. Parang nang-aasar lang ano? Konti pang takbo ng jeep at pagtitiis sa gas chamber hanggang sa narating na namin ang kanto ng looban na kinaroroonan ng boarding house ni RR. Pagbaba ko, natapakan ko ang sapatos noong isang estudyante na nakaupo sa may pinto ng jeep. Tumaas ang kilay at nang-irap. Ayos na sana kung babae siya, normal lang na reaksyon yun. Ang problema lang, mas mukha pa siyang brusko sa akin. Natatawa akong bumaba ng jeep at dumiretso sa looban na kinatitirikan ng boarding house ni RR.
Ang mga boarding houses. Walong taon din akong minsan lang kung umuwi ng bahay namin. Hayskul pa lang kasi ay doon na ako nakatira sa paaralang pinapasukan ko. Sa edad na labindalawa, natuto na ako kung paano mamuhay malayo sa saya ni nanay. Sa murang edad, naranasan ko na kung paano maging (somehow) independent at malayo sa pamilya. Iyon siguro ang dahilan king bakit maraming mga kabataan ang excited na pumasok ng kolehiyo at tumira sa mga boarding houses, bed spacers, apartments, at condo units. Bukod sa liberal na environment sa pag-aaral sa kolehiyo, matututo sila kung paano mamuhay ng mag-isa at malayo sa madaldal at palaging nananaway na pagmamahal ng kanilang mga magulang.
Hati ang opinion ng marami tungkol sa pagtira sa boarding houses at pagiging independent ng isang estudyante. May mga pabor dito dahil bukod sa isyu ng praktikalidad, ito ay paraan para matuto ang mga kabataan para matutong tumayo sa kanilang sariling mga paa. Sa mga hindi naman pabor, kalimitan nilang rason ay dahil malayo nga sa gumagabay na pamilya, mapapariwara, gagawa ng kalokohan at mapapabayaan ang pag-aaral ng isang estudyante. Sa akong opinion, hindi naman talkaga issue kung pabor ka o hindi sa pagiging independent ng isang estudyante. Ang totoong issue dito ay kung ano ba ang pundasyon ng isang bata sa kaniyang pamilyang kinalakihan at pagtitiwala. Kung masyado mong sinakal ang anak mo noong kabataan niya, humanda ka. Kung masyado ka namang maluwag sa pagpapalaki, humanda ka rin. Pero mas humanda ka kung ni minsan, hindi man lang naramdaman ng anak mo ang pagmamahal mo bilang isang magulang dahil kailanman, hindi ka niya pinagkatiwalaan.
Tipikal ang looban ng kinalulugaran ng boarding house ni RR. Dikit-dikit ang mga boarding house at mga apartment. Pakapalan na lang ng balat at pabilisang tumakbo at magsalba ng gamit kapag nagkasunog. Konti pang lakad hanggang sa marating na naming ang kanyang boarding house. Isang limang palapag na gusali, nasa ikaapat na palapag daw iyong unit nila. Maliit lang iyong mismong surface area ng gusali. Para makadami ng unit, tinaasan na lang ng gumawa hanggang sa ika-limang palapag. Praktikal nga naman. Panalangin ko na lang na sana ay matibay at malalim ang pundasyon. Pumasok kami. Sa unang palapag ay doon nakatira ang may-ari. Dumaan at lumampas kami ng di kami pinapansin. Ganito talaga siguro ang buhay nila – negosyo lang, walang personalan.
