>Hindi ito isang ma-kesong sanaysay (wala kasing eksaktong salita sa Tagalog para sa cheesy) tungkol sa walang kamatayan at laging pinag-uusapang paksa na kung tawagin ay pag-ibig. Nawalan na kasi ako ng motibasyong magsulat ng tungkol sa mga nakakakilig na bagay simula nang (puwersahang) ipapanuod sa akin (ng mga kasama kong mga pari at seminarista) ang pelikula ni Aga Muhlach at Anne Curtis na When Love Begins – ang pinakabasurang pelikukang ginawa ng Star Cinema. Ito ay isang pagninilay tungkol sa malalim na pakapahulugan at paraan ng paglilingkod at pagmamahal.
Likas sa tao ang magmahal at maglingkod sa kapwa. Ito ay nakatatak na sa kanyang katauhan. Sa pilosopiya ng tao, masasabing hindi tao ang isang tao kung hindi siya nagmamahal. Gayundin naman, dahil batid ng tao na hindi siya maaaring mamuhay mag-isa, ang paglilingkod o ang pagbibigay ng sarili para sa isang tao, bagay at ano pa mang dahilan ay nakaukit rin sa kanyang kalikasan.
Nasa natura din ng tao na ang lahat ng kaniyang ginagawa at ikinikilos ay may motibo. Sa pilosopiya, ito ay tinatawag na “end” o “purpose.” Ito ang dahilan kung bakit gumagawa ang isang tao. Lahat ng kaniyang gawa at kilos ay may patutunguhan. Walang tao ang gumagawa ng para sa wala (Naiintindihan mo pa ba? Kung hindi ay mas magaling! Alam mo na ngayon ang pakiramdam ng mga seminaristang nag-aaral ng pilosopiya) .
Dito pumapasok ang iba’t ibang uri ng paglilingkod. May mga taong naglilingkod na ang motibo ay ang mga “napapala” sa paglilingkod. Mayroong mga naglilingkod dahil gusto nila ang kanilang ginagawang paglilingkod. At mayroong mga naglilingkod na may elemento ng sakripisyo para sa iba. Iisang pagkilos ngunit may iba’t ibang motibo.
May mga taong naglilingkod na ang layunin ay ang kapalit o ang napapala nila sa kanilang paglilingkod – pera, kasikatan, at papuri ng kapwa. Ang mga taong ito ay hindi maglilingkod o magbibigay ng kanilang sarili kung walang kapalit o kung wala ang mga kaginhawaan sa likod ng paglilingkod. Sa madali’t sabi ay pronta lamang nila ang paglilingkod sa kanilang hangarin. Kaya naman hindi kaila sa atin ang dami ng bilang ng mga elitista at pulitikong ginagawa ang lahat (sukdulan ng mandaya at makipagpatayan) makaupo lamang sa puwesto at liderato at magpanggap na naglilingkod. Mas malaki kasi ang kanilang “kikitain” mula sa kaban ng bayan kaysa sa kanilang nagastos sa pangangampanya. Ang gandang negosyo hindi ba? (Hindi ko na kailangang isa-isahin ang baho ng mga pulitiko. Maraming mga manunulat na ang nagsulat sa kanila. Pero para sa mas mabahong basura para sa mga pulitiko, bisitahin niyo yung isa ko png blog entitled OF SACERDOS AND POLITICOS)
May mga naglilingkod naman dahil gusto nila ang kanilang ginagawa. Kalimitan, ito ay pagbabahagi ng talento o kung anong meron ka sa kapwa. Halimbawa, kung hilig ng isang tao ang pagsusulat, maaari siyang makapaglingkod sa pamamagitan ng pagsulat ng mga bagay na makakapagpamulat sa kamalayan ng tao upang kumilos para sa ganap na pagbabago (Naks! Trapong-trapo ang dating ko!). Sa madali’t sabi ay kasiyahan na niya ang paglilingkod sa kapwa – isang paglilingkod na walang kahirap-hirap dahil gusto niya ang kaniyang ginagawa. Ang kalimitang motibo nito ay upang mahasa pa ang sariling kakayanan at pagpapasarap ng sarili o “self-gratification” – na walang ibang patutunghuhan kundi ang pagputong ng korona sa sariling ulo at paghalik sa sariling puwet. Ngunit hindi ito dapat na ituring na masama o isang “self-centered” na serbisyo. Ito ay likas na mabuti ngunit mayroong mas marangal na uri ng paglilingkod.
