Monday, January 4, 2010

>Ang Pagkuha ng NBI Clearance

>Getting NBI Clearance is Pinoy-flavored bureaucracy at its finest.

Ganyan ko ilalarawan ang pagkuha ko ng NBI clearance sa unang pagkakataon para sa papasukan kong trabaho. At ito ang buong istorya.

Pinatawagan ko muna sa NBI ang aking sekretarya at personal assistant (o ang aking nanay) para itanong kung ano ang mga requirements sa pagkuha ng clearance nang sa gayon ay “maipatas” ko na ng maayos ang aking battle plan o kung ano ang una kong pupuntahan. Sinabi niyang kailangan daw ng ID picture, Barangay clearance, at Police clearance in exact order. Hindi niya sinabi kung magkano ang aking mga babayaran. Kaya kailangan kong dalhin ang wallet ko laman ang aking “assets” na ipon from my training sa research.

Hindi muna ako umalis ng bahay dahil nanood muna ako ng delayed telecast ng Miss Universe pageant sa channel 2. Pero nang malaman ko sa tweet ng brodkaster ng TV 5 na si Jove Francisco sa Twitter (blow by blow details at comments ang tweets niya) na wala naman sa top 15 ang Pinay, umalis na ako para kumuha ng Barangay Clearance

Sumakay ako ng tricycle papunta ng Barangay Hall. Nakakuha na ako dati ng barangay clearance for my ATM application so alam ko na na bente pesos ang sisingilin sa akin ng Barangay secretary. Mabait naman at hindi katulad noong registrar ko noong kolehiyo na matatakot dumapo kahit gabok (pramis! Kaya siguro tumanda siyang dalaga) iyong barangay secretary. Nakangiti niya akong tinanong kung ano ang kailangan ko. Sinabi kong barangay clearance for employment purposes. Tinanong niya ang cedula number ko. Sinabi kong I have yet to get a cedula sa munisipyo (oo, in-english ko iyong sekretarya). Iiwanan na lang daw niyang blangko iyong CTC number at ako na daw ang bahalang mag-fill-up kapag nakakuha na ako. Tinanong niya ang number ng bahay namin. Sinabi kong “37.” Kumunot ang noo niya. Alam ko na ang ibig niyang sabihin – na iyong mga bagong number ng households ang kailangan niya. Sinabi kong wala at hindi naman kami in-issue-han ng barangay ng bagong number. Inilagay niya na lang na “PNR OB” kung saan mas kilala ang lugar namin. Habang nagpi-print, ng clearance, tinanong niya muna ako kung kanino akong anak. Noong sinabi ko, tinanong niya kung anong apelyido ng nanay ko noong dalaga. Sinabi kong Leviste. Pamilyar sa kanya dahil iyong pinsan ng nanay ko ay tumakbong konsehal ng barangay namin.

Pagkatapos ng ngitian at bayaran, umalis na ako ng Barangay hall at sumakay ng tricycle papunta sa Robinson’s Town Mall (ang pinakamalaking mall na nakita ko, pramis.) para magpakuha ng litrato. Pero bago noon, dumaan muna ako ng Blue Bird bookstore (na dating Maya bookstore) para bumili ng ball point pen o bolpen para sa pirmahan at folder na paglalagyan ko ng mga papeles at resibo. Pagkatapos noon, pumunta na ako ng basement sa Picture City para magpa-picture. Ayoko kasi sa Tronix, madaling mag-fade ang mga litrato.

Pinaka-ayoko kapag nagpapalitrato ay ang pagtatanggal ng salamin, pumapanget kasi ang maganda at nangungusap kong mga mata. Pero kapag naka-salamin naman, nagre-reflect ang ilaw. Hindi ko lang alam kung bakit hindi lahat ng photographer ay hindi makuha ang technique para huwag magkaroon ng reflection sa antipara.

Pagkatapos noon, sinabi sa akin ni ate sa counter na balikan ko na lamang daw makalipas ang dalawampung minuto. Tanghalian na noon, kung uuwi ako sa bahay namin, effort pa kaya napagdesisyunan ko na lang na kumain sa tabi-tabi. Doon ako kumain sa siomai-an sa tapat ng Robinsons para makatipid ako. Dalawang rice ang in-order ko kay Ate Siomai. Walang pakialaman kung may mga ka-jamming akong langaw at hindi pinupunasan iyong nanlilimahaid na lamesa. Basata masarap yung siomai. Tapos.