Matapos umakyat sa makipot na hagdanan paitaas, narating namin ang unit ni RR. Tama lang ang laki para sa dalawa (kasama niya kasi doon ang kapatid niya na sa parehong unibersidad nag-aaral) at may sariling banyo. May double deck, single-burner na kalan, telebisyon at study table. Tinanong ko kung may cable (mas kilala sa lalawigang umampon sa akin sa loob ng walong taon bilang “kat-bee”, mula sa acronym na CATV) ang telebisyon niya. Wala daw kaya napagdesisyunan na lang naming manood ng pamana nina Tito, Vic, at Joey sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi kasi ako masyadong pabor doon sa katapat nila sa kabila. Kapag mas kahabag-habag ang istorya ng kalahok, kapag mas makawasak cardiovascular system ang mensahe ng hinilang kamag-anak, at kapag sumipsip at mas napasaya ang host, mas malaki ang perang ibibigay sa iyo. Para bang sinasabing kung gusto ninyong magka-pera at mabago ang buhay, pumila lang kayo dito at ibuhos ang luha ninyo. Isama mo pa ang mga kasamahan niyang mga mananayaw na tinipid ang tela ng mga damit at co-host na ginagawang katawa-tawa ang sarili para mapaligaya ang mga manonood. Ganoon ang kanilang depenisyon ng pagpapaligaya at pagbibigay inspirasyon sa milyun-milyong manonood sa buong mundo. Matanong ko lang, napansin mo ba ang set-up ng kanilang studio? Pabilog na parang arena. Sino ang nasa itaas at sino ang malapit sa “gitna ng arena”? Hindi ba ang madalas makuhanan ng kamera at nasa ibaba ay iyong mga burgis na nangibang bayan, pagkatapos ay bumalik ng bansa, pilipit ang dila, at tinitingala. Sino ang nasa itaas? Ang madla na araw-araw ay nagtitiyagang pumila at nagbabakasakaling mababago ang kanilang buhay. Ang masa na pinangakuan na sila ang numero uno sa programa. Pero sino ba talaga ang bida? Ang masa o ang host na ipinangangalandakan ang sandamakmak niyang endorsements, araw-araw kinakanta ang mga kanta na parang opening prayer na ng programa, at ang pagpo-promote ng kaniyang album? Hindi ko na gagatungan pa ang gusto nila sa kanilang sistema. At ikaw na nakababasa nito na suki ng programang tinutukoy ko, huwag mo agad akong paniniwalaan. Subukan mong magmasid at ito ay obserbahan para lubusan mo akong maunawaan.
Natapos na iyong binansagang “Pambansang Laro ng Bayan” nina Tito, Vic, at Joey kaya’t halos wala ng magandang palabas sa telebisyon. Nagkuwentuhan na lang kaming dalawa tungkol sa mga bagay-bagay at ang kanyang buhay bilang estudyante sa Maynila. Tinanong ko kung uso sa boarding house niya iyong ginagawa naming noong kami ay magkaklase pa sa kolehiyo – ang “pangangapit-kuwarto.” Hindi daw at walang pakialamanan ang mga tao doon. Buhay ko ito at buhay mo iyan, hindi kita papakialamanan. Mayayaman pala ang mga tao doon. Mayaman sa kadahilanang mga “nakabili ng sariling mundo.”
Naaalala ko tuloy ang buhay ko noong estudyante pa ako. Parang magkakapatid ang turingan namin. Ang pagkain ng isa ay pagkain ng lahat. Puwedeng maghiraman – ng mga gamit, pera, at kung minsan pa nga ay kahit damit at medyas. Kahit wala ng saulian. Magkakasama sa lahat ng bagay, sa mabuti man o madalas ay sa kalokohan. Kapag nagkasakit ang isa, tiyak na mayroong mag-aalaga, magbibigay ng gamot at pagkain, at tagapunas ng katawan. Kapag may nalulungkot at nanghihina ang loob, pumupunta lang sa kapit kuwarto o sa kabilang dormitoryo para makipagkuwentuhan at humingi ng payo. Ganoon ang buhay namin noon. At mag-iiba na ito ngayon. Nangangagat ang katotohanan (wala akong maisip na tagalong sa pahayag na “reality bytes” kaya iyon na lang ang inilagay ko, pasensya na).
Nagpatuloy ang aming kuwentuhan at tawanan at hindi ko namalayang umuulan na pala sa labas. Dahil wala nga akong payong, magpapatila na muna ako doon. Lagay na ang loob ko gagabihin ako pag-uwi. Totoong kapag nalilibang at masaya ka, hindi mo na mapapansin na mabilis na tumatakbo ang oras. A las kuwatro na ng hapon. Tinanong ako ni RR kung ano ang gusto kong kainin. Tiningnan ko ang stock niyang mga pagkain. Walang pinagbago. Katulad pa rin noong kami ay magkasama sa kuwarto noong unang taon sa kolehiyo. Meron pa rin siyang paborito naming crackers – ang Bluskies. Dahil ubos na ang kaniyang tinapay at tinatamad kaming magluto ng paborito naming Lucky Me pancit canton, napagdesisyunan naming sa labas na kumain, para diretso na din ako ng pag-uwi.