Mayroon namang naglilingkod ngunit hindi nila gusto ang kanilang ginagawa o isinasakripisyo ang sariling kagustuhan sa kanilang paggawa. Hindi katulad ng sa ikalawang uri ng paglilingkod na nagmumula sa kanilang sariling kagustuhan, ang ikatlong uri ay ang paglilingkod na ang motibo ay ang makapaglingkod na may elemento ng sakripisyo. Ibinibigay nila ang kanilang sarili – hanggang sa punto na isinasakripisyo nila ang sariling kagustuhan at kaginhawaan maibigay lamang ang sarili sa kapwa. At ito, ang tunay at marangal na pakapahulugan ng paglilingkod at pagbibigay ng sarili – ang pagbibigay ng buong sarili sukdulan ng kahit buhay ay ialay. Ito ang marangal na uri ng paglilingkod – ang may elemento ng sakripisyo.
Isang napakagandang halimbawa at ang pinakamagandang “love story” na yata na nalaman ko ay ang sa ating Panginong Hesukristo (hindi ito yung kasinungalingan tungkol sa kanilang dalawa ni Maria Magdalena). Kung iyong maaalala (at kung nagbabasa ka ng Bibliya), noong si Hesus ay nagdadasal sa halamanan ng Getsemane ay idinalangin niya sa Diyos Ama na “tanggalin sa kanya ang Kalis ng paghihirap.” Ngunit sinunod pa rin niya ang kalooban ng Ama. Ibinigay niya ng buong-buo ang kanyang sarili nang ipako siya at mamatay sa krus para tubusin ang ating kasalanan. Kung tutuusin ay hindi na niya kailangang gawin iyon dahil Diyos na siya. Pero ginawa pa rin niya iyon nang dahil sa pagmamahal. Mayroon pa bang hihigit sa ganoong uri ng pagmamahal? Ang sweet ni Hesus ano?
Sa tuwing ibinibigay natin ang ating buong sarili ay laging mayroong elemento ng sákit. Ito ay sa kadahilanang pinapahalagahan natin ang ating sarili kaya tayo ay nasasaktan kapag ibinibigay natin ang pagpapahalagang iyon sa iba. Hindi ito tunay na pagmamahal o pagbibigay ng sarili kung hindi ka nasasaktan. Ang tunay na nagmahal ay ang taong nasaktan. Tunay ang iyong pagmamahal na ibinibigay kung patuloy kang nagmamahal kahit ilang ulit at paulit-ulit kang nasaktan at sinasaktan.
Hindi ako naniniwala sa mga nagsasabing gusto nilang maglingkod sa kanilang kapwa Pilipino kaya gusto nilang maupo sa puwesto. Mayroong mas marangal na paraan upang magbigay ng buong sarili sa kapwa. Maaari tayong maging bayani at tagapaglingkod sa ating mga sariling marangal na paraan. Alam mo na siguro ang gagawin mo sa mga kandidatong nagsasabing “gusto kong makapaglingkod sa taong bayan kaya nais kong tumakbo sa darating na halalan.” Maging matalino ka.
Minsan, sinabi ng isang pari sa amin na isa daw sa pinakamagandang love story ay ang daan ng isang binata patungo sa pagpapari. Tunay nga naman. Sa pagpapari ay madaming kailangang isakripisyo – ang pamilya, ang sarap ng buhay ng isang ordinaryong binata, ang (mga) “karelasyon”, at ang mismong sarili. Totoong napakahirap ng daan patungo sa pagpapari. Kailangang talikdan ang sarili at buhatin ang sariling krus upang sumunod kay Kristo. Iyon siguro ang dahilan kung bakit maraming naaakit sa aming mga seminarista at mga pari – kahit pa gaanong kasamang lalaki ay nagiging kaakit-akit at kaibig-ibig sa mata ng mga dalaga at mga manang. Pasensya na lamang kayo. Mas mahal namin si Kristo at ang pagpapari. Teka, nahulog na rin ba ang loob mo sa akin?
No comments:
Post a Comment