Lunch break at sarado ang lahat ng tanggapan ng gobyerno. Kaya napagdesyunan kong mag-procrastinate at maghintay ng oras sa computer shop para mag-facebook at twitter. Sa pagpunta ko sa kalapit na computer shop, may nakasalubong akong dating kaklase. Pamilyar ang mukha pero kahit anong gawin kong pag-iisip, hindi ko matandaan ang pangalan. Tinawag niya akong “Father” at matapos ang kumusta-mabuti-nagaaral ka pa-graduate na ako-ngiti na paraan ng pagbati, dumiretso na ako sa computer shop para mag-aksaya ng oras at pera sa pagfe-facebook at twitter.

Matapos ang pag-take ng mga walang kuwentang quiz at survey sa facebook, pagbili sa mga kaibigan sa “Friends for Sale”, at pakikipag-chat sa mga dati at bagong kakilala, bumalik na ako sa picture city para kunin ang aking picture at dumirestso sa munisipyo. Nagbayad ako sa jeep ng sais pesos, iyong pang-estudyante dahil technically, hindi pa naman ako “hindi na estudyante” (gets mo?).

Pagdating sa munisipyo, hinanap ko kung saan kumukuha ng cedula o community tax certificate (CTC). Nakita ko naman agad. At dahil mga mukhang suplado iyong mga nakapila, nag-observe muna ako kung paano ang kanilang ginagawa. Iyon. May papel na susulatan kung anong pangalan, saan nakatira, saan ipinanganak, petsa ng kapanganakan at civil status. Saka ibibigay doon sa ale sa window na mukha namang mabait. Kumuha ako ng papel at isinulat ko ang dapat isulat. At pagkatapos ay ibinigay doon sa manang sa may window, matapos niyang sulatan iyong CTC, pinapirma niya ako at pinalagyan ng right thumb mark ang CTC. Tinanong ko kung magkano. Eleven pesos daw. Nagbayad ako at isinulat ko sa aking Barangay clearance ang aking CTC number. Pagkatapos ay pumunta sa next stage – ang pagkuha ng Police Clearance sa police station mga isandaang metro ang layo sa mga windows ng transaction.

Pagdating doon, walang gustong mag-entertain kaya tumambay muna ako sa may desk na nakatayo dahil walang upuan. Makalipas ang may walong minuto, lumabas ang isang empleyado, magpapahangin yata, at tinanong kung ano daw ang kailangan ko. Sinabi kong Police clearance at ipinakita ko sa kanya ang aking barangay clearance. Sinabi niya sa akin na kailangan ko daw bumalik doon sa window 5 para magbayad ng 100 pesos for the police clearance at pagbalik sa kanya ay 30 pesos for processing yata. Ayos. Bukod sa para akong boomerang na pabalik-balik, nagtataka ako kung bakit hindi pa pinag-isa ang bayaran at sa iisang lugar.

Balik sa window 5 at nagbayad ng isandaang piso. Pagkaabot ng resibo, bumalik ako sa Police station at pumasok doon sa de-aircon na kuwarto ni kuya kung saan pino-proseso ang mga clearance. Sa loob ay may kasama siyang pulis na mukhang lalaki na nakulong sa katawan ng babae na nagtatrabaho sa kanyang laptop at panalo sa soundtrip – Savage Garden. May sariling desktop computer si kuya at may webcam. Akala ko noong una ay para sa chat kapag wala siyang ginagawa, iyon pala ay para din sa clearance. Matapos niyang i-type ang mga info tungkol sa akin, sinabihan niya akong humarap sa webcam para kuhanan ng litrato. Panalo! Kinabog si Lola Techie! Pagka-print ay sinabihan niya akong pumirma at lagyan ng thumbmark ang clearance at nagbayad na ako ng trenta pesos. Hintayin ko na lang daw sa labas at papipirmahan pa niya ang aking clearance.

Sa labas ay may dalawa ding aplikante na naghihintay na mapirmahan ang kanilang clearance. Mga limang minuto pa ang ipinaghintay ko bago dumating si kuya dala ang pirmado naming police clearance. Pagkaabot niya sa akin, tinanong ko kung saan kumukuha ng NBI clearance. Doon daw sa may likuran ng Laguna Water District – mga 400 metro ang layo mula sa Police station. Panalong lakaran na naman.