Medyo umaambon na lang nang kami ay lumabas ng gusali. As usual, wala na namang pakialam ang may-ari na nakahilata sa sala niya sa ground floor. Lakad ng konti hanggang sa may kanto hanggang sa nakarating sa may Dapitan. Dahil medyo umuulambon, hindi na kami masyadong lumayo kaya dumiretso na lang kami doon sa imortal na kalaban ng payaso na may malaking sapatos – iyong masayang bubuyog na may pa-cute na mata.
Noong bata pa ako, status symbol ang pagiging customer at pag-kain sa fastfood na ito. Medyo may kaya ka kapag tuwing Linggo, pagkatapos ng misa, ay didiretso kayo ng pamilya mo doon para kumain. O kaya naman, kapag kumpleto mo ang kiddie meal na kanilang inlalabas. Sa paglipas ng panahon, nagsulputan ang ilang mga kalabang fastfood na nangangakong “mas sosyal” dahil nagmula sila sa ibang bansa. Gawang Pinoy kasi ang masayang bubuyog. Naglipatan ang mga utak coño sa mga banyaga at naiwan ang masa sa bubuyog. Ngayon, hindi mo na masasabing status symbol ang pag-kain sa masayang bubuyog. Kahit kasi mga ordinaryo at gusgusing Juan ay nakakapasok doon upang kumain. Naakusahan pa nga minsan ang bubuyog na sa kanila daw nagmula ang salitang “jologs.” Ang pinagmulan daw kasi noon ay ang pagdudugtong ng mga salitang “(tunay na pangalan ng masayang bubuyog)” at “busog.” Kaya iyon, naging jologs. Umalma naman ang kumpanya na nagmamay-ari sa bubuyog, hindi daw iyon totoo. Sabagay, mas marami ang nagsasabing ang salitang jologs ay nagsimula sa prinsesa ng kakaibang fashion statement noong banding huli ng dekada nobenta at simula ng bagong milenyo, ang cult icon ng mga chuva chuchu, si Jolina “Ate Jolens” Magdangal. Maniwala ka. Kinonsulta ko na ang google tungkol sa walang kuwentang isyung ito.
Umorder na kami ni RR. Huwag ko na daw tingnan iyong presyo at pagkain na lang ang tingnan ko dahil siya naman daw ang magbabayad. Walang kupas. May latak ng pagiging burgis. Ganoon daw kasi umorder ang mga burgis. Wala ng pakialam sa presyo. Tinitingnan na lang ang pagkain at mga sangkap nito, kung minsan, pinapa-eksplika pa sa waiter o sa chef. Ibahin mo ang ordinaryong Juan. Tinitingnan muna ang presyo, bahala na kung ano ang lasa. O kung hindi maintindihan kung ano ang pagkain, iyong pinaka-ordinaryo na lang ang oorderin. Sabi ng mga elitista at burgis, iyon daw ay dahil wala silang breeding.
Breeding. Iyon daw ang distinction ng mga burgis sa masa. Ng may pinag-aralan sa mangmang. Ng sosyal sa jologs. Cool. Kung dati ay ginagamit lang ang salita sa besprend ng tao (anong breed ng aso niyo?), ngayon ay ginagamit na din sa tao. Para bang gustong sabihin ng mga taong “may breeding” na askal ka, may lahi ako. Iyon ang hindi ko matanggap at lubos na maunawaan. Gamitin nating halimbawa ang mga aso. Lahat naman ng aso ay may breed. Ang totoong issue lang ay kung imported o lokal. Nakasanayan lang natin na kapag sinabing ang aso ay “may breed”, ang iniisip natin agad ay ang magagandang lahi na imported. Hindi ako sumasang-ayon sa pahayag ng mga burgis ng “kulang sa breeding” ang mga tao sa ibaba nila. Lahat ng tao ay may breeding, iba-iba nga lang. Kung paanong inirerespeto at dapat nating respetuhin ang kultura ng iba, gayundin naman ang “upbringing” at kinalakahian ng isang tao. Pantay-pantay tayo mga matapobreng utak aso.
Mag-a-a las singko na ng hapon nang mapagpasyahan kong umuwi. Malapit na kasing dumilim at umuulan, wala akong dalang payong. Tinanong ko kay RR kung saan ang sakayan pauwi. Sumakay lang daw ako sa mga jeep na dumadaan sa may Dapitan at iyon daw ay diretso na ng Buendia. Doon na daw ako bumaba at mag-abang ng bus pauwi. Sumakay ako ng jeep. Nagbayad ako ng bente pesos. Sinuklian ako ng sais pesos. Katorse pesos pala simula Dapitan hanggang Buendia. Katulad ng dati, hindi na ako umaasa na may kasama iyong diskwento bilang isang estudyante. Dahil umuulan at rush hour, hindi ko nagawang tingnan ang mga dinadaanan dahil nakababa ang trapal ni manong drayber na kamukha ni Empoy Marquez at puno ng pasaherong yuppies at mga estudyante ang jeep. Dahil nga umuulan at rush hour, usad susò ang daloy ng trapiko. Kahit ganoon ang usad, nasanay ang karamihan sa mga commuter. Nakadikit na kasi sa imahe ng bansa natin ang pagkakaroon ng mga kalsadang may mabagal na daloy ng trapiko. Kung rush hour at umuulan at mabilis ang daloy ng trapiko, kurutin mo ang sarili mo o ipasipsip mo sa katabi mo ang eyeballs mo. Baka nananaginip ka na o wala ka na pala sa Pilipinas.
Pagdaan ng may tapat ng Manila City Hall, nakita ko sa likod ng sinasakyan kong jeep ang isang bus na byaheng Alabang-Calamba. Hindi ko na hinintay na makarating pa ako ng Buendia o ipa-refund kay Empoy ang sobra sa pamasahe kong ibinayad. Bumaba na ako ng jeep at sumakay ng bus. Katulad noong sinakyan ko kaninang umaga, parehong bus liner at walang aircon. Ayos ito. Madami na naman akong makakasabay na kakatuwang mga commuter. Tama ang desisyon ko na sumakay na ng bus sa may city hall dahil pagdating sa may PGH, halos puno na ang bus at mayroon ng mga naka-standing ovation. Umandar ang bus at nagpasalamat ako dahil sa kalsada, nagsisimula ng bumaha at daan-daang commuters, mga estudyante, manggagawa at mga tambay ang nagsha-shower sa buhos ng ulan.
Hindi ko alam kung talaga lang mapagbiro ang tadhana pero ang katabi ko sa bus ay isa na namang manang, mga nasa late 50’s ang edad, at mukhang nagtatrabaho sa opisina. Hindi ko tuloy alam kung may magnet talaga ako sa mga manang at matrona. Sa likod ko ay may barkadahan na akala mo ay sila lang ang pasahero ng bus dahil sa sobrang ingay. Sa mga salitang lumlabas sa bibig nila, mukhang natutulog sila sa GMRC class nila noong elementarya. Sa unahan ko naman ay may “magka-relasyon”, hindi ko lang alam kung mag-asawa o magka-live-in. Sa kanilang hitsura ay para silang nasa trenta o kuwarenta anyos. Hindi naman sa nangmamata ako ng kapwa ko pero ang mukha nila ay iyong isa sa libu-libong kumakatawan sa “urban poor” sa Pilipinas. Iyong mga mukhang madalas nating nakikita sa telebisyon kapag may sunog, demolisyon, at rally.Pero isa lang ang alam ko sa “magka-relasyon” sa unahan ko, na “Beh” ang tawag ng babae sa lalaki. Ang tamis ano?
Sa may bandang likuran ako umupo, katabi ng bintana. Dahil pabugso-bugso ang buhos ng ulan, bukas sara ako sa bintana. Kapag kasi nakabukas, may hangin ngang pumapasok, basa ka naman sa ampiyas ng ulan. Kapag naman nakasara, hindi ka nga mababasa pero nakakasulasok naman ang init sa loob, lalo na kapag nakatigil ang bus. Kung bakit pa kasi sa ordinary ako sumakay. Kung maghihintay naman ako sa Buendia, baka lalo akong gabihin. Konting tiis na lang. Enjoy naman. Dahil madaming pasahero, medyo natagalan si manong konduktor na kamukha ni Jeric Raval bago makarating sa may upuan ko. Pagdating sa may harap ng upuan ko, magkasabay niya kaming tinanong noong katabi kong manang kung saan kami. Sinabi ni manang na Alabang, ako naman ay sa Calamba. Pag-abot niya sa akin ng tiket, trenta pesos. Nagtaka ako kung bakit ganoong kamura. Oo nga’t mas mura dahil ordinary fare lang ang bus kong sinakyan. Siguro ay inakala niyang sa Alabang din ako bababa. Medyo bingi pala si Jeric Raval. Mamaya ko na lang sasabihin sa kanya kapag naningil na ng pamasahe. Honest kasi ako at favorite subject ko ang GMRC noong elementary. Kaya noong naningil siya, sinabi kong sa Calamba ako. Sitenta pesos ang siningil. Hindi na nilagyan ng note o pinalitan ang ticket. Problema na nila iyon kapag sumampa si manong inspector at nag-audit sila.