Hindi ko agad nakita ang NBI dahil may nakaharang na fire truck sa harapan – nag-iigib yata sa water district. Kung gaano kabait iyong mga nasa Barangay Hall, Munisipyo at police station, kabaligtaran naman noong mga taga-NBI. Kambal sa Uma siguro noong registrar ko noong kolehiyo. Naka-post naman kung ano ang mga requirements na kailnagan – Police clearance, 2x2 ID picture at ID. Matapos kong ibigay sa masungit na manang sa window ang mga requirements ko, binigyan niya ako ng form para sa clearance at saka finill-up-an. Pagkatapos kong mailagay ang dapat mailagay ay nagbayad na ako ng 115 pesos. 100 daw para sa clearance fee at 15 pesos daw para sa document stamp ayon sa resibo. Pagkatapos, pinapasok na niya ako sa loob para sa finger printing (may ganoon bang salita?).

Sa loob ay may mukhang perpetually badtrip na manang na mataba na siyang nagpapa-finger print sa mga aplikante. Iyon bang tipikal na napapanood ko sa telebisyon na hawak ng NBI agent ang mga kamay at daliri ng suspect, at isa-isang pinapatatakan sa papel ang bawat daliri. At ganoon na nga ang nangyari sa akin. Hawak ni manang badtrip ang mga daliri ko, at nakakunot ang mukha habang itinatatak ang aking mga fingerprint sa papel. Sa isip ko ay natatawa ako na para akong criminal sa ginagawa niya. Habang itinatatak niya ang aking daliri, napansin kong may mga wet wipes sa tabi. Nakalagay na “PANLINIS FOR SALE. 3 PISO ANG ISA (HINDI PO SAPILITAN).” Hanep, pati panlinis after finger-printing, may bayad. Buti pa sa COMELEC, may basahan na puwedeng gamitin, free of charge. Matapos madumihan ang mga daliri ko sa finger printing, sing-bilis ng Sky Broadband niyang biglang iniabot sa akin ni Manang Badtrip ang wet wipes sabay sabing “tatlong piso.” Anak naman ng Syoktong! Akala ko ba ay hindi sapilitan? Alangan namang ibalik ko sa lalagyan e hawak ko na at madumi na? Wala na akong nagawa kundi ang humugot ng tatlong piso sa bulsa ko at ilagay doon sa plastic container sa table. Kung kanino mang lamesa iyon at kung kanino mapupunta ang profit para sa wet wipes, hindi ko alam. Balikan ko na lang daw sa September 1 o makalipas ng isang linggo ang aking NBI clearance.

Sa pagpo-proseso pa lang ng papeles, bukod pa ang pagkain, pamasahe, picture at pag-fe-facebook at twitter ko, gumastos ako ng 276 pesos. 276 na piso na natural lamang na binabayaran ng isang Juan kapag nakikipag-transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno. Huwag lamang sanang may magbubulsa dahil madami kaming nagbabayad ng 276 pesos. Malaki-laki din iyon kapag pinagsama-sama at naipon.

Wala naman talagang masama sa byurokrasya. Ginagamit ito para maging organisado at may sistema ang isang ahensya o institusyon. Pero nang dahil sa hindi organisadong byurokrasya at inutil na sistema, mas lalong bumabagal ang sistema at nakakapagod ang palipat-lipat ng mga nakikipagtransaksyon sa gobyerno – ang mga tao na siyang nagbabayad ng buwis na siyang bumubuhay sa bansa.

Pangarap ko sana na magkaroon ng isang organisadong parang “factory style” na pakikipagtransaksyon sa gobyerno. Iyon bang isang organisado at sistematikong parang “isang diretsong produksyon” kung saan hindi na magpapabalik-balik na parang boomerang at hindi na magpapalipat-lipat ang mga nakikipagtransaksyon na parang bolang pinagpapasa-pasahan. Pero kung patuloy pa rin tayong magpapailalim sa nakagisnang sistema, sing-bagal ng dial-up connection at sing-labo ng Laguna de Bay nating mababanaagan ang pag-unlad.

Isinusulat ko ang artikulong ito upang magbigay ng aral na parang tutorial sa mga kukuha pa lamang ng NBI clearance, upang ibahagi ang aking kakatuwang karansan at upang magbigay at mag-iwan ng hamon.

Hindi lamang ito naka-sentro sa minamahal kong Bayan ng Los Baños. Ginamit ko lang ang aking karanasan bilang isang tayutay. May mas malaking issue na dapat tayong harapin bilang mga Juan at Juana sa minamahal nating bansang Pilipinas. Hindi ko rin sinisiraan ang bayan kong minamahal at kinalakihan dahil “Ang sinimulan ko sa Bayan ng Diyos, Ipagpapatuloy ko sa Bayan ng Los Baños.” Jamming na lang tayo sa finals sa Mayo sa susunod na taon (wink! wink!).

Kapayapaan at pag-ibig para sa lahat. Magpapatuloy ang buhay. Padayon!

No comments:

Post a Comment