Bago pumasok ng skyway ay madami pa din ang sumasakay ng bus. Ayos lamang kahit nakatayo, makarating lang sa papauntahan. Kaya’t mas lalong uminit ang loob ng bus. Ginawa daw ang skyway para mas bumilis ang biyahe, gayundin ang mga expressway. Pero anak naman ng bruskong naka-pink. Hindi na yata iyon applicable ngayon. Mabilis pa ang prusisyon noong nasa skyway ako at pagbaba ng Bicutan hanggang Alabang exit. Ano pa kaya ang maituturing na “express” sa Republika ni Juan na hindi naman talaga express? Siguro ay ang mga fixer sa iba’t-ibang ahensya para mapadali ang trabaho.
Hindi naman ako gaanong nainip kahit na talagang nakakainip ang biyahe. Pamatay kasi ang sound trip sa loob ng bus. Noong una ay mga lokal na mix ng iba’t-ibang sikat na foreign songs. Iyon bang kahit anong kanta na basta na lamang nilagyan ng tugish-takish na beat, kahit hindi naman bagay, na tipikal sa mga “pa-disco” sa malalayong lugar. Pagkatapos noon ay ang mga walang kamatayan na “beerhouse favorites medley” – Air Supply, Bon Jovi, Led Zeppelin at Scorpions. Panalo. Sino bang commuter ang aantukin at hindi mapapaindak sa mga ganoong tugtog? Pati nga si manang na katabi ko ay napapa-head bang.
Lagay na ang loob ko na talagang gagabihin ako dahil dadaan pa ang bus ng Alabang para magbaba at magsakay ulit ng panibagong pasahero. At ganoon nga ang nangyari. Halos maubos ang bus nang ang halos lahat ng aking kasabay ay bumaba ng Alabang, Kasama ni si manang na headbangers, ang magkarelasyon, at ang magkakabarkadang natutulog sa GMRC. Pagdating sa may tapat ng Star Mall (na dating Metropolis, hindi ko alam kung bakit “mas pinasosyal” ang pangalan), ay humakot ulit ng pasahero ang bus. Wasak na naman sa sobrang init sa loob. May tumabi sa akin na naka-corporate attire. Tiningnan ko kung anong kartada. Hindi naman sa nagsusuplado pero kartada singko, kamukha noong mga tipikal na gumaganap na “ya-yey” sa pelikula at telebisyong Pilipino. Bago pumasok ulit ng SLEX ay tumigil ulit ng bus para kay manong inspector. Hindi ko lang alam kung nakita iyong error na ginawa ni Jeric Raval sa pagbutas sa ticket ko.
Dire-diretso na ang takbo ng bus pagpasok ng SLEX. Doon lang naman kasi sa parteng Sucat at Bicutan madalas maging usad susò ang daloy ng trapiko dahil nga sa “pagpapaganda at pagpapaluwag” na ginagawa sa kalsada. Ngayon, kung nakasakay ka ng pampasaherong bus, dalawa ang posibleng exit. Kapag biyaheng Batangas at Lucena, doon sa Turbina. Kapag naman Biyaheng Santa Cruz at Calamba, doon sa Mayapa. Doon kami nag-exit sa Mayapa. Kilala ang Mayapa at ang Paciano na ma-trapik na lugar. Lalo na kapag gabi at papunta ng Crossing Calamba. Ganoon na nga ang nangyari sa akin kaya’t konting tiiis na lang. Enjoy pa din naman ako sa “beerhouse favorites medley” na pinapatugtog sa bus.
Sa wakas at nakarating din ng Calamba crossing. Diretso ako ng terminal ng jeep para sumakay ng biyahe papuntang UP College. Kaaalis lang noong isang jeep kaya kailangan ko pang maghintay ulit na mapuno ang kasunod na biyahe. Alas-otso na ng gabi at kalimitan kapag ganoong oras, kakaunti na ang mga pasahero at matagal mapuno ang jeep. Doon ako umupo sa may bukana, sa tabi ng pinto ng jeep (or ‘entrance” ng jeep, wala naman kasing pintong nakakabit). Inilabas ko ang aparatong pang-soundtrip ko para libangin ang sarili. Maya-maya pa, sa tabi ko ay may umupong cute na dalagita na may malaking bag. Mga disisais anyos siguro. Kartada otso. Kagaya ko, inilabas din niya ang kanyang phone na may music player para hindi mainip sa paghihintay. Ganoon din iyong babae in her twenty’s na nasa harapan ko na naka-corporate attire, may headset din sa tenga. Ganito nga talaga siguro kami ngayon. Ang henerasyon ng iPod, MP3 players at headset.
Medyo puno na ang jeep makalipas ang halos dalawampung minuto pero katulad ng mga jeep sa lahat ng terminal at paradahan, kailangang puno bago umalis. Dumating si manong dispatcher. Sa lahat yata ng dispatcher na nakita ko, siya na ang pinakapaborito ko. Kuwela kasi siya at nag-i-inggles na parang kanong hilaw. Ang paborito niyang linya ay..”Give way! Give way! One people left and one peole right. Welcome to Calamba crossing terminal / the town of Los Baños ma’am / sir. Thank you for coming and come back again. Thank you very much!” Seryoso ang mukha niya habang sinasabi iyon. Wasak ano?
Hindi na hinitay ni manong drayber ang one people left at one people right. Ramdam na rin siguro niya na naiinip na ang mga pasahero. Kaya pinaandar na niya ang jeep kahit kulang. Tuloy naman ako, iyong katabi kong cute, at iyong nasa harap ko sa pakikinig sa aming mga music player. Bumaba iyong cute kong katabi sa may Letran at iyong nasa harapan ko sa may Pansol. Unt-unti na ring naubos ang mga pasahero. Dahil medyo gabi na, hindi ko na inabot ang isa sa pinaka-pamosong karanasan ditto sa eLBi, ang usad susò na daloy ng trapiko. Bumaba ako sa may crossing at sumakay ng pedicab (“padyak” para sa mga taga-Metro) pauwi ng bahay naming. Puwede namang lakarin kaso lamang ay haggard na ako sa maghapong nakakapagod na karanasan. Pagdating ko sa bahay, nagmano ako sa aking Nanay, nagbihis at kumain ng hapunan. Umalis ako ng Dapitan ng a las singko ng hapon. Dumating ako ng bahay naming ng a las nuwebe ng gabi. Apat na oras ng nakakapagod na biyahe. Ganito ang buhay ko na haharapin ko ngayon. Masanay na dapat ako.
Nakakapagod ang ganoong karanasan gayong isang araw ko pa lamang iyon naranasan. Wala pa sa kalingkingan ng milyun-milyong kaluluwang nabubuhay at naglalakbay sa araw-araw nilang pamumuhay. Lahat ng nakasabay at nakasalubong ko ay pawang mga imahe ng totoong buhay na haharapin ko ngayon. Welcome to the real world ika nga. Mas malawak at mas maraming pagsubok ang haharapin ko ngayon pagkatapos ng labing-anim na taon ng pag-aaral. Para bang introduction pa lamang ang buhay ko noon bilang isang estudyante. Ngayon ko nakikita ang kahalagahan ng napakaraming oras na sinayang ko noong ako’y estudyante pa lamang. Pero masaya pa rin ako sa katotohanang lahat ng pagkakamali at pagkukulang ay nakakapagturo ng leksyon na dadalhin natin sa paglalakbay sa buhay.
Matanggap kaya ako doon sa pinag-applyan kong trabaho? Sana. Nagbabaka sakali lamang. Kung matanggap man, mapapabilang na ako sa milyun-milyong Pilipino na umaalis ng bansa in search of greener pastures. E bakit hindi trabaho sa Pilipinas ang dapat kong unang inaatupag? Sabi nga ng karamihan ay paglingkuran muna ang sariling bayan. Praktikal na rason. Gusto ko kasing makatulong sa mga magulang ko na hindi gaanong kalakihan (puro kaltas pa) ang sinasahod. Kung hindi man, maghahanap pa rin ako ng ibang trabaho, kahit dito sa Pilipinas. Kung ikaw na nagbabasa nito ay interasado sa pagkatao ko at gustong bigyan ako ng trabaho, puwede kong ibigay sa iyo ang resume ko. Pero kung sakaling matanggap, mabuti. Maisusulat ko na mula sa sarili kong karanasan ang ilang parte ng istorya ng milyon-milyong Pilipinong diaspora na umaalis taon-taon. Mas magiging kapani-paniwala iyon dahil hango sa tunay na karanasan.
Sa issue naman ng “paglilingkod” sa sariling bayan, nasa puso ko pa rin iyan. Bumalik tayo sa issue ng praktikalidad. Dalawa lang naman kasi ang paraan para mas yumaman ka dito sa Bayan ni Juan. Pumunta ng ibang bansa at maging trabahador ng banyaga, o magtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas at magkaroon ng trabahador na kababayan. Pareho kong gustong tumbukin ang parehong bagay. Kung hindi man ako makabalik sa dati kong paaralan para ipagpatuloy ang bokasyon kong sinimulan, magtatrabaho ako, mag-iipon ng kapital, at saka magnenegosyo and in the long run, makakapagbigay ng trabaho o kabuhayan sa kapwa ko Pilipino. Naniniwala kasi ako kay Bo Sanchez, isang kilalang catholic Lay preacher, na ang susi sa pag-angat ng kabuhayan dito sa Bayan ni Juan ay ang micro-entrepreneurship, hindi ang pagiging empleyado.
Ang lahat ng mga taong nakasalamuha ko sa maghapon ay pawang nakapagturo sa akin ng aral at karanasang hindi ko malilimutan. Pero sa dinami-dami ng istorya na hinabi ko sa sarili kong istorya sa maghapon, iisa lamang ang napatunayan ko. Na napakasarap ng buhay at napakasarap mabuhay. Ang lahat ng taong iyong nakakasalubong ay buhay na manipestasyon kung gaano kaganda ang buhay at kasarap ang mabuhay. Ang bawat taong iyong nakikitang naglalakad, sumasakay sa bus at jeep, at naglalakbay ay manipestasyon na lahat ng tao ay may pupuntahan. At ang bawat taong nagtitiis sa trapik, nagpapa-facial sa polusyon ng kalsada, at naghihintay na mapuno ang sasakyan ay manipestasyon ng pag-asa na matatapos din ang kanilang paghihirap at makakarating sa paroroonan. Ang lahat ng taong nabubuhay ay dapat magpasalamat sa biyaya ng ganda ng buhay, nabubuhay ng may tiyak na patutunguhan at nabubuhayan ng loob sa katotohan na habang may buhay, may pag-asa.
Ang buhay ay isang mahabang paglalakbay. Sa highway ng ating buhay, kung maligaw man, palaging may mga traffic signs, directions na makapagtuturo, o mga taong mapapagtanungan. Iyon ang kahalagahan ng mga tao sa iyong paligid na iyong magiging kalakbay sa buhay.
Isang napalaganda at hindi malilimutang karanasan ang paglalakad sa kalsada at pagsakay sa mga pampublikong sasakyan. Kung minsan lang, dahil masyado tayong pre-occupied sa ating mga sariling ginagawa at nilamon na tayo ng mentalidad na walang pakialamanan, hindi natin nakikita na meron pala tayong mga matutunang bagay. Sa pagtutok natin sa maliliit ng screen ng ating mga cellphones at computer, nakakalimutan natin na mayroon pang “bigger picture” sa buhay. Sa pagsalpak ng mga headsets ng ating mga music players sa ating tenga, hindi natin napapakinggan ang mas malakas na musika ng katotohanan. Sa pananatili natin sa ating comfort zone, hindi natin makikita ang tunay na realidad at aral ng buhay.
Ang buhay ay isang paglalakbay at habang ako ay nabubuhay at may lakas, susubukan kong hindi masayang ang bawat oportunidad para ako ay matuto. Ikaw? Nakita at nakagiliwan mo na ba ang iba’t-ibang anggulo ng mga bagay sa paligid mo? Natuto ka na ba sa mga istorya ng buhay ng ibang tao o sarili mo lang ang pinapakinggan mo? Hindi pa huli ang lahat.
Kung magkaroon man ako ng pagkakataon, ang sunod kong susubukang lalakarin at paghuhugutan ng istorya ay ang EDSA. Masyadong ambisyoso? Hindi hangga’t ako ay may lakas at determinasyon. Magpapatuloy ang buhay. Padayon!
No comments:
Post a Comment